Shizuka
"R-regina?"
Tumango ako.
"At nagsalita siya ng Wikang Pangtao?!"
Pinanlakihan ko ng mata si Honoka. Napatakip siya ng bibig at hindi makapaniwalang tinignan ako. Sinabi ko sa Shindae ang lahat. Maski ang tungkol kay Helen. Kung bakit ako tumakbo palayo, ang pagliyab ko sa sariling apoy. Kung paano ako iligtas ng matatapang na mamamayan ng Fudoshin. Ang pakikipaglaban ko kay Alena. Sinabi ko lahat, wala akong pinalampas.
Kanina, natatakot pa kong magkwento sa kanila. Kinakabahan kasi ako, pano kung magalit sila? At hindi maniwala sa'kin pero... ang tanga ko pala no? Sa sobrang tagal na naming magkakasama at sa dami ng nangyari, nagawa kong pagdudahan ang Shindae.. na hindi sila maniniwala sa'kin at magagalit sila.
At sa totoo lang, ang inaakala kong galit na magiging reaksyon nila matapos kong sabihin na tumakbo ako palayo sa kanila sa Timberland, hindi ko nakita, bagkus.. 'maraming salamat' ang narinig ko mula sa bibig nila.
Alam nila kung gaano kapanganib ang kapangyarihan ko, ganun na rin ang katotohanang hindi ko pa ito kontrolado, at nagpapasalamat sila dahil sa kabila ng paglabas ng kapangyarihan ko... mas inuna kong isipin ang kaligtasan nila, kaysa sa sarili ko. Kaligtasan nila laban sa kapangyarihan ko, kahit na ako mismo ang pinahihirapan nito.
Ayon sa kanila, nagising na lang sila na sa sari-sariling silid. Pagkagising nga raw nila ay agad silang lumabas ng palasyo upang bumalik sana sa Timberland pero napigilan sila ni Timi.
Sinabi ni Timi na huwag akong hanapin at magtiwalang babalik ako. Sinabi rin ni Timi na nakita niya lahat at sinundan niya kami sa Timberland. Kaya sa pagkakataong tumakbo ako palayo ay agad niyang sinugod si Satana ngunit bigla na lang daw naglaho ang prinsesa.
Tinanong ng Shindae kay Timi ang tungkol kay Satana pero hindi sumagot si Timi bagkus ay bigla na lang siyang naglaho, tumakas.
Sa totoo lang ay ikinagulat ko ang sinabi ng Shindae sa'kin kanina. Wala raw silang alam sa buhay ng nagdaang hari't reyna at sa pamilya nito, maski sila prinsipe Sheun at Noah ay naghahangad ng impormasyon. Ang tanging alam lang nila ay patay na ang dating hari't reyna at mayroon itong apat na anak kung saan bunso ang kasalukuyang reyna Sakura. Hindi nila alam kung nasaan o buhay pa ba ang dalawang prinsesa, at anong nangyari kay prinsesa Satana. Bakit niya kami kinakalaban? Bakit bigla na lamang siya lilitaw at naglalaho? Bakit bilang isang prinsesa ay wala siya rito sa palasyo? At bakit sa apat na magkakapatid, ang bunso ang kasalukuyang may suot ng korona, hindi ba dapat ang panganay?
Sa mga katanungang 'yan, inalala ko lahat ng sinabi sa'kin ng apat na nilalang na hinahanap namin. Si prinsesa Satana ay nagtaksil at si prinsesa Sakura ang lumaban, pero patay na ba ang hari'y reyna ng magtaksil ang prinsesa Satana? At anong ginawa ng dalawang natitirang prinsesa? Si prinsesa Suzume at prinsesa Serina? Silang dalawa ay mas nakatatanda kay Satana at reyna Sakura.
Nagtaksil si prinsesa Satana dahil sa nalaman niya, pero ano 'yun? Sa pagkakatanda ko, sinabi sa'kin ni Ginang Sunako 'Matapos niyang malaman ang tunay niyang katauhan.' Bakit? Sino ba si prinsesa Satana?
Kung natalo na siya noon ni reyna Sakura, nagbalik ba siya upang maghigante? Hindi ba dapat ay si reyna Sakura ang kalabanin niya, pero bakit kami? Kami ang sinusugod niya. Hadlang ba kami sa paghihiganti niya? Dahil grupo kami ng Shinai-yo?
Sinabi niya noon na siya lamang daw ang maaring pumaslang kay Noah, ganun na rin sa'kin, bakit? At isa pa, iba ang tingin niya kay prinsipe Sheun nung nagkaharap kami sa Timberland.
Satana, binibigyan mo talaga ako ng sakit sa ulo.
"Sinabi mo kanina na sinabi ni Regina, na siya'y makapangyarihan din tulad mo?"