Shizuka
Bumakas ang matinding gulat sa mukha ng Shindae maliban kay Hikari. Hindi naman na ko magtataka roon.. sigurado akong alam niya na ang tungkol dito. Kita ko rin ang pagbakas ng gulat sa grupong Naoshin samantalang natulala bigla si haring Shun at si reyna Sakura... unti-unting lumitaw sa kaniyang mga mata ang halo-halong emosyon.
Muling naghari ang katahimikan bago ito mabasag ng mahinang pagtawa ni reyna Sakura. Hindi tawang tanda ng kasiyahan.. kundi tanda ng kalungkutan. Tawang puno ng lungkot at pait.
"Ayos lang," mahinang sambit niya pagkatapos ay pilit na ngumiti. "Mas hindi ko matatanggap kung matatawag mo ko agad na iyong ina."
Ngayong kaharap ko siya... gusto kong malaman..
Gusto kong malaman kung bakit bilang isang ina.. kinaya niya kong mawalay sa kaniya? Bakit?
Bakit niya ko inilayo? Bukod sa tadhana ko... bilang ina.. hindi ba dapat ay manatili siya sa tabi ko at samahan akong harapin ang malupit kong tadhana?
Bakit? Bakit hindi siya nagpakita sa'kin ng lumitaw ako rito sa Nirvana? Bakit hindi siya humarap sa'kin?
"Shizuka."
Hindi ako sumagot at nanatiling nakatingin sa kaniya.
"P-patawad... patawarin mo ko."
Napatigil ako.
P-patawad.. tingin ko'y mahihirapan din ako diyan, kamahalan.
"Nang lumitaw ako sa Earth dalawangpung taon mula ngayon, nakilala ko si Shun. Siya ang tumulong sa'kin at tumanggap sa'kin sa kabila ng pagiging iba ko. Nahulog sa isa't isa at walang ibang hiniling kundi magkasama. Iniwan ni Shun ang lahat ng mayroon siya sa Earth at sumama sa'kin dito sa Nirvana. Nagbunga ang pagmamahalan ng isang sanggol na babae."
Napalingon ako kay haring Shun na ngayon ay nakangiting nakatingin sa'kin. Kumpara sa reyna.. kababakasan nang kaunting saya ang kaniyang ngiti.
"Pero..." Bumalik ang tingin ko kay reyna Sakura. "Si Shun ay isa pa ring tao at ako'y isa pa ring shin. Hindi lamang batas ng Nirvana ang nalabag kundi ganoon din ang batas ng Earth. "
Napatigil si reyna Sakura pagkatapos ay tumingala at kumurap kurap. Pinipigilan ang mga luhang kumawala.
"Hindi ka dapat mabuhay. Hindi dapat mabuhay ang tulad mong may dugong magkaiba. Hindi kahit saan man sa malawak na Meirema."
A-alam ko.
"Nang ika'y isilang ay nag-agaw buhay ka agad. Sa lakas ng kapangyarihang nasa loob mo ay hindi ito kinakaya ng katawan mo. Buong akala ko ay mawawala ka na pero... dumating si Gina at Regine. Nakiusap ako na iligtas ka. Lumikha ng isang babae si Regine upang paglagyan ng iyong kapangyarihan, pero.. hindi sapat. Nabuhay ka pero ang lakas ng kapangyarihan mo naman ang papaslang sa'yo kaya naman ibinigay ni Gina ang kaniyang kalahati, si Jewel, upang pigilan ang kapangyarihan mo."
Sa tingin ko'y dapat kong pasalamatan ang dalawa kapag nagkita kami ulit.
Muling tumingin sa'kin ang reyna. "Pero..." Mapait siyang ngumiti. "Sa pagkakataong umayos ang tibok ng puso mo ay ang pagbigkas ni Gina sa propesiya. Dahil sa paglabag na hindi dapat mabuhay ang tulad mo, ang tadhana mo'y magiging malupit. Tatapusin mo ang buong Nirvana."