"Pampalipas-oras"
tulang isinulat ni Kyeriella
Pebrero 28, 2017Minsan tinanong ako ng aking kaibigan
Kung ano raw ba ang aking napapala kapag ako'y nakatulala sa kawalan.
Ngunit gaya ng paulit-ulit na sagot ko sa iba sa t'wing sila'y magtatanong ng ganito sa'kin
Ay kibit-balikat akong sasagot ng
"Pampalipas-oras lang"Bakit nga ba ang hilig natin magpalipas ng oras lalo kapag mag-isa tayo?
Bakit nga ba sinasariwa pa ng ating isipan ang mga bagay na minsan ng nanakit sa ating mga puso?
'Yong mga alaalang gusto na nating ibaon sa limot, iwanan sa nakaraan
Pero heto tayo't bumabalik kahit na ang gusto lamang natin ay pampalipas-oras lang.Naaalala ko pa nga 'yong relo na ibinigay niya sa akin.
'Yong relo na paborito ko at ayaw ng hubarin.
Simbolo daw kasi 'yon ng oras namin.
Oras na inilaan ko sa kanya't, gano'n din siya sa'kin.
Ngunit gaya ng pagtakbo ng oras ay gano'n din ang itinakbo ng panahon namin sa isa't isa.
Mabilis kapag kami'y magkasama ngunit mabagal kapag magkalayo na.
Naaangkop nga ang relo para sa'ming dalawa,
Dahil gaya ng inaasahan sa oras ay dumating ang araw na ang sa'min ay hihinto na.Kasabay ng hindi niya pagdating sa oras na itinakda,
Ay ang pagbagal ng oras sa aking relo, hanggang sa tuluyang tumigil ang makina.
Ilang minuto at oras na ang nakalipas,
Ngunit hinayaan ko ang sarili na titigan ang nakahintong oras.
Umaasang sa muling pag-ikot ng mga kamay nito,
Ay darating siya upang tuparin ang kaniyang pangako.
Hanggang sa nabatid ko, ngunit ayokong tanggapin.
"Pampalipas-oras lang ba ang tingin niya sa'kin?"