Sabrina
"Almiro."
Napalingon ako kay Almiro na ngayon ay nakapikit. Ipinitik niya ang kaniyang kamay pagkatapos ay dumilat at nagbigay galang kay reyna Satana.
"Tapos na po, kamahalan."
Huh?
Nandito kami ngayon sa likod ng palasyo, ayon kay Arlo. Nasa loob kami ng silid na may kalawakan. May mga nakaukit na simbolo sa kisame at sa pader. Malawak ngunit walang laman, tanging pinto lamang na nasa gitna.
"Halika na," sambit ni Satana pagkatapos ay naglakad patungo sa pinto. Sumunod kami sa kaniya.
Teka.. "Hindi sasama si Almiro?" tanong ko kay Arlo na katabi ko.
"Hindi. Kailangan niyang manatili rito."
Bakit naman?
Binuksan ni Alena ang pinto pagkatapos ay naunang pumasok si Satana. May hagdan pababa. Sumunod kami sa kanila--- Napalingon ako at napatitig sa isang kawal na Fudoshin na ngayon ay hindi gumagalaw. Maski ang kaniyang mata at hindi rin siya humihinga.
Tinitigan ko lang nang nagtataka ang kawal bago sumunod paibaba. Pagkarating sa ibaba ay bumungad sa'min ang isang napakalaking silid. Silid-kulungan. Maihahalintulad ko na ito sa silid kulungan sa palasyo ng mga sorcerer. Napakaraming kulungan at halos lahat ay may laman na sorcerer o lamia pero... halos lahat sila ay hindi gumagalaw.
Nakahinto silang lahat at tanging kami lang ang kumikilos.
Napaharap ako kila Arlo. "Bakit---"
"Isa itong non magicae zona, Sabrina," biglang saad ni Satana na patuloy na naglalakad sa unahan. "Isang silid kung saan hindi mo magagamit ang iyong kapangyarihan."
May ganun?
"Eh, bakit nakahinto sila?"
"Sa pamamagitan ni Almiro. Si Almiro ay may kakayahang magpahinto ng oras at makakayang hindi magsama ng mga shin sa paghinto. Hindi man nagagamit ang kapangyarihan dito pero kung nakahinto ang oras sa labas, nakahinto rin dito."
At hindi kami kasama sa paghinto.
Napatango na lamang ako. Makapangyarihan si Almiro. Isang Fudoshin.
Napatigil sila sa paglalakad kaya napatigil din ako. Agad akong sumilip sa unahan.
"Devon!" sigaw ko at agad na tumakbo patungo sa kaniya. Mag-isa siyang nakakulong sa gitna ng malawak na silid. Makakapal ang bakal at mahahalatang napakatibay. Sa gilid ng kulungan ay dalawang kawal na nakaupo na parehas nakahinto. Tagapagbantay.
Duguan siya. Halos magkulay pula na ang damit niyang puti dahil sa dami ng kaniyang sugat at dugo. Nakaupo lang siya sa gitna habang ang kamay ay nasa tagiliran. Pinipigilan ang pag-agos ng dugo mula sa sugat.
Nakakaawang tignan. Parang hindi si Devon na kinatatakutan ang nasa harap ko. Malakas si Devon pero natalo pa rin siya. Pinagtulungan ba siya o sadyang malakas ang kaniyang nakalaban?
Napadilat siya at bumakas ang gulat sa kaniyang mukha nang makita ako. "Sabrina? Anong ginagawa mo rito--" Napahinto siya nang makita kung sino ang nasa gilid ko. "K-kamahalan." Nahihirapan man ngunit pinilit niyang makaluhod upang magbigay galang.