Northwoods. Isang bayang animo'y napabayaan na. Isang bayang kinalimutan na ng napakarami. Mahirap ang buhay ng mga nakatira, mababa ang ekonomiya, tuyong lupain at walang pagkakakilanlan.Dito isinilang batang si William.
A boy with a gift of strength.
At dito rin magsisimula ang kwento niya.
"Magandang Araw ho, Aling Loring!" bati ng batang si William.
"Magandang araw rin, William."
"Ito na ho ang bagong katay na baboy."
Sa edad na labing-dalawa. Mag-isa nang tinataguyod ni William ang kanyang pamilya.
Isa siyang kargador sa palengke, matadero sa kanto, karpintero sa kalapit na baranggay at marami pang iba.
"Ito nang bayad ko, iho. Salamat," saad ng matanda sabay abot ng dalawang daang piso.
"Salamat rin ho. Sa susunod ulit!"
Isang maliit na bata si William ngunit kakaiba ang kanyang lakas. Marahil iisipin ng iba na isa lamang siyang uhuging bata na napadaan sa kanto, pero ang lakas niya ay maaaring makabugbog ng sampung basagulero.
"Nay, narito na ho ako!" masiglang tawag niya sa ina pagpasok niya sa kanilang barung-barong na tahanan.
"Anak, kamusta?" tanong ng kanyang ina na nakaratay sa papag dahil sa iniinda nitong sakit.
Malala ang karamdaman ng kanyang ina kaya't kakailangin niya ng malaking halaga upang ipa-opera ito. Kailangan rin nilang lumuwas pakabilang bayan dahil walang maayos na ospital ang kanilang lugar.
Isa ang bayan nila sa mga lugar na nakalimutan nang lingapin ng gobyerno. Mahirap ito para sakanila, pero wala naman silang kakayanan para umangil at magreklamo.
"Maayos naman ho, naka-limang daan rin ho ako ngayon. Mamaya ay sasama ako kay Mang Berting sa construction site. Kailangan ho nila ng tao ngayon."
"Anak, parati kang magi-ingat ha? Pasensya ka na at nagiging pabigat ako sa 'yo."
"Nay. H'wag kayong mag-alala. Kaya ko 'to. Ako pa ba? Ako kaya ang pinakamalakas rito."
"Alam ko iyon, anak. Pero napaka-bata mo pa para danasin 'to."
"Lahat naman po daranas ng paghihirap. Nauna lang ako." Natawa na lamang ang kanyang ina.
"Maghahanda lang ho ako nang tanghalian, a," aniya at nginitian pa ang ina.
Ngunit sa likod ng kanyang mga ngiti ay nagtatago ang kanyang lungkot.
'Bakit kami narito?'
'Bakit ang hirap mabuhay?'
'Ano bang pakiramdam ng mga tao sa labas ng bayang ito?'
'Maaari rin ba kaming maging masaya?'
Mga tanong na pilit niyang iwinawaglit sa kanyang isipan.
Ano pang silbi ng kakayahan niya, kung ang sarili niyang ina ay hindi niya matulungan.
Bumuntong-hininga na lamang siya at tinuloy ang ginagawa.
-----
"Lapit na, lapit na! Malaki ang premyo sa kung sino mang makakabunot ng espadang ito!" anunsyo ng isang manggagatso sa plaza.
"Limampung-libong patimpalak, isang espada lang ang katapat!" dagdag pa nito.
Marami na ang sumubok. At lahat sila ay nabigo.
BINABASA MO ANG
When she Fell on my Roof (Completed)
Fantasy'We met in the weirdest way, But I'm glad you fell on my roof.' Dark Cabal Series: One