Sabrina
Nakagat ko ang labi ko at napasandal sa istante. Hindi ko alam kung bakit pero bigla akong nanghina. Ramdam ko pa ang kaunti kong panginginig.
Devon... ano bang tinatago mo sa'kin?
Bukod sa katauhan kong hindi mo nais sabihin. Bukod sa nakaraan kong ayaw mong banggitin. Bukod sa mga pangyayari sa Nirvana na tikom ang bibig mo. Bukod sa dahilan kung bakit pilit mo kong inilalayo sa mga nilalang na naririto. Ano pang tinatago mo?
At bakit... hinayaan ko? Hinayaan ko na itago mo sa'kin ang mga ito simula ng magising ako. Bakit hinahayaan kitang utusan at saktan ako? Kung magkasintahan nga tayo... bakit napakalupit mo? Bakit itinatago mo? Kung magkasintahan tayo... bakit hindi ko alam kung anong nagustuhan ko sayo?
B-bakit... naniwala agad ako sa lahat ng sinasabi mo?
Napahawak na lamang ako sa ulo ko.
Hindi ko na alam!
Isisigaw ko na sana ang inis ko ngunit napatigil ako nang makita ang isang libro. Kulay puti ito at may pamagat na 'Ang katotohanang pilit pinagtatakpan'
Natawa na lamang ako. Pagkakataon nga naman... ang katotohanan sa pagkatao ko ay pilit pinagtatakpan.
Umayos ako ng pagkakatayo at sinubukang abutin ang libro ngunit masyado itong mataas. Sinubukan ko na ring tumalon ngunit hindi ko talaga maabot.
Pakiramdam ko'y nanigas ako sa aking pwesto nang may kung ano akong tinamaan sa likod. Pagtingala ko ay may isang kamay ang umabot sa libro na siyang nais kong kuhanin. Agad akong humarap ngunit napa-atras din ako dahil masyado siyang malapit.
"Ito ba?" nakangiting tanong niya.
Kinuha ko ang libro na inaabot niya. "S-salamat."
"May problema ba?"
Napa-iwas ako ng tingin. "Wala naman."
"Sabrina."
Hindi ko na lang siya pinansin at naglakad pabalik sa mesa. Umupo ako sa inuupuan ko at tahimik na sinimulang basahin ang libro. Rinig kong umupo sa harap ko si Noah pero hindi ko siya pinansin. Ramdam ko rin na nakatingin siya sa'kin. Nagtataka sa biglang pagbabago ng ugali ko.
"Gusto mo bang makarinig ng kwento," sambit niya ngunit nanatili ang atensyon ko sa libro. "Tungkol sa isang babae at lalaki."
Napa-angat ako ng tingin.
Kwento?
"S-sige."
Muli siyang napangiti pagkatapos ay sumandal at tumingala. "Isang araw, tahimik na nagtatrabaho ang isang prinsipe sa kaniyang silid nang biglang siyang makarinig ng balita. Mayroon daw isang babae ang bigla na lamang lumitaw sa isang gubat at kasalukuyang inaatake ng halimaw. Bilang isang prinsipe, agad siyang nagtungo sa gubat at iniligtas ang dalaga."
Napakunot ang noo ko. Magkekwento talaga siya, ah.
"Ngunit nang makita niya ang dalaga ay nakaramdaman na siya ng kakaiba. Hindi normal ang babae, hindi niya kauri. Iba ang pananamit ng babae at kilos kumpara sa kaniya at kaniyang lahi. May ilang salita rin itong binabanggit na hindi niya maintindihan. Idinala niya ang babae sa palasyo at doon ipinatira at sinubaybayan. Para sa prinsipe, ang babae ay isang malaking misteryo."