Sa Pagkakataong Ito

455 15 1
                                    

Ika-28 ng Nobyembre
Taong 2017

Hindi na dapat ako magsusulat pa dahil para sa'kin, napag-desisyunan ko na ang kalokohang ito ay tapos na.
Pero bakit ako pa 'tong hindi kinaya ang tagal, ang sakit, ang kalungkutan no'ng hindi na kita kausapin?
Bakit bigla ko na lang binawi ang mga salitang binitawan na parang walang pusong masasaktan muli sa'kin?
Bakit sa dinami-rami na ng nakilala ay ikaw at ikaw pa rin?
Ano ba ang meron sa'yo? Ano ba ang meron sa'yo na hinahanap-hanap ko?
Ano ba ang meron sa'yo na dahilan ng pagpapaka-tanga na 'to?
Ano ba ang meron sa'yo na 'di kayang punan ng ibang tao?
Ano ba ang meron sa'yo na pakiramdam ko ay kailangan ko?

Pinagbigyan na ako ng pagkakataon na makausap ka nang harapan, nang malapitan
Sa unang pagkakataon magmula nang ang paghanga ko sa'yo ay naramdaman.
Bumagal ang oras, sa nakapaligid ay walang pakialam
Nagtamang paningin natin ay paulit-ulit na naalala matapos ang araw na 'di inaasahan.

Sa pangalawang pagkakataon ay mas pinili na kita
Itago man ang kaba, sa loob ay parang nanghihina.
Siguro naman alam mong para sa'yo ang isinusulat na tula
Kaya 'pag nabasa mo ito, ay agad mong maaalala.
Ang totoo ay natakot ako na baka 'yon na ang huling pagkakataon na makakasama kita
Na baka 'di na ako pagbigyan pa dahil nakaramdam na ako ng sobrang saya.
Pero sana hindi, sana sa pagkakataong ito ay hindi na.
Hindi na muling sasabihin ang mga salitang, "Pagod na ako. Ayoko na."

Lahat ng tampo, takot, selos ay isasantabi
'Wag lang maiwan mag-isa at manatili ka sa'king tabi.
Gusto kitang ipagdamot sa iba pero 'di ko kayang gawin
Dahil wala akong karapatan na itago ka sa dilim, na tawagin kang "akin".
Naghihilom na unti-unti ang sugat na dulot mo, alam mong ikaw din mismo ang tuluyang makapag-papagaling nito.
Nandito lang ako, mahal makikinig sa'yo
Sasamahan ka, at magmamahal sa'yo.

Sa ngayon ay may bagay na humihila sa'kin pabalik
Pinipigilan akong mahulog nang tuluyan sa bangin na matarik.
Baka raw kasi sa pagkakataong ito ay hindi na ako makabalik, maka-ahon mula sa tubig.
Pero para sa'yo, mahal handa akong sumugal ulit
Kung sa pagkakataong ito ay mamahalin mo na ako pabalik.

HIKBI | ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon