“Be careful, baby.” bulong sa tapat ng tenga ko.
Kahit hindi ako lumingon, alam kong si Boss Jin 'to. Walang ibang tumatawag sa akin ng baby.
“Kaibigan!” biglang sigaw ni Jonas. Lumapit siya kay Boss Jin na parang close na close sila. Kumunot ang noo ko nang umakbay pa siya. Kaibigan? Kailan pa nangyari 'yon?
“Oh, nandito rin pala 'yung asawa ni Charity.” ani Leah.
Napairap ako. Naiinis ako sa salitang asawa. Kailangan ba talagang banggitin 'yon? Pero teka, bakit pala nandito 'tong lalaking 'to?
“Bakit ka pala nandito? May dinadalaw ka ba?” tanong ko naman. Hindi agad siya sumagot. Naisip ko tuloy na hindi niya naintindihan 'yung sinabi ko.
“I-I'm just visiting my grandfather here.”
Napatango na lang ako. Tatanungin ko sana kung kaano-ano niya 'yung mag asawa na nakalibing sa gilid namin kaso naiilang ako. Lolo lang naman daw ang binisita niya kaya paniguradong hindi niya kilala 'tong mga 'to.
Nagkatinginan kami ni Leah nang magbulungan 'yung dalawa. Nabubwisit ako kay Jonas. Baka kung anong pinagsasabi niya niya kay Boss Jin.
“Ayos 'yan, kaibigan! Kaso nga lang baka hindi pumayag si Ate.” ani Jonas.
“Halika nga rito!” Hinila ko ang tenga ni Jonas at dumistansiya muna sa kanila.
“Ah-aray ko, Ate! Ayan ka na naman eh!” reklamo niya nang bitawan ko ang tenga niya.
“Ano na namang pinagsasabi mo sa kanya? Nanghihingi ka ba ng kung ano-ano, ha? Naku, Jonas! Tatamaan ka talaga sa akin. At bakit kaibigan ang tawag mo sa kanya?”
“Wala naman akong sinabi sa kanya. Nagtanong siya kung pwede raw ba tayong kumain sa labas kasama siya. Yung pagtawag ko ng kaibigan sa kanya, ako lang ang may gusto.” Tumawa siya na akala mo'y nakakatawa talaga.
“Ahm, Atasha, okay na. Umuwi na tayo. Dumidilim na kasi 'yung kalangitan eh. Baka ulanin pa tayo.” pag-aya ni Leah. Napatingin ako sa kalangitan. Malapit na ngang umulan.
“Oh si--” Napahinto ako sa pagsagot nang tumunog ang cellphone na hawak ko. Bakit kaya tumatawag 'to si Jemarie? “Saglit lang. Sasagutin ko muna.”
( Napatawag ka, Jemarie? May problema ba? )
[ Pwede bang pumunta ka rito ngayon? ]
( Teka, umiiyak ka ba? Anong nangyari sa'yo? ) Sa paghikbi niya at hindi pagsagot, nag-alala na ako. ( Hello! Jemarie? Pupuntahan na kita diyan. Hintayin mo ako. )
Pinutol ko ang tawag at natarantang tumingin sa kanila.
“Anong nangyari, Ate?” tanong ni Jonas.
“Aalis ka ba? Saan 'yon? Ihahatid na kita?” ani Leah.
Umiling ako. Tinignan ko si Boss Jin. “Pwede bang ihatid mo ako sa Ate mo? Mukhang may hindi kasi magandang nangyari sa kanya.”
“Sure. Let's go. Hurry up!”
Nang lumakad siya, lumapit ako kay Leah. “Ikaw na bahala kay Jonas. Ihatid mo muna siya sa bahay. Tatawagan na lang kita mamaya.”
“Sige, sige. Bilisan mo na.”
Nakakailang hakbang palang nang mapahinto ako. Bumalik si Boss Jin sa amin.
“Boss Jin! Ibaba mo nga ako!” utos ko nang buhatin niya ako. Hindi niya ako pinansin. Nagpatuloy lang siya hanggang sa maisakay na niya ako sa sasakyan niya. Pagtingin ko sa pwesto namin kanina, nandoon pa rin sila Jonas na mukhang nagulat din sa ginawa ni Boss Jin.