Part 4

757 28 0
                                    

First day ko ngayon bilang alalay ng SSG officers. Ay hindi pala, ni Mr. Fake President lang. Hindi naman kasi ako inuutusan ng ibang officers eh, si Adrian lang talaga na akala mo kung sino.

“Ms. Flores, may dumi pa sa ilalim ng mesa oh,” utos ni Adrian, habang todo sipat sa bawat sulok ng opisina. Para namang wala siyang ibang pwedeng i-assign sa akin kundi maglinis.

Hindi na ako nagsalita at tinignan ko lang siya ng masama, pero syempre hindi ko rin pwedeng balewalain ang utos. Kundi, baka kung anong kalokohan na naman ang ipagawa sa akin. Habang nagwawalis ako, hindi pa rin siya tumigil.

“Paki-arrange na rin nitong mga folders pagkatapos mong magwalis diyan,” dagdag pa niya. Ugh! Kapal talaga ng mukha, kung makautos akala mo sinuswelduhan ako ng malaking pera, ni piso nga wala.

Sa sobrang inis ko, muntik ko nang ihampas ang walis sa sahig, pero bago ko magawa 'yun, narinig ko si Marco.

"Tulungan na kita diyan, Keish," sabi niya. Buti nalang talaga nandito si Marck. Mabait talaga 'tong si Marco, parang anghel na bumaba sa lupa para iligtas ako. Sana si Marco na lang 'yung naging crush ko. Gwapo rin naman siya, hindi nga lang kasing gwapo ni Adrian. Mabait, hindi tulad ni Adrian. Mayaman, pero hindi rin kasing yaman ni Adrian. Matalino, pero hindi kasing talino ni Adrian. Ugh! Bakit ko ba siya kinukumpara kay Adrian? Tsk tsk.

“Salamat, Marco, ha. Ang bait mo talaga. Hindi tulad ng iba diyan,” sabi ko, sabay irap kay Adrian na abala sa kanyang laptop.

“Pinaparinggan mo ba ako?” tanong ni Adrian, na halatang medyo inis na sa akin.

“Ay, sorry! Tinamaan ka ba?” Nakangisi kong sabi, hindi pa rin nagpatalo.

Nakita kong medyo nagbabago na ang expression ng mukha niya. Parang naiinis na talaga, pero syempre, hindi siya pwede magpakita ng kahinaan.

“Marco, gawain niya 'yan kaya pabayaan mo siya diyan,” sabi ni Adrian kay Marco, na halatang nagpipigil na lang ng galit.

“Okay lang, President. Wala naman akong ginagawa at saka kawawa naman tong si Keisha,” nakangiting sagot ni Marco, sabay kindat sa akin.

“Ayieee, mukhang may nagkakadevelopan dito ah,” biglang panunukso ng ibang officers sa amin ni Marco. Napangiti si Marco, pero ako, bigla akong nahiya. Hindi naman kasi ako close sa kanila, at ayokong bigyan ng malisya ang pagiging mabait ni Marco.

Tinignan ko si Adrian, at napansin kong nakakunot ang noo niya habang tinititigan ang laptop. Ano ba 'to? Naiinis ba siya sa akin o may ibang problema? Tsk, ewan ko ba sa taong 'yan.

“Naku! Hindi no, hanggang friends lang kami,” nahihiya kong sagot, pero halatang hindi na ako mapakali.

“Dyan naman talaga nagsisimula lahat, di ba? Sa friends friends na 'yan. Sabi nga nila, ‘Friendship is the beginning of love,’” hirit naman ng representative ng Education Department. Naku, nakalimutan ko na nga pangalan niya.

“Huwag niyo nang ipilit, friends lang talaga kami. Di ba, Marco?” sabay siko ko kay Marco, umaasang sasang-ayon siya.

“Ah, oo, friends lang talaga,” sagot ni Marco, pero halatang medyo nalilito na rin sa pangungulit ng mga kasama namin.

“Uy, President, anong pinapanood mo diyan sa laptop mo at nangingiti ka?” tanong ni Carl, ang auditor nila na medyo girly. Isa rin siya sa naging close ko na dito. Madaldal kasi, kaya ang saya niyang kasama.

Napalingon kami agad kay Adrian na kanina pa seryoso, pero ngayon ay nakangisi nga. Agad din siyang sumimangot nang mapansin niyang tinitignan namin siya. Ano na naman kaya ang drama nito?

“Mag-uusap na lang ba kayo diyan? Tapusin niyo na 'yang ginagawa niyo,” strictong sabi ni Adrian. Agad namang sumaludo ang mga kasama namin, sabay sabing, “Yes, President!”

Napaka-bossy talaga ng lalaking 'to. Siguro itong mga officers lang at ako ang may alam ng tunay niyang ugali. Isa-isa nang nagpaalam kay Adrian ang mga officers. Apat na lang ulit kami na natitira—si Adrian, Marco, Marielle, at ako. Kanina pa sana to nakauwi si Marco kung hindi niya ako tinulungan. Kanina pa kasi parang may nagte-text sa kanya, at medyo padilim na rin.

“Mauna ka na lang, Marco. Malapit na rin naman akong matapos dito eh. Salamat ulit sa tulong mo,” sabi ko, na medyo nanghihinayang pa dahil mawawala na ang kakampi ko.

“Wala 'yun, basta ikaw. Pero sigurado ka bang kaya mo na 'yan?” tanong niya, na halatang ayaw din akong iwan.

“Oo, kaya ko na 'to,” pagsiguro ko. Nagpaalam na si Marco kay Adrian at sa amin ni Marielle. Kaya kaming tatlo na lang ang natira.

“Marielle, bukas mo na lang tapusin 'yang ginagawa mo. Malapit na magdilim kaya mauna ka na,” sabi ni Adrian, na mukhang pagod na rin sa buong araw na pagiging Mr. Bossy Pants.

“Talaga po, President? Naku, salamat po. Kanina pa kasi ako hinihintay ng sundo ko eh,” sabi naman ni Marielle, na mabilis ding nagpaalam sa amin.

Wait! Paano ako? Hindi ba niya rin ako sasabihan na umuwi na?

“Keish, I mean Ms. Flores,” tawag niya. Napalingon ako, umaasang pauuwiin na rin niya ako.

“Yes po, Mr. President?” nakangiti kong sagot, pero sa totoo lang, gusto ko nang umuwi.

“May magsusundo rin ba sa'yo?” tanong niya.

“Sa akin po?” tanong ko, medyo nalilito. Ano bang paki niya kung may susundo sa akin o wala?

“May nakikita ka bang ibang tao rito?” tanong niya, na halatang may inis pa rin.

“Wala po. Meron po ba?” sabi ko, sabay tingin sa paligid na para bang may multo o ibang tao na kasama kami.

“Slow,” mahina niyang sabi, pero rinig ko naman. Ano ba itong taong ito, ang daming reklamo!

“Bukas mo na tapusin 'yan. Let’s go home,” sabi niya, sabay ligpit ng kanyang mga gamit.

“Hay, buti naman at naisipan mo nang umuwi,” sabi ko, na halatang naiinis pa rin, kahit na deep inside, relieved na rin ako.

Kukunin ko na sana 'yung bag ko malapit sa pinto nang biglang nawala ang ilaw. Bigla akong napasigaw at napatakbo papunta kay Adrian. Sa sobrang takot, nayakap ko siya ng mahigpit. Ilang segundo lang ay bumalik na ang ilaw, at nang tumingin ako sa mukha ni Adrian, nakita kong nagulat siya sa ginawa ko.

Para namang biglang tumigil ang oras. Nasa gitna kami ng isang awkward na sitwasyon—ako, nakakapit sa kanya nang mahigpit, habang siya naman, nakatingin sa akin na parang hindi makapaniwala sa nangyari.

“Keisha…” mahina niyang sabi, na may halong pagtataka at… iba pang emosyon na hindi ko mabasa.

Bigla akong bumitaw sa kanya, pakiramdam ko'y nag-apoy ang mukha ko sa hiya. “Ah… sorry, akala ko kasi…” Hindi ko na alam kung ano pang sasabihin ko. Bahala na!

“Akala mo ano?” tanong niya, pero may ngiti na sa kanyang mukha. Aba, mukhang nag-eenjoy pa sa moment na 'to?

“Wala… basta sorry na lang,” sagot ko, sabay talikod para kunin ang bag ko. Hindi ko siya matignan ng diretso dahil pakiramdam ko'y mapapaso ako sa hiya.

“Okay lang 'yun, Ms. Flores. Let’s go,” sabi niya, na ngayon ay parang mas kalmado na, at may bahid ng… lambing? Ano 'to, plot twist?

Sabay kaming naglakad palabas ng opisina, pero habang naglalakad, ramdam ko pa rin ang kakaibang tensyon sa pagitan namin. Sa totoo lang, ewan ko ba kung bakit, pero parang biglang nag-iba ang tingin ko kay Mr. Fake President.

At sa wakas, nakalabas din kami. Pero bago pa man kami maghiwalay ng landas, huminto si Adrian at tinignan ako ng seryoso.

“Keisha, uhmm, see you tomorrow,” sabi niya na may kakaibang tono. Hindi ko tuloy alam kung kinikilig ba ako o naiinis pa rin.

“Uh… see you,” sabi ko, sabay alis, habang pilit kong nilalabanan ang ngiting gustong lumabas sa labi ko. Tsk, ano ba 'tong araw na 'to? Bakit parang ang daming hindi inaasahang nangyari?

----

Please feel free to click the star to vote if you love this chapter 😉🙏

CRUSH KO SI MR. PRESIDENT (COMPLETED - UNDER REVISION)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon