"Magagawa Mo Ba?"
tulang isinulat ni Kyeriella
Marso 19, 2017Mapapatawad mo ba ako kahit na hindi kita magawang patawarin?
Pakikinggan mo ba ako kahit ni minsa'y hindi kita binigyang-pansin?
Patatawanin mo ba ako kahit hindi kita magawang pangitiin?
Mamahalin mo ba ako kahit alam natin pareho na hindi kita kayang mahalin?Sasabihan mo ba ako ng "mahal kita" kahit ni "kumusta?" man lang mula sa'kin ay wala?
Susumbatan mo ba ako sa mga bagay na kusang-loob mo naman ginawa?
Sasaktan mo ba ako dahil ang sakit na dulot ko sa'yo ay sobra na?
Kalilimutan mo ba ako dahil kahit minsan ay hindi kita naalala?Magagawa mo ba ang lahat ng 'to sa ngalan ng tinatawag mong 'pagmamahal'?
Magagawa mo ba na iwaksi ang 'yong nararamdaman?
Dahil lang sa hindi ko masuklian...
Dahil lang sa hindi kita mahal.Magagawa mo ba?
Magagawa mo ba ang mga bagay na walang pag-aalinlangan kong gagawin para sa'yo?
Magagawa mo ba kung sasabihin kong kaya ko?
Magagawa mo ba? Kasi ako, oo.Magagawa kong patawarin ka kahit pa tingin nila sa'yo ay ubod ng sama.
Magagawa kong pakinggan ka kahit ang tingnan man lang ako ay hindi mo magawa.
Magagawa kong tumawa sa harap mo para lang ngiti mo ay makita.
Magagawa kong mahalin ka kahit ako lang ang nagmamahal mag-isa.Marindi ka man sa bawat "mahal kita" na sasabihin ko,
Hindi ko ititigil ang pag-ibig ko sa'yo.
Ako man ang nasasaktan sa sitwasyong ito,
Masaya akong dadalhin ang mga alaala mo.Magagawa ko ang bagay na hindi mo kayang gawin.
Maibibigay ko sa'yo ang ipinagkakait mo sa'kin.'Yon ay ang mahalin ka nang walang hinihinging kapalit.
