Kabanata 73

194 7 2
                                    

Third Person

          Napatitig si Sabrina sa mga kawal na Fudoshin na ngayon ay nakahilera habang pinapana ang mga paparating na lamia, sorcerer at halimaw. Sa likod ng mga kawal ay ang dulo ng tulay na siyang nagkokonekta sa bayan at sa palasyo. Tila hindi makakatawid doon si Sabrina hangga't hindi tinatapos ang mga kawal na Fudoshin. Sa dulo ng tulay ay tila isang dilaw na transparent shield. Kita niya pa kung paano mabilis na pumapasok doon ang mga mamamayang Fudoshin at naglalaho kapag nakakalusot.

          Napatingala siya at tinignan ang palasyo. Siguradong portal ang transparent shield at sa palasyo ang labasan.

          Muling tumingin si Sabrina sa mga kawal na Fudoshin bago nagsimulang maglakad. Hindi pa rin nawawala sa paligid niya ang kakaibang usok at may kahinaan ng pwersa. Nalipat ang atensyon sa kaniya ng ibang Fudoshin na halatang gulat sa nakita. Ang iba ay napa-atras pa.

          "Teka, kamaha---" Hindi natapos ng isang kawal ang kaniyang sasabihin nang ang katabi niyang kasama ay itinutok ang hawak na pana sa paparating na dalaga. Kababakasan man ng tapang sa mukha ang kawal ay kita niya ang panginginig ng mga kamay nito na nakahawak sa pana.

          "K-ka... kalaban!" malakas na sigaw ng kawal bago binitawan ang tali. Mabilis na nagtungo ang palaso kay Sabrina ngunit ilang metro lamang ang layo sa kaniya ay bigla na lamang ito natunaw.

          Mabilis na tinutok ng mga kawal kay Sabrina ang kanilang mga pana. Sa isang malakas na sigaw ng isa sa kanila ay sabay sabay nilang pinana ang dalaga. Habang nasa ere ay bigla na lamang pinalibutan ng kakaibang usok ang mga pana at kusang gumalaw. Umikot ang mga ito at mabilis na tumungo sa mga kawal. Napatayo ang ilan at iiwas na sana ngunit masyadong mabilis ang pangyayari. Nakita na lamang nila ang kanilang mga sarili na ngayon ay pinipigilang huminga habang nakatingin sa kanilang pana na lumulutang at nakatapat sa kanilang mga leeg.

          Hindi na lumingon si Sabrina at nagpatuloy sa paglalakad. Tuluyan na siyang nakalapit sa dilaw na transparent shield at walang pagdadalawang isip na pumasok dito. Dama niya ang biglang pag-init ng katawan na sinundan ng malakas na ihip ng hangin. Ngayon ay nasa palasyo na siya, sa harap ng palasyo.

          Nilibot niya ang kaniyang paningin at kitang kita niya kung paano nagkakagulo sa paligid. Walang sorcerer, lamia o halimaw sa paligid pero hindi mapakali ang mga kawal na Fudoshin.

          Napatingin siya sa kaniyang harapan at bumungad sa kaniya ang sunod sunod na pana sa ere na paparating. Napabuntong-hininga na lamang siya bago dumami ang usok sa kaniyang paligid. Hinayaan niyang bumagsak sa lupa ang ilang pana. Ang iba naman na patungo sa kaniya ay natunaw nang madikit sa kaniyang kakaibang usok.

          Napatingin siya sa harapan at nakita ang maraming kawal na Fudoshin na nakahilera. Isang kawal ang sumigaw at panibagong grupo ng mga pana ang patungo sa kaniya.

          Kumalat ang kakaibang usok ni Sabrina sa paligid. Ang mga paparating na pana ay bigla na lamang sumabog sa himpapawid. Mula sa lupa ay nagsilutang ang maraming malalaking bato na napalilibutan ng usok. Unti-unting napa-atras ang mga kawal na Fudoshin at wala pang ilang segundo ay tumungo sa kanila ang malalaking bato.

          "Ilag!"

          Bago pa man tuluyang tumama ang mga bato sa mga kawal ay isang dilaw na shield ang lumitaw at doon tumama ang mga bato. Mabilis na naglaho ang alikabok at usok na dulot ng pagtama ng bato sa shield. Napakunot ang noo ni Sabrina nang makita ang isang babae na ngayon ay seryosong nakatingin sa kaniya. Nagliliwanag ng dilaw ang mga kamay ng babae.

Nirvana IITahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon