"Hindi Kasi Ako Siya Para Mahalin Mo"
tulang isinulat ni Kyeriella
Hunyo 19, 2017Nasabi ko na 'to noon
Sa kanila, sa sarili ko, at sa'yo
Na malabong maramdaman mo rin ang nararamdaman ko.
Puwera sa sakit, na dulot ng pait
Ng katotohanang "wala na kayo" at "wala namang tayo".
Malabong magustuhan, malabong mahalin
Kahit pabalik na pilit ay 'di pa rin mapag-bigyan.
Sabagay, mali nga naman.
Pero mali nga ba ang magmahal?
Ako na nga ang tumaya,
Nalugi na at lahat pero tumutuloy pa rin.
Bakit? Bakit ko nga ba 'to ginagawa?
Kasi ang hirap mong abutin kahit abot-kamay lang kita.
Para kasing kailangan ko munang ikumpara ang sarili ko sa kaniya.At heto, ginagawa ko na nga.
Nakikita ko na.
Naiintindihan ko na.
Hindi kasi ako siya para mahalin mo.
Hindi ako ang taong handa mong pag-alayan ng buhay mo.
Hindi ako siya sa simula't simula pa lang ng ating kwento.
Alam kong talo na ako, wala pa man sa dulo
Pero ayoko namang basta na lamang sumuko.
Natatakot kasi ako na manatili ka lang isang "sana".
Natatakot ako sa "paano kung naging tayong dalawa?"Hindi kasi ako siya para mahalin mo.
At hindi siya ako para maramdaman kung gaano kasakit,
Kung gaano kahirap hilingin
Na "sana ako na lang" ang minahal
Ng taong "sinayang niya lang".