Shizuka
Napangiwi ako nang maramdaman ang sakit ng katawan ko. Hindi ko alam kung nasaan ako ngunit ramdam ko ang tigas ng hinihigaan. Dahan dahan kong idinilat ang aking mga mata. Sa una'y malabo pa ang paningin ko ngunit unti-unti rin namang luminaw. Tuluyan ko ng nakita ang paligid. Nasa loob ako ng isang kuweba. Madilim na kweba. Nasa bungad ako ng kweba at kita ko ang madilim na kalangitan. Gabi na.
Nanlaki ang mata ko ng maalala ko ang mga nangyari. Agad akong umupo ngunit napahiga akong muli dahil sa sakit ng katawan. Inangat ko ang ulo ko upang tignan ang buong paligid. Di kalayuan ay nakita ko si Noah na walang malay na nakahiga. Pinilit kong makalapit sa kanya kahit hinang-hina na ko. Kulang na nga lang ay gumapang na ko palapit sa kanya.
Inalog alog ko siya. "Please Noah, gumising ka." Hindi ko alam kung nasaan tayo. Paano tayo napunta dito---- napatigil ako sa pag-alog kay Noah. Yung ipo-ipo... nahulog si Noah sa ipo-ipo at kusa akong nagpahigop.
Pero.... bakit buhay pa kami?
Nanlaki ang mata ko. "Noah!!!----"
"Gising ako! Gising ako!"
Napaupo ako bigla dahil sa gulat. Ganun din si Noah na nanlalaki ang mata habang nakaupo sa harapan ko.
Tinakpan ko ang bibig ko para hindi matawa. "Pfft." Ang epic ng mukha niya.
Nawala ang gulat sa mukha ni Noah nang marinig ang pagpipigil ko. Nagtatakang tinignan niya ko. Ilang segundo rin siyang nakatingin sakin bago muling napalitan ng gulat ang mukha niya.
"A-anong nangyari?"
Napatigil ako sa pagpipigil ng tawa at seryosong tinignan siya. "Iyan din ang gusto kong itanong sayo." Nagkatitigan muna kami ng ilang segundo bago siya tumayo at inalahad ang kamay sakin. Inabot ko ang kamay niya at tumayo rin.
Hawak hawak ang kamay ko na inilibot niya ang tingin sa buong paligid. "Kailangan nating makaalis agad dito." mahinang saad niya.
Magsasalita na sana ako ngunit bigla akong nakaramdam na tila pagtusok sa braso ko. Nilingon ko ang kaliwa kong braso at.... may nakatusok ditong isang maliit na piraso ng kahoy. Maliit lang ito at parang kagat ng langgam lang ang sakit ng pagkakatusok. Binunot ko ang maliit na piraso ng kahoy sa braso ko. Mabuti nalang at walang dugo na lumabas.
"Ano 'yan?" tanong ni Noah.
"Hindi ko alam, bigla nalang---"
Napatigil ako sa pagsasalita at napalingon sa braso ni Noah. Napalingon din siya... may nakatusok din na maliit na piraso ng kahoy sa braso niya.
T-teka.... iba ang pakiramdan ko sa maliit na piraso ng kahoy na 'yan.
Nagkatinginan kami ni Noah.
Sh!t.
Huli na para tumakbo... unti-unting nanlabo ang paningin ko at bumababa na ang talukap ng mata ko. Biglang namanhid ang katawan ko ngunit alam kong natumba ako sa sahig. Ganun din si Noah.
Naramdaman ko na pinisil niya ng mahina ang kamay ko. Pinilit kong manatiling gising kahit na bumibigay na ang katawan. Nanlalabo man ang paningin ko ngunit sigurado ako... wala ng malay si Noah na nakahiga sa tabi ko at.... napakaraming pares ng mga paa ang papalapit samin.