Pagod Na

1K 42 2
                                    

"Pagod Na"
tulang isinulat ni Kyeriella
Marso 5, 2017

Humahangos.
Nanghihina.
Unti-unting bumababa sa lupa
Kasabay ng mga luhang nag-uunahan,
Sa ilalim ng ulan na walang balak tumila.
Sunod-sunod na malalalim na paghinga ang ginawa.
Parang pinagkakaitan pa ng hangin ang aking baga.
Ngunit isa lang ang nasa isip ko maliban sa katotohanang itinakbo mo ang durog kong puso...
Pagod na ako.

Pagod na ako sa'yo. Sa'tin.
At sa paulit-ulit na sakit.
Pagod na akong habulin ka 'pagkat palagi ka lang din tumatakbo palayo.
Mas lalo kang lumalayo.
Pagod na akong intindihin ang mga dahilan mo 'pagkat alam kong isa lang 'tong laro sa'yo.
Pagod na akong maghintay pa ng isang araw, sa bawat araw.
Pagod na ang puso ko na pangalan mo lang ang alam isigaw.
Pagod na ako.

Ang akala ko noon ay hindi ako mapapagod sa'yo.
Na kakayanin kong tanggapin ang masasakit na salita mula sa iba
Kasi alam ko naman na hindi magtatagal ay sampal sa kanila na tayo ang tunay na itinadhana.
Pero mali pala. Maling-mali.
Dahil mas masakit 'yong naging sampal sa'kin ng tadhanang itinuring kong kakampi.
Walang araw na nagdaan na hindi ako umiiyak sa gabi.
Bawat segundo. Bawat minuto. Bawat sandali.
Kaya hindi na ako magtataka kung bakit napapagod na ako.
Kung bakit dumating 'yong araw na ni minsan ay hindi sumagi sa isip ko.
Hanggang tanong lang ako noon.
Pero ako na ang nagsasabi ngayon.

Pagod na ako.

Hindi naman nakakapagod ang magmahal.
Pag-ibig nga ang dahilan kaya tayo sumusugal.
Pero 'yong kawalan ng interes sa'yong nararamdaman,
'Yon ang nakapanghihina nang lubusan.
'Yong taong kinakitaan mo ng liwanag sa buhay mo,
'Yong taong pinag-alayan mo nang pagmamahal...
Walang pakialam sa'yo.
Walang pakialam sa nararamdaman mo.
'Yon ang mitsa ng unti-unti mong pagbitaw.
'Yon ang dahilan kung bakit nakakaramdam ka na ng pagod.
Hanggang sa ikaw na mismo ang umayaw.
Kasi pagod ka na.

At ano nga ba ang ginagawa kapag pagod na?
Titigil nga lang ba't magpapahinga?
Kung alam mong walang patutunguhan ang pagod mo't luha,
Masasabi mo bang sa susunod ay babalik ka pa? Itutuloy mo pa?
Maraming magsasabi ng "Hindi na"
O 'di kaya'y "Kung totoong mahal mo siya ay kaya mong magtiis"
Pero ikaw lang ang makapag-sasabi kung ano talaga ang 'yong nais.

Ako kasi, pagod na.
Kaya siguro tama na.
Pagod na ako e.
Pagod na pagod na pagod na ako.



Pero mahal pa rin kita.

HIKBI | ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon