Pauwi na kami nila Mama at Jonas. Galing kami sa bahay nila Papa. Hindi naman humadlang ang unang pamilya niya na dumalaw kami roon. Patuloy pa rin siya sa pagpapagamot. Bumagsak nga lang lalo ang katawan niya. Ang maganda lang, hindi siya sumusuko na gagaling pa siya.
Ilang buwan na rin ang lumipas. Parang kailan lang ng manganak ako. Nakakatuwa si Levi habang lumalaki. Alagang-alaga ng Papa Seokjin niya. Paniguradong naglalaro na naman 'yung dalawa na 'yon. Masasabi ko ngang madamot ang asawa ko na ipahawak ang anak namin. Saglit lang nakukuha nila Mama at ganon din si Mommy Cynthia. Tanggap na niya ako. Salamat talaga sa anak ko.
"Hindi ko talaga alam Ate kung sino ang kamukha mo. Si Mama ba o Papa mo." ani Jonas.
"Kahit naman sino sa kanila hindi na ako lugi eh. Eh ikaw, paano kung isang araw, magpakita ang Papa mo? Anong gagawin mo? Magagalit ka ba sa kanya?" tanong ko naman. Napatingin siya sa labas ng bintana nitong sasakyan. Siguro'y hindi niya naisip na darating ang araw na 'yon.
"Ewan ko ba kung anong mararamdaman ko. Pero dapat gwapo rin siya. Kung hindi, hindi ako maniniwala na tatay ko siya. Ang gwapo ko kaya."
Nagkatinginan kami ni Mama sa kayabangan ni Jonas. Nakakunot ang noo ko samantalang nagkibit balikat lang siya.
"Ikaw naman anak, anong nararamdaman mo ngayon na bukas ka na ikakasal?" tanong ni Mama. Ako naman ang napatingin sa labas ng bintana.
"Sobrang saya ko, Ma..." Ngumiti ako. Wala ng sasaya sa taong ikakasal sa taong mahal niya. "Buong buhay ko hindi ko naranasan magka-boyfriend. Abala ako sa pagsisikap na matupad ang pangarap ko. Hindi ko alam na ang unang lalaking mamahalin ko'y paniguradong habambuhay ko ng makakasama." Nagkangitian kaming dalawa.
"Si Ate talaga oh! Papaiyakin pa si Mama. Baka naman si kaibigan na lang palagi. Kalimutan mo na kaming pamilya mo. Kapag nangyari 'yon, gagawa rin ako ng sarili kong pamilya tapos kakalimutan ka namin."
Natawa kaming lahat kasama ang driver ng asawa ko. Sira ulo talaga 'tong si Jonas. Napakalikot ng isip.
Ang tawanan namin ay nahinto ng biglang pumreno ang sasakyan. Muntik pa akong mauntog sa upuan.
"May babaeng biglang tumawid." ani ng driver ng asawa ko. Pagtingin namin sa harap, laking gulat ko na makita ang dati kong amo na si Madam Betty. Nagkatinginan kaming dalawa. Para siyang takot na takot at bigla na lang tumakbo palayo. "Muntik ko pang masagasaan 'yung pulubi."
"Kawawa naman 'yung taong 'yon." ani Mama.
“Parang nakita ko 'yon dati.” ani Jonas.
Hindi ako makaimik. Wala akong maisip ngayon. Ang tanong lang sa isip ko ay kung anong nangyari sa kanya?
Pinaandar na ulit ang sasakyan. Naging tahimik lang ako. Busy na si Jonas sa cellphone niya samantalang si Mama ay nakikipag-usap sa driver.
Sa kakaisip, hindi ko namalayan na nakarating na pala kami sa bahay. Bumaba kaming tatlo para ipasok na ng driver ang sasakyan sa loob.
"Sige na, anak. Magpahinga ka na. Huwag magpa-stress ha? Alalahanin mo, bukas na ang araw na pinakahihintay mo." paalala ni Mama.
Yumakap naman ako sa kanya. "Opo. Sige na, pumasok na kayo sa loob ni Jonas. Pupuntahan ko na 'yung mag ama ko sa loob."
"Oh siya, halika na, Jonas!"
"Bye, Ate! Si Levi ang pasayahin mo huwag si kaibigan ha!" Binuksan ni Jonas ang gate na natatawa pa. Si Mama naman ay napailing na lang. Grabe talaga mag-isip 'tong ugok kong kapatid.
BINABASA MO ANG
Sampung Utos Ng Boss ( COMPLETED )
General FictionHighest Rank: #1 in General Fiction