Pagkarating ko sa lugar namin, pansin ko ang pagbubulung-bulungan ng mga taong nadadaanan ko ngunit hindi ko na lang pinansin. Dumiretso na lang ako sa bahay.
“Oh ate, buti nandito ka na.” ani Jonas nang pagbuksan niya ako ng pinto.
Pagpasok ko sa bahay, nagtataka ako kung bakit ang gulo-gulo ng mga gamit namin.
“Anong nangyari rito, Jonas? Bakit ang gulo ng bahay? Nasaan si Mama?”
“Nasa kwarto si Mama. Inaayos 'yung mga gamit natin.” sagot naman niya.
“Bakit? Lilipat ba tayo ng bahay?”
“Oo, Ate. Pinapaalis na kasi tayo rito ni Mayor. Ang problema, saan naman tayo lilipat? Hindi man lang nila tayo binigyan ng ilang araw para makapaghanap ng malilipatan.”
“Kung paaalisin ni Mayor lahat nang nandito, bakit parang hindi naghahanda 'yung mga kapitbahay natin?”
“Hindi naman sila pinapaalis, Ate. Tayo lang. Nagtataka nga ako kung bakit tayo lang.”
“Ano?!” gulat na tanong ko. Imposible 'yon. Bakit kami lang? Anong ginawa naming masama para ganituhin kami? “Pupuntahan ko si Manang Zeny. Makikiusap muna ako sa kanya na patuluyin kayo sa bahay niya habang wala pa tayong nahahanap na pwedeng upahan.”
Paalis na sana ako ngunit pinigilan niya 'ko.
“Sinubukan ko na 'yon, Ate. Ang sabi niya, ayaw niya raw madamay. Kapag pinatuloy niya tayo sa bahay niya, paaalisin din daw siya ni Mayor.” sagot niya na nagpahina sa akin.
Napaupo ako at inilagay ang mga palad sa mukha nang mapagtanto na pwedeng may kinalaman si Madam Cynthia rito. Wala kaming nagawa kay Mayor para ganituhin niya kami. Bakit pati pamilya ko?
Nag-angat ako ng tingin nang may humawak sa balikat ko.
“Huwag mo kaming problemahin, anak.” ani Mama na nakangiti sa akin ngayon. Anak? Ngayon ko lang yata narinig sa kanya ang salitang 'yon.
“Pwede ba 'yon, Ma? Saan naman tayo titira ngayon?”
“Akong bahala, anak. 'Di ba gusto mo na ring umalis sa lugar na 'to at tumira sa mas maayos na bahay?” tanong naman niya.
“Gusto ko nga 'yon pero paano?”
“Sumama kayo sa akin ni Jonas. Dalhin niyo lahat ng gamit niyo. Iwan na lang natin ang mga gamit dito sa bahay. Sira na rin naman 'yung iba.”
Nagkatinginan kami ni Jonas. Hindi namin maintindihan si Mama ngayon. Hindi kaya isama niya kami sa bahay ng nakilala niya sa bar?
Tumulong na lang din ako sa kanila na magbitbit ng gamit nila. Wala naman akong gamit dito kaya wala akong bibitbitin.
Bago kami umalis, naisipan kong sulatan si Manang Zeny. Naiintindihan ko siya kung bakit kailangan niya kaming tanggihan ngayon. Pero kahit ganon, nagpapasalamat pa rin ako sa kanya. Mas mabuting hindi siya madamay.
“Hinding-hindi na tayo babalik sa bahay na 'to.” ani Mama paglabas namin ng bahay.
Gusto kong sabihin sa kanila na pwedeng ako ang dahilan kung bakit kami pinapaalis dito sa bahay ngunit ayokong mag-alala sila sa akin. Hindi rin pwedeng malaman ni Boss Jin 'to.
“Ma, saglit lang po.”
Hindi ko siya hinintay na sumagot. Umalis ako para ibigay ang sulat ko ngunit sarado ang bahay ni Manang Zeny. Inipit ko na lang 'yon sa may gilid ng bintana nila. Sana mabasa niya 'yon.
BINABASA MO ANG
Sampung Utos Ng Boss ( COMPLETED )
Ficción GeneralHighest Rank: #1 in General Fiction