Pagtatapos

335 11 0
                                    

Ika-10 ng Marso
Taong 2018
11:11pm

Marso,
Buwan ng pagtatapos at pamamaalam
Buwan ng pagsisimula ng panibagong katapusan.
Pero sa pagkakataong ito, kaibigan
Hayaan mong ihayag ko sa'yo ang isang pagtatapos
Na dapat noon ko pa isinakatuparan.

Kagaya ng pagsisimula sa eskwela,
Pumasok ka sa buhay ko at inangkin ang istorya
Na ako man ang may-akda, o ang bida sa kwento
Ay ikaw pala ang magiging laman ng bawat pahina nito.

Do'n na tayo sa sukdulan,
Dahil para sa mga nakabasa na ng aking mga tula
Ay panigurado namang natunghayan niyo na ang istorya ng katangahan
Ng isang babaeng nahulog
Sa lalaking hindi marunong sumalo
Ng babaeng paulit-ulit umahon mag-isa
Umaasang sasaluhin man lang siya ng lalaking nakatingin palagi sa iba.

Oo, ako siya.
Ang babaeng, sige, sabihin na nating tanga nga talaga.
Pero ano'ng magagawa?
Kung kahit ang utak ko ay 'di kayang turuan ang puso ko
Na magmahal na lang ng iba
'Wag lang siya...
'Wag lang siya.

Pero sa bawat pag-patak ng luha ko dahil sa'yo,
Sa bawat sakit na dinulot mo sa puso ko
Kahit pa kasing-lalim ng karagatan ang pag-ibig ko na 'to sa'yo,
Ano pang magagawa kung lunod na lunod na ako?

Nang sabihin mong putulin ang tulay na nag-uugnay,
Muli kong binasa, baka sakaling mali lang ang pagkakaintindi ko sa nakalagay.
Pero 'yon pala, gano'n na
Gano'n kalayo ang distansiya.
May agwat, may tagapamagitan
Akala ko ako ay nasa tabi mo lang.
Bigla akong nahimasmasan,
Natanaw ka mula sa malayo.
Habang ako ay nakalutang sa gitna ng karagatan,
At ikaw ay nasa dalampasigan.

Habang isinusulat ko 'tong tula,
Wala ng luha ang pumapatak sa 'king mga mata.
Tahimik lang at wala ng pag-hikbi.
Wala na rin ang kirot sa aking dibdib
Habang inaalala na minsan ko siyang minahal.
Dahil sa pagkakataong ito ay ubos na ubos na ako.
'Yung natitirang pagmamahal ay nasaid na.
'Yung natitirang sakit ay nawala na.
Wala na.

Walang galit, walang pagmamalasakit
Walang kahit na ano para sa'yo.
Sa pag-martsa ko palayo sa'yo
Ay nagpapasalamat ako sa pagtatapos nito.
Ang pagtatapos ng kwentong pang-nobela, sobrang drama
Hahayaan na lang na malimutan kasabay ng panahon ang mga alaala.

Ito ang pagtatapos na para sa'kin ay hindi malungkot at hindi rin masaya.
Na para bang ang kwentong ito ay nangyari lang sa isang panaginip
At 'di ko na maalala ang eksaktong emosyon na aking nadama.

Sa wakas
Tapos na

At sa pagtatapos na 'to ay masasabi ko na
Na hindi ako ang manghihinayang sa 'ting dalawa
At balang araw pagsisisihan mo 'to
Na minsan sa buhay mo ay may totoong nagmahal sa'yo.
'Wag mong masumbat ang pagsuko ko at paglisan
Dahil alam mo sa sarili mo kung bakit, ang dahilan.

Maraming salamat
Sa'yo at sa madla
Ng kwentong nasimulan noon
Na ngayo'y natapos na.

- w a k a s -

HIKBI | ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon