Sabrina
"Jamie," pagtawag ko at hinarap siya. "Maaari bang sabihin mo sa'kin ang lahat? Lahat ng alam mo sa buhay ng mga sorcerer, lamia at mga shin sa itaas. Lahat ng nalalaman mo sa kaganapan sa mundo."
Hindi sasabihin ng mga nilalang na malapit sa'kin dahil sa paniniwalang ito ang makakabuti. Makakabuti o hindi, wala akong pakialam. Gusto kong malaman. At mas magandang marinig ito sa nilalang na hindi ako kilala.
Hindi siya sumagot at nanatiling nakatingin sa'kin. Nagtataka sa mga sinambit ko. Sinalubong ko ang tingin niya. "Hindi na pala 'yan isang pabor, isa 'yang utos."
Nagpalitan lang kami ng tingin nang ilang segundo bago siya napabuntong hininga nang malalim. "Masusunod."
Umayos ako ng upo at sumandal sa pader.
"Jamie Berilya ang buo kong pangalan. Tatlumpung pitong taong gulang. Dating may ranggong labing-lima, ngayo'y wala na."
"Ranggo?" tanong ko.
"Ang mga sorcerer ay tulad lang din ng ibang shin. Nakasalalay sa lakas at kakayahan ang pamumuhay. Mas mataas ang ranggo, mas maginhawa. Isang daan bilang pinakamababa samantalang isa bilang pinakamataas. Bilang lamang sa kamay ang mga sorcerer na nakaaabot sa dalawampu kaya naman kung ang iyong ranggo ay umabot dito, ika'y matatawag ng isang makapangyarihan sorcerer at magiging mahalaga sa kaharian."
Dalawampu? At siya'y may ranggong labing-lima? Teka, ibig sabihin ay isa siyang malakas na sorcerer pero... "Bakit nawala ang ranggo mo?"
Napalingon ako nang makarinig ng ingay. Sumandal siya sa bakal na harang habang nakatitig sa pader na kaharap. "Labing-walong taon ang nakararaan, nagkaroon ng malawakang digmaan. Laban sa mga shin sa itaas, at mga lamia at sorcerer. Limang kaharian laban sa dalawang kaharian. Masasabing hindi ito patas ngunit ito ang nararapat. Kasakiman. Naghangad ng mas malakas na kapangyarihan ang mga pinuno ng lamia at sorcerer. Bilang mamamayan ay wala kaming mapagpipilian kundi ang sumunod at sumali sa laban. Ninais pamunuan ang mundong Nirvana, ngunit hindi nagtagumpay. Bilang kapalit sa malaking kasalanan, tinanggalan ng pangalan at posisyon sa kalangitan."
Tulad ng sinabi ni Grisha. At ang kasalanang tinutukoy niya ay... paghahangad ng kapangyarihan.
"Bilang isa sa mga sorcerer na may mataas na ranggo, kinakailangan kong lumaban pero---"
"Hindi ka lumaban," pagputol ko.
"Mas pinili kong manahimik sa gilid. Sumalungat sa nais ng karamihan."
Hindi siya sumali sa digmaan... sa kabila ng kaniyang kakayahan.
"Tinignan ako bilang taksil sa sariling kaharian. Walang pakialam sa nais ng karamihan. Walang pakialam sa sariling lahi." Huminto siya pagkatapos ay mahinang tumawa. "Kaya ito ako, nakakulong bilang kapalit ng aking pagtutol." Umalis siya sa pagkakasandal sa bakal na harang at humarap sa labas. Sa mga kapwa nakakulong. "Ang totoo niyan, lahat ng nilalang na nakikita mo sa silid na ito ay tulad ko. Malalakas na sorcerer ngunit sumalungat sa nais ng kalahi."
Nalibot ko ang paningin ko. Lahat sila? Kaya pala kakaiba ang kanilang itsura, tindig at awra. Nalipat ang tingin ko sa mga sorcerer na may kalapitan sa'min. Hindi man sila nakatingin o nakaharap, alam kong nakikinig sila.
"Isang kasalanan ang dahilan kung bakit naghihirap ang mga sorcerer at lamia ngayon. Ngunit tinitignan nilang dahilan ang kayabangan ng mga kaharian sa itaas at pagsalungat naming malalakas."