"WHAT THE F—"
Pumikit ako sabay talikod sa babaeng nagbukas ng suot niyang coat para ipakita sa 'kin ang suot niya sa ilalim niyon na puting lingerie na parang gawa lang sa hangin, mga butas, ribbons at lace. Okay lang naman iyon... kung hindi kami nakatayo sa gitna ng dressing room ng banda sa HaLo.
Pawisan ako dahil kakatapos lang naming tumugtog at mataas pa ang adrenaline sa dugo ko. Madalas kapag gan'un ng isang tao, gusto niyang magtatalon, magtatakbo, mag-party... sex.
Ako, gusto ko lang ng tahimik na lugar para maupo at magpahinga.
Alam iyon ng mga kabarkada ko kaya hindi nila ako sinasamahan sa dressing room pagkatapos ng set namin. Pero paano na?
"Miss, parang awa mo na," desperado kong pakiusap. "Isara mo 'yan!"
"But why?" tanong ng babae na nadama kong papalapit na sa 'kin. "Ayaw mo ba?"
Ayaw ko nga ba? Kasi pwede naman—
Gago, hindi! Hindi puwede! Utang na loob, Jose Maria Alonzo Paredes IV, hindi ka pa ba nagsasawa? Nakalimutan mo na ba 'yung huling beses na pumatol ka sa nag-alok sa 'yo ng ganito? Isang oras kang naligo pagkatapos dahil pakiramdam mo ang dumi mo.
Ayoko na ng ganito!
Nagsimula akong maglakad papunta sa pintuan na nakatalikod pa rin kay ate.
"Wait!" tawag ng babae. Bumuga ako ng hangin at hinarap na siya. Nakabukas pa rin 'yung coat niya. At nang magtama ang mga paningin namin, tuluyan niya iyong hinubad hanggang sa malaglag 'yun sa sahig.
Ang ganda ng katawan niya. Laki ng boobs at ang liit ng baywang saka makinis ang kutis. Inangat ko ulit sa mukha niya ang paningin ko. Maganda rin siya. Siya pa 'yung type ko na mahinhin ang mukha.
"Marlon," bulong niya, all beautiful wide eyes, flushed cheeks and moist lips. "I'm... I'm a virgin. And I want you to be my first."
Hindi siya ang unang nag-alok sa 'kin ng virginity niya. Minsan gusto ko nang magtanong kung mukha ba akong bulkan na kailangang alayan ng virgins. Pero isa kasi sa mga paninindigan ko 'yun. I wasn't going to sleep with virgins anymore. Komplikado kasi.
Bumuntong-hininga ako at lumapit sa kanya. Mukhang na-excite pa siya, kinabahan pero umaasa. Sinapo ko 'yung mukha niya at hinaplos ng mga hinlalaki ko ang mga pisngi niya saka siya tiningnan nang derecho sa mga mata.
"Miss, kung gusto mong ialok sa isang lalaki ang virginity mo, then go for it. More power to you. Choice mo 'yan eh. Pero advice lang, sana d'un mo ialok 'yan sa lalaking mahal mo at mahal ka. Huwag mong sayangin 'yan kasi mahalaga 'yan. Lalong huwag mo 'yang sayangin sa 'kin. I'm not worth it."
Kung gusto ko siyang i-discourage, parang nabigo yata ako dahil kuminang pa lalo ang mga mata niya sa paghanga sa 'kin. Binitawan ko siya pero hinawakan niya ang mga pupulsuhan ko. Natakot akong parang asong na-corner. Mamaya iangat niya sa boobs niya 'yung mga kamay ko, patay na! Kapag di ako pinakawalan nito, manghihingi talaga ako ng saklolo.
"Yes, you are, Marlon," nakangiti niyang sabi. "You just proved to me that you're worth it."
Patay kang Marlon ka.
Maingat pero mariin kong inalis ang pagkakahawak niya sa 'kin bago pa nga niya maisip na pahawak sa 'kin 'yung dibdib niya. Bumitiw naman siya bago ako mag-panic. Hindi ko pala siya kailangang i-supplex.
Sinubukan kong ngumiti sa kanya na parang kuya. Kulang na lang tapikin ko siya sa bumbunan. "Kapag mahanap mo na 'yung true love mo, pagsisisihan mong sa 'kin mo ibinigay ang virginity mo. Treasure that. Wait for the right guy."
Tumungo ako para damputin ang coat niya bago iyon ibinalot sa katawan niya ulit saka para akong napasong humakbang paatras. Hindi ko na alam ang sasabihin kaya nag-thumbs up ako sa kanya.
"So, uh, good luck!"
Tumalikod ako at mabilis na lumabas ng dressing room.
Saglit akong sumandal sa pader sa tabi ng pinto at kinusot ang mga mata ko. Pagkatapos ay tumuwid ako at nagmamadaling naglakad papunta sa maingay na kusina ng bar para doon na ako lumabas sa backdoor. Huminga ako nang malalim nang nasa parking lot na ako. Hindi kasi ako makahinga sa loob.
Naglakad ako papunta sa kotse ko at binuksan ang passenger side door para kunin ang yosi at lighter ko. Isinara ko ulit 'yung pinto saka ako sumandal sa hood ng sasakyan at nagsindi ng isang stick ng sigarilyo. Humithit ako at agad na kumalma.
Dumarating pala talaga sa buhay ng isang lalaki 'yun ano? Nagsasawa ka rin pala talaga. Hindi sa sex mismo kasi hindi naman ako sinungaling, pero sa casual sex.
Nitong mga nakaraang araw, sa kauna-unahang pagkakataon kasi nakadama ako ng kakulangan sa buhay ko. Ang alam ko naman masaya ako. Ginagawa ko ang mga gusto ko sa buhay--music at drawing--'tapos kumikita rin ako ng sapat para buhayin ang sarili ko.
Kung kulang ang pera ko, may ate akong mahihiraman. Kung malaki ang kailangan kong halaga, na bihira namang mangyari, may tatay akong puwede kong manipulahin dahil nakukunsensya pa rin siya sa kagaguhan niya noon sa 'min ng nanay ko. May trust fund din naman ako. Hindi ko problema ang pera. May pamilya akong matatakbuhan at may mga kaibigan akong masasandalan. At obviously, hindi ko problema ng babae dahil meron n'un sa ayaw at sa gusto ko.
Tumingala ako at bumuga ulit ng usok. Halos hindi na makita ang mga bituin dahil sa polusyon at sa mga ilaw ng Quezon City pero maliwanag pa rin 'yung buwan. Sa kanya ako sumimangot.
Paano, malinaw na malinaw na kasi talaga ngayon na may problema ako, na may kulang pa rin pala talaga sa buhay ko.
At iyon ang problema kasi hindi ko sigurado kung ano 'yung hinahanap ko.