A/N: Back to the past, so back to purong Tagalog. Wala munang Taglish-Taglish. LOLz. ^^;;;
***
Chapter 20: Isang Sulyap Sa Taong 1894
***Isang linggo na ang nakalipas.
Naramdaman ni Oryang ng walang patid na pagkatigatig, at kailanma'y 'di tumuntong ang asawa niyang si Andres sa kanilang tahanan sa loob ng panahong iyon. Sa unang pag-aakala ni Oryang ay may napakamahalagang obligasyon na dapat pangasiwaan ni Andres para sa Katipunang matindi nilang pinag-iingatan.
May mga gabing umuuwi si Andres na sa kaunting oras na lang ay masulyapan na ang lingas ng araw, ngunit panatag ang loob ni Oryang na ang tanging pinagaabalahan ng kanyang asawa'y mga gawain sa lihim na kapisanan. May mga pagkakataon din na mayroon siyang mga katotong naghahatid sa kanya, tulad nina Senyor Jose Dizon at ang bayaw nilang si Teodoro Plata. Maigting ang kanilang samahan.
Gayunman, sa paglilipas ng mga araw ay may nahahagilap siyang mga bali-balita na sina Macario Sakay, Aurelio Tolentino, at Emilio Jacinto ay biglang humayo din. Sa pagkilala ni Oryang sa kanila'y mga kasamahan ni Andres sa Teatro Porvenir, ngunit sa mga pagkakataong kailangan nilang mag-ibang purok para sa kanilang tanghalan, ay pinapaalam naman siya ni Andres.
Subalit walang ipinihiwatig si Andres, ni isang salita, na tila karaniwan lamang ang turing ni Andres sa araw na 'yon noong siya'y hindi na umuwi.
Si Andres man ay may tungkulin sa Katipunan o wala, ay hindi na mapakali si Oryang. May karapatan din niyang malaman kung ano talaga ang mga pangyayari sa loob ng kapisanan, kung kaya't siya'y binansagang Lakambini ng organisasyon. Higit isang taon na silang kasal, at natuto rin ni Oryang na maging mapagtiis at magkaroon ng pag-aninaw sa kanilang kalagayan.
Nagpasiya na si Oryang na dalawin ang kanyang hipag na si Noning, ang nakababatang kapatid ni Andres. Tanghaling tapat ay binagtas ni Oryang ang marurusing daan ng Trozo. Sa kanyang kaba ay ikinubli niya ang kanyang mukha gamit ng kanyang panuelo, at upang takpan din ang kanyang sarili sa kainitan ng araw.
Hindi naglaon ay pumanhik siya sa tirahan ng mag-asawang Plata, at siya'y marahang kumatok.
"Noning!" ang tawag niya sa kanyang nangangatal na tinig. "Noning, si Oryang ito!"
Agad-agad naman nagtungo si Noning sa kinaroroonan ni Oryang. "Ate," ang bati ni Noning sa dalaga. "Ate, mukha po kayong pagod na pagod—"
"Noning, nasilayan mo ba si Andres noong mga nakaraang araw?" ang madaliang tanong ni Oryang na namimilipit ang mga daliri.
"Ano po?" ang pagtataka ni Noning na may halong takot. "Sa aking akala'y naroon lang siya sa inyo." Datapuwa't dinugtong niya ito ng, "Ate, ngunit may mga naririnig akong mga bulungan na si Kuya ay lumayag na kasama sina Karyo't iba pa?"
Namutla agad si Oryang. "Siya nga," ang bulong ng dalaga. "Ito ba'y may katotohanan? Isang linggo ring hindi sila nakakauwi sa kani-kanilang mga tahanan?"
Tahimik na inakay ni Noning ang kanyang hipag sa maliit na salas. Kapwa siyang may bahid ng pagkabahala sa kanyang marikit na mukha. "Ate Oryang," ang bulong ni Noning. "Hindi po ako nakatitiyak. Ngunit alam kong naliligalig na rin po si 'Nyora Pangoy sa pagkakawala ng kanyang anak na si Emilio."
"Paano mo ito nalaman?" siyasat ni Oryang.
"Kay Don Pepe po, ang amain ni Emilio. Siya'y naghabilin sa aking asawa. Alam ko pong nakatira si Emilio sa tahanan ni Don Pepe. Sapagka't magkapatid sina Don Pepe at 'Nyora Pangoy sila'y kapwang nababalisa na."
"Bakit wala akong muwang sa mga kaganapang 'to? Mayroon ba kayong mga nililihim sa akin?" Matinis ang tinig ni Oryang na tila naluluha na.
"Ate, ang mga balitang ito'y nakarating sa akin kagabi lang," ang pagtapat ni Noning. "Maniwala po kayong marangal ang aking pakikipagtungo sa 'yo!" Nanginig nang bahagya ang dalaga't waring nabuwal lang sa kanyang isipan ang kabigatan ng sitwasyon. "Ate Oryang, tunay na nawawala nga si Kuya! Diyos ko po, nawawala siya!"
BINABASA MO ANG
Heroes Gone Haywire! [HGH Book 1] [Completed]
Historical Fiction[[Wattpad Featured Story, "Fantasy"]] Mysterious forces send four young men into the future: sila'y sina Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, Macario Sakay, and Aurelio Tolentino. Sa taong 1894 ay mga ganap silang Katipunero, ngunit mag-iiba ba ang da...