41 - Julian Del Valle

107 22 22
                                    


Ilang packs ng instant noodles at canned goods ang maayos kong inilagay sa built in cabinet na nakapwesto sa ibabaw ng lababo. Bumili na rin ako ng electric stove at ilang gamit sa kusina gaya ng plato, baso, kutsara at tinidor at maliit na kaldero. Para sa higaan ko ay isang maliit na comforter na lang ang pinagkasya ko sa natitirang pera ko.

Nakarinig ako ng mahinang katok sa pinto at nakita ko na sumilip doon si Ate Lindy.

"Oh inday, tikman mo tong ulam ko nang may matino ka namang makain dito. Nakakaawa naman kasi yang kalagayan mo, ewan ko ba sa magulang mo, aanak-anak tapos hindi naman kayang panindigan." Litanya nito sa harap ko.

Kahit paano ay may kaunti na syang alam sa buhay ko at kung paano ako nakarating sa apartment nya. Mukha lang syang laging nagsusungit pero alam kong mabait talaga sya. Bakla si Ate Lindy na ang tunay na pangalan ay Orlando, early 40's na ang edad at dating nagtatrabaho bilang bartender sa Japan. Nang matapos ang kontrata sa employer ay nagtayo na lang ng sariling negosyo. Lindy's Grill and Resto na nasa likod lang din ng apartment na pag-aari nito.

"Salamat po." Nakangiting sabi ko sa kanya nang abutin ko na ang ulam na nasa mangkok. "Ibabalik ko na lang po mamaya yung lagayan kapag nahugasan ko na."

Hindi na sumagot si Ate Lindy, nagpaypay na lang ito gamit ang paboritong pamaypay na kulay pink at pairap na umalis na. Pwede ko pa bang bawiin ang sinabi ko na mabait sya? Kasi may katarayan talaga syang taglay eh, pero mabuti syang tao.

Isinara ko na ang pinto at nagtungo sa lababo para ayusin ang pagkain ko. Hindi na ako pumayag na magpasama pa kay Remarie ngayong gabi dahil alam kong kailangan pa nyang asikasuhin ang ama nya na may sakit. Tama na yung dito sya natulog sa unang gabi ko, ayoko na rin kasing makaabala pa.

Pagkatapos kong isalin sa plato ang pagkain ko para ngayong gabi ay pasalampak na akong naupo sa sala. Napakatahimik ng cellphone ko ngayon. Napabuntong hininga na lang ako matapos kong ilibot sa maliit na apartment ang tingin ko. Wala naman akong masyadong gamit maliban sa isang maliit na cabinet na naiwan ng dating tenant. Wala akong upuan, tv o kahit radio man lang. Nakakabingi ang sobrang katahimikan ng paligid.

Noong nasa South Korea pa ako at nakatira sa dorm nila Kuya Shinwoo, wala akong matandaang oras na natahimik ang paligid ko. Kung hindi ako ang mangungulit sa kanila ay sila naman ang nanggugulo sa akin. Madalas na nakatambay sa kwarto ko si Sandeul kapag wala silang practice o commitments. Nakikipagkwentuhan, kumakain o kaya ay makikitulog. Gusto daw kasi nya ang amoy ng kwarto ko na cinnamon. Kung hindi pa sya sunduin ni Jinyoung ay hindi nito maiisipan na umalis.

Kapag nasa sala naman ako ng dorm ay si Baro at Gongchan ang kausap ko. Ginugulo namin si Baro habang nanunuod ng soccer game sa cable. O kaya ay magkasabwat kami ni Gongchan sa pang-iistorbo sa tulog ni Kuya Shinwoo.

Sumubo na ako ng pagkain ko.

Ano'ng nangyari ngayon? Bakit mag-isa ako? Nami-miss ko silang lahat. Noong magkasama pa kami sa bahay ni Ate Chelsea, kahit lagi nya akong inaaway ay okay lang sa akin, at least may kasama ako sa bahay. At least, may nakakausap ako. Kahit paano ay nararamdaman kong may pamilya pa rin ako.

Hindi ko na mapigilan ang pagluha habang nginunguya ang pagkain ko. Naiinis na pinahid ko ang luha ko pero hindi pa rin ito tumitigil sa pagtulo.

Nasaan na ba ang totoong mga magulang ko? Hindi ba nila ako mahal kaya nagawa nila akong ipamigay sa iba? Bakit nila ako pinabayaan? Bakit pa nila ako binuhay at isinilang kung itataboy lang din naman pala ako? Ano ba ang kasalanang nagawa ko sa kanila at hinayaan nila akong mag-isa ngayon?

Biglang nag-ring ang phone ko kaya napadako ang tingin ko doon. Pagkatapos kong pakalmahin ang sarili ay saka ko lang sinagot ang tawag.

"Nabanggit sa akin ni Remarie na nakalipat ka na daw. Pwede ba kitang puntahan dyan?" Kunot-noong tiningnan ko ang screen ng cellphone ko bago muling idikit iyon sa tenga ko.

We Can't Keep Meeting This WayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon