Shizuka
Tagapangalaga ng liwanag?
Iisang shin lamang ang kilala kong may ganyang kakayahan.
"Maayos lang ba ang kasama mo?"
Hindi ako nakasagot at nanatiling nakatingin sa kaniya. Hindi ko alam ang magiging reaksyon ko. Hindi ko alam kung anong sasabihin ko.
Siya na ba... ang unang nilalang na makakatulong kay Noah?
Natawa siya ng mahina ng makita ang reaksyon ko. Sumipol siya nang malakas. Matapos ang ilang segundo ay mayroong isang puting usa na naglalakad palapit samin. Mayroon itong dalawang gintong sungay.... at mayroon diyamante sa gitnang bahagi ng kaniyang noo.
Nanatili ang mata ko sa kakaibang hayop. Lumapit ito at huminto sa tabi nung babae. Nanatiling tikom ang bibig ko at hindi makapaniwala sa mga nakikita ko.
"Isakay natin ang binata sa kaniya. Malapit lamang ang aking tahanan at maari kayo roong magpahinga."
Nalilito man ay sinunod ko ang sinabi niya. Sa tulong din niya ay nabuhat namin si Noah na wala pa ring malay at naisakay sa deer. Nauunang maglakad ang babae habang nakasunod naman sa kaniya ang deer at nasa likod ako.
Nakakapagtaka na mayroong babaeng tulad niya na naninirahan sa bundok na to. Ngunit mas nakakapagtaka na makita ang kakaibang usa na ito dito sa gubat ng mga halimaw. Idagdag pa ang ginto nitong sungay ay diyamante sa kaniyang noo.
Maganda ang babae. Mahaba ang buhok. Maaliwalas ang mukha. At may katangkaran siya. Kung hindi ko lang siya nakita dito sa bundok ay maari ko siyang mapagkamalang prinsesa----- teka.... hindi kaya.... hindi man siya prinsesa pero may posibilidad na isa siyang diwata?
Habang naglalakad kami ay unti unting nawawala ang liwanag sa likod habang nagkakaroon naman sa harap. Tila ang liwanag ay para sa amin lamang. Nilibot ko ang paningin ko habang naglalakad. Mula sa malayo ay kitang kita ang iba't ibang halimaw na nakatingin samin. Siguro kung hindi ko lamang kasama ang babaeng ito ay kanina pa sumugod ang mga halimaw sa akin.
Matapos ang ilang minuto naming paglalakad ng hindi nag-uusap. Unti-unting nagbabago ang itsura ng paligid. Ang kaninang naglalakihang mga puno ay unti unting lumiit hanggang sa maging normal ang laki nito. Tumigil sa paglalakad ang babae kaya naman napasilip ako sa unahan.
Mayroon tila isang malaking open space doon at sa gitna ay may isang tahanan. Gawa ito sa kahoy at bato ngunit maganda ang pagkakadesenyo. Nagliliwanag ang bahay at nagbibigay ng ilaw sa paligid. Ang liwanag marahil ang siyang pang-protekta ng bahay mula sa mga halimaw.
Napatingin ako sa babae. Siya na nga ang hinahanap namin.
Muli siyang naglakad kaya sumunod na kami ng usa sa kaniya. Binuksan niya ang pinto ng bahay at pumasok. Nagdadalawang isip pa kung papasok ako o hindi pero nagtuloy-tuloy ang usa habang nakasakay sa kaniya si Noah kaya naman pumasok na rin ako.
Normal lang ang mga gamit. Gawa sa kahoy, bato at semento. Tila mayroong invisible na ilaw dahil maliwanag dito sa loob.
Tumigil ang usa sa harap ng isang pahabang upuan. Mag-isang binaba ng babae si Noah at inihiga ito sa upuan. Inayos niya ang pagkakahiga ni Noah at kinimutan. Pumasok siya sa loob ng isang pinto at sumunod naman sa kaniya ang usa. Naiwan ako at ang walang malay na si Noah.
Naupo ako sa isa pang upuan at napapikit ng mariin.
Hindi ko na talaga maintindihan ang mga nangyayari ngayon.