Hikari
Napatitig ako sa kalangitan. Ang dilim. Mag-gagabi na ba o dahil lang sa nahaharangan ng mga kaharian sa itaas ang sikat ng araw? Sa laki ng isang kaharian, ibig sabihin ay ganoon din ang lawak ng lugar na natatakpan ang sikat ng araw. Ganoon din kalawak ang lugar na may kadiliman.
Sinabi sa'min noon ni Shizuka na rito sa kalupaan naninirahan ang mga atrocious lamia at atrocious sorcerer. Ibig sabihin ay naninirahan sila sa dilim? Kaya siguro halos lahat sila ay kakaiba na ang ugali, dahil kakaiba rin ang kanilang kapaligiran at tahanan.
Napabuntong hininga na lang ako at nagpatuloy na sa paglalakad. Halos ilang oras na kong palakad lakad sa walang katapusang gubat na ito nang mag-isa. Wala pa rin akong kain. Marami na ang punong nadaanan ko na may prutas pero hindi ko magawang pumitas kahit isa dahil hindi ako sigurado kung ligtas ba ang mga 'yun o nakamamatay.
Magaganda ang bulaklak at puno na nasa paligid ko ngayon. Malalaki ang makukulay na bulaklak tipong halos kalahati na ng tangkad ko ang laki nila. Ang mga puno naman ay malulusog at matatayog. May mga bunga rin ang iba na hindi ko nais tignan dahil natatakam ako at natutuksong pitasin. Napakaganda ng paligid, kahit na wala masyadong liwanag ay kita pa rin ang ganda.
Kamusta na kaya ang ibang Shindae? Nagugutom din kaya sila tulad ko? Nauuhaw? Kung sakaling kasama ko si Honoka ay paniguradong matutuwa rin siya sa ganda ng paligid. Nasaan kaya siya? Maganda rin kaya ang paligid niya tulad ng sa akin? Sana naman ay maganda ang paligid niya dahil kung hindi ay paniguradong inis na inis na siya, o hindi kaya'y gagamitin niya ang kapangyarihan upang mapaganda ang kagubatan. Si Prinsipe Sheun kaya? Sana naman ay hindi niya pinapaandar ang katangahan niya ngayon. Nakapagtataka nga at isa siyang prinsipe pero pang-alipin naman ang utak niya. May pagkakataon namang tumatalino siya pero lagi namang tanga.
Si Daisuke kaya, sigurado akong nagliliwaliw siya sa paligid. Kung kasing ganda ng natatanaw ko ngayon ang tanawin kung nasaan siya, paniguradong tuwang tuwa siya ngayon. Hindi man niya pinapakita, alam kong gustong gusto niya ang magagandang tanawin. Si Noah naman, sigurado akong hindi papasok sa utak niya na gamitin ang kapangyarihan. Apoy ang kaniyang nakokontrol at nasa gubat kami, hindi naman niya siguro gugustuhing sunugin ang napakalawak na kagubatan.
Si Shizuka... sa kaniya ako kinakabahan. Hindi man halata pero may kakaiba sa kaniya. Hindi niya ginamit ang kapangyarihan niya sa pakikipaglaban. Kakaiba rin ang kilos niya lalo na sa kakaibang apoy na lumabas sa kaniyang kamay. Tila hindi niya alam kung ano 'yun. Idagdag pa na nawala siya ng isang araw bago naganap ang pagsugod.
Kayang kaya ng kapangyarihan niyang talunin ang mga sorcerer na humarang sa'min sa tulay lalo na ang lalaking hindi ko kilala pero tinawag nilang 'Devon'. Makakaya niya ring pigilan ang aming pagkahulog mula sa itaas.. pero hindi niya nagawa.
Sa Shindae.. siya ang unang pumikit habang pabagsak kami. Tila ba wala siyang magagawa sa mga nangyayari. Pero nagpapasalamat pa rin ako dahil kahit na may kakaiba sa kaniya, iniligtas niya pa rin kami. Hindi man sa pagkahulog mula sa itaas, kundi sa pagbagsak naman dito sa kalupaan. Alam kong sa kaniya nagmula ang puting usok na siyang kinalalagyan ko ng magising ako.
Muli akong napatingala. Wala kaming Shindae sa itaas, at bago kami mahulog ay isang pagsugod ang naganap. Napakaraming sorcerer na mahahalatang malalakas ang naiwan naming humihinga. Ano na kayang nangyayari sa itaas? May nagaganap bang labanan? P-pero.. wala kami para iligtas ang mga Fudoshin. Wala kami para pigilan at tapusin ang labanan.
Anong gagawin ko? Hahanapin ko ba muna ang mga kaibigan ko o hahanapin ko muna ang daan pabalik sa itaas? Pwede akong maghanap ng halimaw dito na may pakpak na pwedeng maghatid sa'kin pero.. malaki ang posibilidad na kung may mga sorcerer at lamia man sa itaas.. paniguradong inaabangan nila ang pagbabalik namin. Kung sasakay man ako sa isang halimaw at lumipad paitaas, makikita nila ako at aatake, at malaki ang posibilidad na mas maging mahirap ang lahat. Gutom, uhaw, at pagod ako kaya wala akong lakas na makipaglaban. At kung sakaling ang halimaw na sinasakyan ko ang aatakehin nila, maari akong mahulog at baka hindi na makaligtas pa. Baka tuluyan na kong mawala sa Nirvana.