Abakada

817 24 2
                                    

"Abakada"
tulang isinulat ni Kyeriella
Setyembre 2, 2017

Abakada
Ang unang itinuro sa'tin no'ng tayo'y bata pa.
Buhol-buhol man ang pagkakabigkas natin sa mga salita,
Bali-baliktad man ang pagkakabanggit natin sa mga letra,
Masaya tayong nag-aaral ng Abakada

'Di naglaon kabisado na natin ang buong alpabeto,
Nakakabuo ng mga salitang mula sa mga simbolo.
Simpleng kaligayahan ang mabanggit mula umpisa hanggang dulo,
'Yon pala'y simula pa lamang 'yon ng kalbaryo.

Tinuruan tayong bumigkas, bumuo ng mga salita
Magmula pagkabata hanggang sa tumanda.
Pero hindi tayo inihanda sa katotohanan nitong dala,
Na may mga salita palang nakasasakit na.

Abakada lang sa simula,
Gusto kita ang winika.
Mahal kita ang isinulat sa mga pahina,
Magtatapos rin pala ang lahat sa Paalam na.

Tinuruan tayong isulat ang ating pangalan,
Pero hindi naman sinabing hindi pwedeng isulat ang nararamdaman.
Kung dati ay palaging hanggang sa papel lamang,
Ngayon ay lakas-loob na sinasabi nang harapan.

Kayang ituro sa bata ang Abakada
Ngunit sa pagtanda nito'y hindi alintana.
Hindi natuturuan ang pasaway na puso,
Hindi gaya ng pagkabisa ng alpabeto.

A para sa Ako na lang, mahal
Ba para sa Bakit mo ba ako iniwan?
Ka para sa Kahit sandali lang
Da para sa Dapat na ba kitang kalimutan?

HIKBI | ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon