Third Person
"Devon."
Napadilat si Devon at walang emosyong tinignan si Noah na papalapit kasunod ang kaniyang dama.
"Hindi ko inaasahan na ikaw ang makikita ko ngayong araw."
"Nandito ako dahil sa isang utos," sagot ni Noah at sandaling tinignan si Devon. Tulad nga ng sabi ng Shindae, maayos ang kalagayan ng binata. "Kailangan mong sabihin sa'kin lahat ng nangyari kay Shizuka bago maging si Sabrina. Anong ginawa niyo?"
"Sabrina," mahinang sambit ni Devon pagkatapos ay bumakas ang labis na pag-aalala sa mukha. "Ayos lang ba siya?"
Napakunot ang noo ni Noah. At bakit naman tinatanong ito ni Devon? At bakit tila alalang-alala ang binata?
Nanatiling tikom si Noah kaya naman napabuntong hininga si Devon. "Kung ayos lang ang kalagayan mo, ibig sabihin ay ayos lang din si Sabrina. Pero bakit hindi siya nagtutungo rito? Malaki ang galit niya sa'kin kaya nakapagtataka at hindi siya ang humaharap sa'kin."
Napaiwas ng tingin si Noah. "Nagpapahinga pa rin siya."
Hindi maaaring sabihin kay Devon ang totoo. Isa pa rin siyang kalaban. Matalik na kalaban.
"Ganun ba," mahinang sambit ni Devon. Matapos ang ilang segundo ay nawala ang pag-aalala sa kaniyang mukha at naging seryoso. Muli siyang sumandal sa rehas.
"Sinagot ko ang tanong mo kaya naman sagutin mo na ang tanong ko," saad ni Noah.
"Nagtanong ako?"
"Hindi ba't tinanong mo kung bakit hindi nagtutungo rito si Shizuka? Sinagot ko na nagpapahinga siya. Kaya naman, sagutin mo naman ang tanong ko." Napatigil si Noah pagkatapos ay napayuko. "Paano niyo nagawang burahin ang ala-ala ni Shizuka?"
Alam niyang walang lakas noon si Shizuka tulad ng sabi ni Jewel pero hanggang ngayon ay nagtataka pa rin.
"Tubig. Panlilinlang. Kakayahan ni Satana."
"Huh?"
"Pinainom namin siya ng tubig upang labis na manghina. Pagkatapos ay nilinlang upang uminom ng panibagong tubig upang mawalan ng kontrol sa sarili at mawalan ng malay. Sa lason na inilikha at sa kakayahan ni Satana, nabura ang ala-ala ni Shizuka."
"Nilinlang? Paano?"
"Isa lang ang tinanong ko kanina kaya isa lang din ang isasagot ko."
Napakunot ang noo niya. Tsk, kung may lakas lang siya ay paniguradong kanina niya pa nasugod ang lalaki. Wala na siyang pakialam sa utos ng reyna pero... kung hindi lang siya nanghihina ngayon... nanghihina sa kaniyang desisyon.
Napabuntong hininga si Noah. "Magtanong ka pa. Sasagutin ko."
Hindi sumagot si Devon at nanatiling nakatingin kay Noah. Nagpapalitan lamang sila ng tingin na tila ba binabasa ang isa't isa.
"Patay na ba si Satana?"
Napatigil si Noah. Sa lahat ng tanong, iyun ang di niya inaasahan. "Oo. Isang sugat ang lumitaw sa kaniyang tiyan dahilan upang labis na manghina. Ako ang tuluyang tumapos sa kaniya."
Nagtaka siya nang wala man lang bumakas na emosyon kay Devon matapos marinig na wala na ang kanilang pinuno.
"Ikaw naman," saad ni Noah.