Shizuka
Kasalukuyan kaming naglalakad papasok ng Timberland. Iniwan namin ang mga kabayo sa labas. Mabuti nga at hindi kami napansin ng mga Fudoshin dahil kung sakali, makakawawa nanaman ang Shindae.
Hindi ko alam kung saan namin hahanapin ang ika-apat na nilalang na hinahanap namin. Wala ring ideya sila Hikari. Ni hindi nga sila makapaniwala na may naninirahan sa Timberland eh.
Mabilis kong tinanggal ang kamay ni Noah mula sa pagkaka-akbay sa akin pero mabilis niya rin itong ibinalik. Napabuntong hininga na lang ako, mabuti na lang at nahuhuli kami sa paglalakad kaya hindi napapansin ng Shindae ang kalandian ni Noah.
Malakas kong inapakan ang paa ni Noah dahilan upang mapahinto siya, mabilis kong tinanggal ang kamay niya at tumakbo palapit kay Honoka. Kumapit ako kay Honoka na nagtatakang nakatingin sa akin. Nilingon ko si Noah na hawak hawak ang paa niyang inipakan ko, nagbelat ako sa kaniya pagkatapos ay umirap. Rinig ko ang mahina niyang pagtawa.
"Hoy, anyare sa inyo?" tanong ni Honoka.
Umiling iling ako. "Wala ah."
"Sigurado ka? Eh noong nakaraang araw nga ay para kayong pinagbagsakan ng langit at lupa, ngayon naman para kayong nakakita ng liwanag sa sobrang saya. Tsk tsk, iba ang naiisip ko Shizuka."
Sinimangutan ko si Honoka at bumitaw sa kaniya dahilan upang matawa siya. Nilibot ko ang paningin ko. Napakaganda pa rin ng Timberland tulad ng huli kong kita rito.
Napahinto ako sa paglalakad nang may mapansin sa bandang kaliwa ko. Agad akong naglakad patungo rito, ramdam kong sumunod sa akin ang Shindae. Pamilyar ang parte ng Timberland---- Sinasabi ko na nga ba! Malapit lang dito ang bangin! Bangin na siyang pinagkahulugan ko ng Ferolf noon at ang bangin na nagkokonekta sa Earth at Nirvana.
"Shizuka!"
Hindi ko pinansin ang pagtawag ni Noah at nagpatuloy ako sa pagtakbo. Gusto kong makita ang bangin. Gusto kong makita ang bagay na nagkokonekta sa buhay ko noon at sa buhay ko ngayon.
Napatigil ako sa pagtakbo at napangiti. There it is.
"Shizuka."
Nilingon ko ang Shindae. Kita kong nakakunot ang noo nilang lahat habang nakatingin sa paligid. Nagtataka.
"Pamilyar ang lugar na 'to ah," saad ni Daisuke pagkatapos ay tumingin kay Noah. "Dito ka inatake noon ng Ferolf, hindi ba?"
Tumango si Noah at nakangiting tinignan ako. Dito nga, dito ang unang pagkakataong iniligtas ko si Noah.
"Grabe, naalala mo talaga ang parte ng gubat na ito Shizuka. Ano bang ginagawa natin dito?" tanong ni prinsipe Sheun at lalapit na sana sa akin ngunit napatigil siya nang may biglang lumabas sa kaniyang bulsa. Siguradong natulak ito ng hita niya kanina dahil sa pagtakbo.
"T-teka... 'yan yung inabot na papel sa akin ni Kris ah," saad ni Noah at mabilis na kinuha 'yung papel.
"Eh? Nakita ko 'yan sa sahig ng silid ng Shindae eh. Marahil ay nahulog mo," sambit ni prinsipe Sheun at sinilip ang papel na hawak ni Noah.
"Ano ba kasi ang laman niyan?"tanong ni Honoka.
"Di ko rin alam, binigay lang ni Kris sa akin. Pinabibigay daw ng kahariang Saikushin." Binuksan na ni Noah ang papel. Nanatili kami nila Hikari sa pwesto namin at pinagmasdan lang sila Noah na titig na titig sa papel.