"Manhid"
tulang isinulat ni Kyeriella
Mayo 11, 2017
"Manhid ka"
'Yan ang paulit-ulit mong naririnig sa'kin
Dahil sa labis na pagkahulog ko sa'yo
At no'ng hindi mo ako nasalo'y napagtanto kong sa iba ka kasi nakatingin.
Habang ako'y pahulog pa lang sa'yo,
Iba na pala ang nagmamay-ari ng puso mo.
Nag-baka sakali lang naman kasi ako
Nang lingunin mo ako.
Pero ang inakala kong "pwede pa" ay "hindi na" pala.
"Manhid ka"
At marahil ay batid mo na.
'Yung pag-ibig ko sa'yo, mas matagal pa sa pinagsamahan ninyong dalawa,
Pero bakit hanggang ngayon na nandito pa rin naman ako at wala na siya,
Nagmumukha pa rin akong nakiki-eksena?
Hanggang sa dumating na lang 'yung araw na napagtanto kong mag-isa...
Ako na pala ang manhid sa'ting dalawa.
Pagod na ako, matagal na.
Pero hindi ko ramdam kaya ipinipilit ko pa.
Ipinipilit ko pa ang "tayo".
Ipinipilit ko pa ang "ako" sa buhay mo.
Pero sadyang "ikaw" lang pala talaga
At "siya".
Ako ang manhid.
Manhid sa sakit.
Pero paano ako makasisiguro
Kung wala na akong maramdaman?
Manhid ako saan?
Manhid ako dahil kanino?
Hindi ko na alam.
Wala na akong maramdaman.
Pero darating pa kaya ang araw na mawawalan na lang ako ng pake sa'yo?
Na hindi na maaapektuhan ng nararamdaman mo ang nararamdaman ko?
Na makakaramdam muli ako?
Parehas lang pala tayo.
Parehas na pinagtagpo pero hindi itinadhana.
Manhid ka. Manhid ako.
Kaya mananatiling "paano kung" ang salitang "tayo".
