Shizuka
Napahinto ako sa paglalakad. Kahit na ito na ang ikalawang pagkakataong masisilayan ko ang ganda ng palasyo ng mga sorcerer, hindi ko pa rin maiwasang mamangha. Kakaiba naman kasi talaga ang angking kagandahan at hindi mo maiisip na mga nilalang na nais maghigante at mga nilalang na sanhi ng kaguluhan ang naninirahan.
Ang mga halimaw na siyang bumungad sa'min kanina ay naririto pa rin, bawas nga lang dahil sa pinaslang namin ang iba. Kaunti lang din ang mga sorcerer na nag-aabang sa'kin ngunit kahit ganon ay ramdam ko pa rin ang panganib, na tila kahit sabihing kaunti lamang silang kaharap ko, libo naman na tulad nila ang nagmamasid at nag-aabang.
"Halika na?" tanong ni Kalmira pagkatapos ay patalon-talong naunang maglakad. Hindi ako sumagot at walang emosyong naglakad papasok ng palasyo. Ramdam ko ang masamang tingin sa'kin ni Arlo mula sa likod ganun din ang kasamahan nilang mga sorcerer.
Sa desisyon kong ito, tila ipinasok ko ang sarili ko sa impyerno. Sa isang digmaan kung saan silang lahat, laban sa nag-iisang ako. Sa madaling salita, tila inilapit ko ang sarili ko sa kamatayan.
Tuluyan na kaming pumasok sa palasyo. Nilagpasan ang malaking pintuan ganun din ang malalaking poste at dumiretso sa malaking hagdan na napalilibutan ng magagandang tela na may kakaibang desenyo. Huminto ang mga sorcerer sa harap ng hagdan at hinayaan kaming tatlo na umakyat.
Napangiwi na lang ako nang muling maramdaman ang pananakit ng binti dahil sa pagbagsak ko kanina. Mabuti na lang at nasa likod ko si Arlo samantalang nasa harap naman si Kalmira kaya walang nakakita ng pagbakas ng sakit sa mukha ko. Patago ko ring naikuyom ang kamao ko dahil sa sakit na nararamdam.
Medyo nakapagtataka rin dahil sa kabila ng nakabibinging katahimikan sa malawak na bulwagan at tanging yabag lamang naming tatlo ang maririnig, hindi nanakit ang ulo ko. Walang mga boses ang lumitaw sa isip ko.
Pagkarating sa tutok ay dumiretso kami sa isang pinto sa harap, kulay kayumanggi ito na kakaiba ang mga desenyo. Nakahahatak ang ganda ng pintuan na tila sinasabing 'pumasok ka'.
Nilagpasan ako ni Arlo at walang ingay na binuksan niya ang pinto. Pumasok na si Kalmira kaya naman sumunod na ko, ngunit ng madaanan si Arlo ay tila nag-aapoy na palaso na ang itinitira sa'kin ng masama niyang tingin. At aaminin ko, kinabahan ako.
Napatigil ako sa paglalakad at napanganga. Kung maganda na ang desenyo sa labas, hindi nagpapahuli ang loob ng silid. Iba't ibang kulay at desenyo ng tela ang makikita sa kisame at pader. Ang sahig ay makintab sa tipong makikita mo na ang iyong sarili. May naglalakihan ding bintana na kaharap ang nag-gagandahang puno. Walang laman ang buong silid maliban sa nag-iisang mahabang mesa sa gitna na mayroong hindi mabilang na upuan. Sa ibabaw ng mesa ay nakagugutom ang dami ng pagkain at prutas, kakaiba ang pagkaka-ayos ng mga pagkain na mapanganga ang sino mang makakita. Kulay puti ang mantel at walang makikitang kahit isang dumi, kulay itim naman ang mga upuan na may kakaibang pagkakadesenyo ang sandalan.
Ang pagkamangha ko sa buong silid ay biglang naglaho matapos makita ang nag-iisang nilalang na nakaupo sa dulo ng mesa. Nakangiti siyang nakatingin sa'kin habang may hawak na isang prutas na kulay dilaw.
Gusto kong panatilihin ang walang emosyon kong ekspresyon ngunit... hindi ko ata makakaya.
Walang sabi-sabi na agad akong tumakbo palapit sa kaniya dahilan upang mapatayo siya bigla at mapa-atras. Ngunit napatigil ako ng biglang lumitaw sa harap ko ang gulat na si Kalmira. Lalagpasan ko na sana siya pero muli siyang humarang.