Third Person
"Kamahalan!"
Inis na naitaas ni Honoka ang kaniyang kamay. Agad na nagsigilid ang mga kawal kaya naman wala nang sabi sabi na naglabas ng kakaibang liwanag sa kaniyang kamay si Honoka. Lumitaw mula rito ang mga baging na may tusok tusok. Humaba ito hanggang sa tumungo sa mga paparating na lamia. Dahil sa may kaliitan ang tulay na dinaraanan, hindi na nakaiwas ang mga lamia kaya agad na tinamaan. Pinalaho ni Honoka ang liwanag sa kaniyang kamay bago malakas na sumigaw at iginalaw ang kanang kamay na tila ba may binubuhat na malaking bagay. Mula sa dulo ng tulay ay sunod sunod na lumitaw ang malalaking tangkay na siyang tuluyang humarang sa daan.
"Daisuke!" sigaw ni Honoka.
Mula sa gitna ng mga kawal ay isang kakaibang liwanag ang tumungo paitaas. Ang kakaibang liwanag na ito ay agad lumawak at nagkalat sa paligid ng palasyo at nagmistulang shield. Dahil sa kakaibang liwanag na ito ay hindi makalusot ang mga halimaw na may kakayahang lumipad.
"Anong nangyayari?!"
Napalingon si Honoka kay Hikari na paparating. Nakasuot pa ng pantulog ang dalaga katabi ang tila kagigising lang din na si prinsipe Sheun. Palingon lingon pa ang prinsipe na halatang nagtataka sa kaguluhan sa paligid.
Hindi nakasagot si Honoka at naikuyom ang kaniyang kamao. Napa-atras si prinsipe Sheun dahil sa kakaibang galit na mababakas sa mukha ng dalaga.
"Anong nangyayari? Ahahahaha hindi ko alam! Hindi ko na alam kung anong nangyayari!" sigaw ni Honoka.
Hindi sumagot si Hikari at napahinga na lamang nang malalim. Napatitig siya sa kaibigan na ngayon ay tila kaunting pitik na lang ay sasabog na sa galit.
"Shindae," pagtawag ni Daisuke at tuluyang lumapit sa mga kaibigan.
Napa-angat siya ng tingin at hindi makapaniwala sa dami ng lumilipad na halimaw na nagpupumilit na makalusot sa shield na kaniyang ginawa. Shield na poprotekta sa buong palasyo.
"Anong gagawin natin?" tanong ni Daisuke. Napatigil siya dahil sa kakaibang ekspresyon sa mukha ni Hikari. Sobrang seryoso ng dalaga na siyang nagpakaba sa binata.
"Gagawin? Ahahahaha." Sabay na ngayong napa-atras si Daisuke at prinsipe Sheun dahil sa biglang pagtawa ni Hikari. Nawala naman ang galit sa mukha ni Honoka at hindi makapaniwalang tinignan si Hikari.
Malakas ang pagtawa ng dalaga na siyang nakakuha ng atensyon ng ilang Fudoshin. Napahawak pa siya sa kaniyang tiyan.
"Ahmmm Hikari?" pagtawag ni Daisuke.
"Nababaliw na siya," saad ni Honoka.
Napatigil sa pagtawa si Hikari. "Anong gagawin natin?" Pinunasan niya ang luha sa kaniyang mata dahil sa kakatawa. "Hindi ko alam."
Napanganga si prinsipe Sheun dahil sa narinig. "Seryoso ka?"
Napayuko si Hikari. "Kahit naman mag-isip tayo ng plano, kumilos at lumaban ng walang humpay ay wala ring mangyayari, di'ba?" saad niya pagkatapos ay ngumiti. "Dahil wala tayong laban sa kaniya."
Napaiwas ng tingin si Honoka dahil sa narinig. "Bwisit," bulong niya.
Ilang nakatataas na Fudoshin ang lumapit sa Shindae pero hindi sila pinansin ng grupo. Nakatulala lang ang grupo na siyang pinagtaka ng mga nakatataas na shin. Bukod pa rito, mababakas ang kalungkutan sa kanila. Hindi pa sila lumalaban pero nanghihina na ang kanilang itsura.