Ikaw

1K 43 10
                                    

"Ikaw"
tulang isinulat ni Kyeriella
Marso 16, 2017

Ikaw 'yong simula na ayaw kong wakasan,
Ikaw 'yong karakter sa kwento na 'di kailanman malilimutan.
Ikaw 'yong mga luhang nag-iwan ng marka sa mga pahina,
Ikaw 'yong tinta na kumalat mula sa paboritong pluma.

Ikaw 'yong alaalang paulit-ulit na bumabalik,
Ikaw 'yong maiinit na yakap at matatamis na halik.
Ikaw 'yong sugat na walang bahid ng paggaling,
Ikaw 'yong tinik sa puso na 'di magawang alisin.

Ikaw 'yong trahedyang 'di napaghandaan,
Ikaw 'yong pagkakamaling 'di naiwasan.
Ikaw 'yong ulan na dumating kung kailan walang payong na dala,
Ikaw 'yong bagyo na handa akong magpasalanta.

Ikaw 'yong baterya na nakapanghihina,
Ikaw 'yong alamat na ako lang ang naniniwala.
Ikaw 'yong sulat na matagal itinago,
Ikaw 'yong larawan na naka-ukit na sa puso.

Ikaw 'yong bawal na gamot na 'di kayang tigilan,
Ikaw 'yong alak na uubusin sa isang inuman.
Ikaw 'yong usok ng sigarilyong sumasabay sa hangin,
Ikaw 'yong mura na nakasanayan nang banggitin.

Ikaw 'yong sugal na handa kong tayaan,
Ikaw 'yong bangungot na 'di kayang takasan.
Ikaw 'yong dagat na kaya kong languyin.
Ikaw 'yong katotohanan na handa kong tanggapin.

Ikaw 'yong klase kung saan 'di kailanman umabsent,
Ikaw 'yong project na ipinasa bago mag-due date.
Ikaw 'yong exam na uno ang nakuhang marka,
Ikaw 'yong thesis na inuna kaysa manuod ng K-drama.

Ikaw 'yong marathon na pipilitin kong tapusin,
Ikaw 'yong sumpa na 'di ko kayang baliin.
Ikaw 'yong laro kung saan lagi akong talo,
Ikaw 'yong lugar na pupuntahan gaano man kalayo.

Ikaw 'yong "pero" sa bawat "kasi",
Ikaw 'yong "oo" sa bawat "hindi".
Ikaw 'yong kuwit na naging tuldok,
Ikaw 'yong himig sa binuo kong tunog.

Ikaw 'yong salita na kay sarap bigkasin,
Ikaw 'yong sakit na handa kong tiisin.
Ikaw 'yong lihim na alam ng lahat,
Ikaw 'yong bahaghari sa kulay asul na alapaap.

Ikaw 'yong tanong na kay hirap sagutin,
Ikaw 'yong bubog na bumaon sa balat mula sa nabasag na salamin.
Ikaw 'yong pinto na naiwang nakabukas,
Ikaw 'yong simula na kailangan din ng wakas.

A/N:
Bakit ko nga ba 'to isinulat? Hahaha! Ang totoo niyan, hindi ko rin alam. Nag-ddrama lang ako kaya hayaan niyo na lang XD

Pinaka-paborito ko 'to so far and natutuwa ako habang sinusulat 'to :) Haha. Maraming salamat sa pagbabasa!

- Kyeriella

HIKBI | ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon