Sa Fairview nakatira sina Kuya Renato at asawa nitong si Ate Lydia kasama ang limang taong gulang nilang anak na si Ikoy.
Si Ikoy ay makulit pero mabait na bata. Magalang at masunurin sa matatanda. Sadyang palatanong lang talaga kaya aakalain mong makulit.
Sabado ng hapon, tinawagan ako ni Kuya at tinanong kung pwede ba akong magbantay kay Ikoy ng isang gabi lang dahil pupunta sila sa namatayang kaibigan. Medyo may lagnat kasi ang bata kaya hindi pwedeng dalhin. Pumayag ako.
Alas otso. Pagkatapos naming maghapunan, umalis na sina Kuya at Ate Lydia.
Nanood kami ng TV ni Ikoy. Nang makaramdam na siya ng antok, binuhat ko sya at dinala sa room nya sa ikalawang palapag. Bumaba ako ulit at nanood.
Maya-maya, narinig kong umiiyak si Ikoy sa kuwarto nya. Mabilis ko siyang inakyat.
Pulang-pula na ang mga mata nito sa kaiiyak. Tinanong ko kung bakit umiiyak. Nanginginig nyang sagot ay may monster daw sa ilalim ng kama nya.
Para kumalma, sinabi ko sa kanya na hindi totoo ang monster, hindi rin totoo ang Santa Claus at mga fairies. Hindi pa rin sya natigil sa kaiiyak. Mas lalong lumakas pa ito. Pulang-pula na talaga ang mga mata nya habang nakatingin sa akin.
Sabi ko nalang sa kanya, titingnan ko yung ilalim ng kama nya para ma-sure na wala talagang monster.
Dahan-dahan akong lumuhod at sumilip sa ilalim ng kama ni Ikoy.
Halos mamatay ako sa kilabot ng makita ko si Ikoy sa ilalim ng kama. Nakatingin sa akin at sinabing "Tito, paalisin mo yung monster sa taas bed ko."
Biglang tumigil sa pag-iyak ang batang nasa itaas ng kama. Napamura ako sa takot. Nagtaasan ang mga balahibo ko. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Nagkatitigan lang kami ni Ikoy sa ilalim ng kama.
Halos himatayin ako ng mga oras na iyon lalo na ng maramdaman kong gumalaw ang bata sa taas ng kama na parang bababa papunta sa pwesto ko.
Naihi na ako sa sobrang takot ng tumigil ang paggalaw ng kama. Hinimatay ako sa sobrang sindak ng may biglang yumakap sa likod ko ng sobrang higpit.
Paggising ko, nandun na si Ate at si Kuyang karga si Ikoy. Hindi na ako tumagal at nagpaalam na akong umuwi dahil sa takot.
Pagkauwi ko, nagtext si Kuya. Bakit ko daw sinabi kay Ikoy na hindi totoo si Santa Claus at mga fairies.