Kabanata 55

333 11 2
                                    

Shizuka

          "Salita ang dapat na isinasagot at hindi palad, Alena."

          Kasalukuyan siyang nakasandal sa pinto habang nakatingin sa'min. Ang kasuotan niya'y maihahalintulad ko sa mga kasuotan nila Noah ngunit ang kaniya ay namumukod-tangi. Bukod sa bumabagay ang pagsasama ng puti at pula, bumagay din ito ang kakaibang kulay ng kaniyang buhok at mata.

          Ang kaniyang tindig ay tunay na naka-aakit, at ang kaniyang tingin ay tunay na nakatutunaw. Halata naman dahil sa reaksyon ni Kalmira ngayon at ang kakaiba niyang tingin kay Devon.

          Si Almiro naman ay agad na nagbigay galang, ganun din si Arlo na muntikan pang mailuwa ang kinakaing prutas.

          "Anong ginagawa mo rito?" mataray na tanong ni Alena. Ang nag-iisang hindi nagulat at walang takot na nakatingin kay Devon.

          Hindi siya pinansin ni Devon na ngayon ay sinasalubong ang tingin ko. "Alis," saad niya at nagsimulang maglakad palapit sa'kin.

          Kakaiba ang tingin niya, tila tumatagos ito sa'kin. Pakiramdam ko'y nagsisitaasan bigla ang mga balahibo ko. Sinubukan kong basahin ang kaniyang mga mata pero... wala itong emosyon.

          "Ayoko." Nalipat ang atensyon ko kay Alena na matapang na sumagot.

          "Alena," pagtawag ni Kalmira at hinawakan ang braso ng dalaga na tila pinipigilan itong sumagot at makipagtalo.

          "Hindi pa kami tapos sa pag-uusap kaya ikaw ang pwede ng umalis."

          Napatigil sa paglalakad si Devon at sa kauna-unahang pagkakataon ay tumama sa iba ang kaniyang atensyon at tingin.

          Nagulat ako nang biglang pumalibot kay Alena sila Arlo, Almiro, at Kalmira habang nakayuko at nasa gitna ng dibdib ang nakakuyom na kanang kamao. Simbolo ng paggalang.

          "Patawad ginoo, mauuna na po kami," sabay na saad ng tatlo. Agad silang humarap kay Alena at hinila ang dalaga.

          "T-teka.. bitawan mo nga ako! Ano ba?!"

          "Alena!" sigaw ni Kalmira na siyang nagpatigil kay Alena. Wala na siyang nagawa kundi ang matahimik at hayaang hilain ng tatlo palabas.

          "Hindi pa tayo tapos, Shizuka," saad ni Alena at tinapunan ako ng masamang tingin.

          "Iyan din ang sinabi mo sa'kin noon. Kailan ba matatapos, Alena?" tanong ko.

          "Kapag isa sa'tin ang nalagutan ng hininga."

          "Kung gayon, maghanda ka ng sariling libingan," sagot ko kasabay ng tuluyang pagkasara ng pinto. At sa malawak na silid... tanging kaming dalawa na lang ni Devon ang natitira.

          Napayuko na lang ako at napapikit nang mariin. Sa naging sagutan namin ng mga kalaban, bakit hanggang ngayon ay hindi ko pa rin matanggap? Totoo nga bang may kasamaan sa mga Fudoshin? Totoo nga bang hindi ko pinapansin ang kamalian ng iba? Sa ilang buwan kong paninirahan, totoo nga bang hindi ko sinubukang tignan ang lahat? Masyado ba kong nagpabulag sa kasalanan ng mga sorcerer at lamia... at hindi sinubukang tignan ang sa iba?

          Kung tutuusin, kung totoong walang kasalanan at kasamaan sa mga Fudoshin... bakit magagawang magtaksil ng iba? A-at bakit... ang kinikilala kong pinuno nila ay walang iba kundi si Satana? Na siyang myembro ng pamilyang pinuno ng mga Fudoshin? Bakit nagawang magtaksil ni Satana... dahil din ba ito sa tinutukoy nila Kalmira na kasamaan ng mga Fudoshin?

Nirvana IITahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon