Sabrina
Inis na pinutol ko ang sanga sa maliit na piraso at isa isa itong binato. Hindi ko alam kung nasaan si Devon ngunit hindi nakalock ang pinto ng silid ko kaya nagawa kong makalabas. Mabuti na lang din at may almusal ng nakahanda kaya hindi ko kinakailangan magpunta sa silid-kainan. Kapag nagkataon kasi ay baka may makasalubong akong kakilala, isumbong ako kay Devon na lumabas ng kwarto. S-sabagay, wala rin naman silang magagawa dahil lalabas at lalabas din naman ako ng silid.
Matapos maubos ng maliit na piraso ng sanga sa kamay ko ay agad kong inabot ang malapit na sanga at kumuha ng isang dahon. Ito naman ngayon ang pag-iintirisan ko. Nandito ako ngayon sa taas ng isang puno, sa gubat na katabi ng palasyo. Ayokong maglibot sa palasyo dahil baka may makakita sa'kin kaya dito muna ako sa gubat, magpapalipas nanaman ng araw nang mag-isa.
Binitawan ko na ang putol na dahon at hinayaang tangayin ng hangin. Napasandal ako sa puno at napatingala. Ang dilim ng langit. Bakit ba naman kasi nasa itaas ng mga ulap ang tahanan ng mga shin? Nawawala tuloy ang ganda ng kalangitan... pero paano kung isang napakagandang kalangitan naman ang pinagmamasdan ng mga shin sa itaas? Gusto kong makita.
"Sabrina?"
Agad akong napalingon at hindi maiwasang mapangiti nang makita si Noah na nakatayo di kalayuan at nagtatakang nakatingin sa'kin.
Tila hindi na ko magpapalipas ng oras nang mag-isa.
"Magandang umaga," pagbati ko habang nakangiti at kinawayan pa siya.
Nakakunot noong kumaway din siya pabalik. "M-magandang umaga. Anong ginagawa mo riyan sa taas ng puno?"
"Nagpapalipas ng oras."
Napatango na lamang siya at sumandal sa katabing puno.
T-teka... "Nasaan si Hans?" Iniwan ko nga pala si Hans sa kaniya kahapon pero bakit hindi niya kasama?
"Nasa silid ko, natutulog. Hindi ko kasi alam kung saan siya dadalhin kaya isinama ko na sa aking silid."
Napatango na lamang ako. Mabuti't nagawa niyang ipasok si Hans sa palasyo. Sinubukan ko kasi 'yung gawin dati pero sinigawan lang ako ni Devon, hindi raw pwede ang halimaw sa loob ng palasyo. Excuse me, alaga ko si Hans at hindi lang siya basta halimaw.
"Kamusta? Pinagalitan ka ba ni Devon kahapon?"
Napasimangot na lang ako nang maalala ko ang sigawan namin ni Devon kahapon. "Lagi namang galit 'yun. Kahit anong gawin ko ay laging masama sa paningin niya."
Lahat ng gawin ko.
"Hindi ka naman niya siguro sinaktan, hindi ba?"
Sinaktan?
Napaiwas na lang ako ng tingin. "H-hindi naman..."
Syet, dama ko pa nga rin hanggang ngayon ang sakit sa balikat. Masyadong malakas si Devon.
"Sigurado ka?"
"P-pwede bang huwag muna natin siyang pag-usapan?"
Baka masira lang ang umaga ko.
"Sige, pasensya na."
Napalingon ako sa kaniya. Nakasandal pa rin siya sa puno habang nakatingala at nakatingin sa'kin. Hindi tulad kahapon na mukhang pinagbagsakan siya ng langit at lupa, ngayon naman ay ang ayos ng itsura niya. Naghahalong itim at puti ang kasuotan niya na maikukumpara ko na sa mga suotan ni Devon, pangkamahalan.