Shizuka
Ilang minuto kaming magkatitigan ni Timi bago siya umiwas ng tingin. Malalim siyang napabuntong hininga bago tumabi sa akin. Ipinatong ko ang mga braso ko sa barandilya at pinagmasdan ang malawak na hardin.
Ngayon nandito na si Timi? Anong gagawin ko? Anong sasabihin ko? Kainis! Bakit bigla akong kinabahan? Bakit pakiramdam ko ay nais kong bumalik sa silid namin nila Hikari? Nais kong lumayo kay Timi? Dahil ba sa natatakot ako sa mga sasabihin niya at sa mga malalaman ko?
Bakit ba kasi ang duwag mo, Shizuka?! Duwag ka sa katotohanan kaya ito ka ngayon, hirap na hirap!
"May problema ba binibini?" pagbasag niya sa katahimikan.
Nilingon ko siya. "H-hindi ako maaring magkamali... Ikaw ang nakita ko noon." mahinang saad ko. Hindi siya sumagot at hinarap ang magandang hardin. Ngayong kaharap ko na siya at kitang kita ko ang lahat sa kaniya, hindi na ko maaaring magkamali pa. Napapikit ako nang mariin bago humarap sa hardin. Ilang minuto rin kaming tahimik at pinakikiramdaman ang isa't isa.
"Alam mo ba kung paano ako natagalan ng reyna?" Napalingon ako kay Timi nang bigla siyang magsalita. Medyo nagulat pa ko dahil sobrang tahimik ng paligid namin. Nakaupo lang siya sa tabi ko at walang emosyong pinagmamasdan ang magandang hardin.
"Parehas kaming gagawin ang lahat para sa ikabubuti ng iba, kahit kapalit nito ay matinding kamuhian."
Seryoso si Timi, pero hindi ako nakararamdam ng takot sa kaniya tulad noon.
K-kapalit ay matinding kamuhian...
"Iyun din ba ang dahilan ng pagtatago niya ng totoo kila Noah?" tanong ko sa kaniya.
"Oo."
Kaya ba nagawa niyang itago kila Noah ang totoo? Dahil sa tingin niya ay ito ang makabubuti? Kahit na alam niyang kamumuhian siya nila Noah?
Muli akong tumingin sa hardin at napabuntong-hininga. "Siguradong iyun din ang dahilan mo." mahinang saad ko.
"Shizuka." mahinang pagtawag niya. "Tatanggapin ko ang matinding galit mo."
Yeah... matindi nga ang galit ko.
"Kilala mo kung sino ako."
"Lahat ng tungkol sayo, alam ko."
At kahit alam mo ay wala kang planong sabihin sa akin ang mga ito, Timi?! Kahit nakikita mo ang paghihirap ko ay nanatili kang tahimik!
"Galit man ay sumisidhi, pagmamahal pa rin ang magwawagi. Sakit man ang nararamdaman lagi, tatanggapin pa rin ito nang may ngiti. Pangkalahatang kaayusan ang laging pinipili, dahil ito sa pagmamahal sa nakararami."
Napakurap kurap ako at hindi makapaniwalang tinignan siya. A-ano bang sinasabi niya?
"Inuuna ang iba kaysa sarili, iyan ay matinding pagkakamali. Walang mapagpipilian dahil sa kaniya umaasa ang marami."
Napakunot ang noo ko. "M-matinding pagkakamali?"
"Ang buhay ay iisa lamang at hindi dapat ito sinasayang. Hindi ba't pagpapawalang halaga sa buhay kung sasayangin mo ito para sa iba? Upang iligtas sila?"
P-agpapawalang halaga sa buhay?
"Katangahan ang isugal ang buhay para lamang sa iilang parangal."