Darating Din

1K 32 5
                                    

"Darating Din"
tulang isinulat ni Kyeriella
Pebrero 24, 2017

Pahirin ko man ang bawat luhang pumapatak mula sa mga mata kong tila pagod na pagod na,
Pagod na pagod na sa mga nakikitang ngiti sa labi mo.
Utusan ko man ang puso kong ihinto ang pagtibok nito para sa'yo.
Pilitin ko mang huwag lingunin maski ang anino mo, ang presensya mo, ang pangalan mo...
Hindi pa rin kita kayang bitawan.
Hindi pa rin kita kayang palayain.
Hindi pa rin kita kayang kalimutan.
Hindi pa rin kita kayang tiisin.
Pero alam ako...
Alam kong ang araw na 'yon para sa'kin ay darating din.

Napag-isip-isip ko
Kung bakit tila hinahayaan ko ang sarili ko na iyakan ka.
Kung bakit ba parang ayos lang kung masaktan ako, basta makausap ka.
Kung bakit kahit minsan ay parang nahihirapan na akong huminga
Kasi ang sikip-sikip na ng dibdib ko
Ang kirot ng puso ko...
Pero hindi man lang sumasagi sa isipan ko na balewala lang naman 'tong sakit na 'to sa'yo.
Ikaw kasi ang mahalaga.
Ito kasing nararamdaman ko para sa'yo ang lagi kong inuuna.
Kailan ba darating 'yong araw na magpapasalamat ka man lang para sa nararamdaman ko na 'to?
Kailan ba darating 'yong araw na sasabihin mo sa'kin na tanggap mo na 'to, ako?
Hindi ko na siguro mahihintay pa ang araw na 'yon, mahal.
Kasi ang araw na nais ko ng dumating
Ay ang araw na tuluyan na kitang bibitawan.
Ang araw na lubos ko ng tinatanggap na hindi talaga, at kaya na kitang pakawalan.
Ang araw na masasabi kong hindi nasa panaginip lang.
Darating din...
Alam kong darating din.

Darating din ang araw na luluha ako pero hindi dahil sa'yo o sa sakit
Kundi ay dahil sa iba at sa saya.
Darating din ang araw na hindi ko na hihilingin na sana ay nasa tabi kita
Dahil sa iba na ako masaya.
Darating din ang araw na iba na ang gusto kong magpahid sa mga luha ko,
Ang maging rason ko para ngumiti sa umaga,
Ang makita ko sa araw-araw...
Darating din ang araw na hindi na ikaw.
Dito ako aasa.
Dito ako umaasa.
Hindi na sa'yo.
Naniniwala ako...
Darating din.

HIKBI | ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon