***
Kabanata 24: Palapit na Panganib
***
"Room 305, sir," hatid-impormasyon ng isang nars sa reception area ng Makati Doctors' Hosiptal nang nagtanong si Andres.
Agad siyang nagtungo sa nasabing kuwarto. Nanlalamig pa rin ang kanyang mga kamay nang sumakay sa elevator: iba't ibang senaryo ang naglaro sa isipan niya. Eto nga'ng sinasabi ko, loob-looban niyang nagpahayag sa sarili. Nangyari nga't si Emilio ay nasa peligro. Kung sasabihin niya lamang sa akin ang kanyang mga hinanakit at daing... sikapin ko siyang maunawaan.
Nagmadaling nagpaalam si Andres sa trabaho; tuliro si Mr. Chua habang siya'y paalis ng opisina. Napahintulutan siyang mag emergency leave. Sa kanyang katarantahan ay nasabihan niya si Macario na nasa gitna ng isang delivery; indirekta niyang pinayagan ang kaibigan na iwanan muna ang trabaho para samahan siyang malaman ang kalagayan ni Emilio.
Mag-isa pa lang si Andres sa oras na iyon nang makarating siya sa Room 305. Mukhang payapa naman ang kapaligiran... isang mabuting senyas kaya ito?
Hindi man lamang siya kumatok nang binuksan ang pinto papasok sa silid.
Agad na sumalubong sa kanya ang anyo ng dalawang nagitlang kabataan—isang dayuhang binata, at isang naparikit na dalagitang bahagyang nakasandal sa higaan ng pasyente. Nanlaki ang kanilang mga mata; sandali silang nakipagtinginan sa kanya.
Daglitang sinuri ni Andres ang silid: may nakasabit na telebisyong nagpapalabas ng isang palaro, sarado ang mga blinds ng bintana na tila hindi masilawan ang kung sinumang nakaratay sa higaan. May nakasabit na dextrose sa gilid.
"G-good afternoon po," maagap na bati ng dayuhang binata. Batid ni Andres na wala itong dugong Kastila, pero sigurado may lahing Europeano.
"Ikaw," simula ni Andres, "ikaw si JR?"
"Yes po," sagot ng binata. "Nothing to worry naman po... EJ is okay."
"Okay?" ulit ni Andres na tila hindi makapaniwala. Sa ilang sandaling nakatapak siya sa loob ng silid ay hindi niya magawang bumaling sa pasyenteng nakahiga.
"Opo," muling sagot ni JR.
"Kuya Simon," tawag ng isang nanlalatang boses; noon lamang na lumingon si Andres sa direksyon nito.
Bagamat namumutla ang mukha ng binata at hapong-hapo ang ekspresyon nito—sa laking kaginhawahan ni Andres ay mukhang okay na nga si Emilio. Gising na gising ito at nagawa pa ring magpanggap na sila'y magkapatid na tunay.
Tila namang tulala ang dalagitang nakasandal sa gilid ng higaan—marahil ay nasa kalagitnaan ng isang napahintong masinsinang pag-uusap sa biglang entrada ni Andres. Nakita niyang mahigpit na nakapulupot ang kanilang mga kamay sa isa't isa—magkasintahan na nga ba ang dalawa?
Pinagtuonan niya ng pansin ang napahamak na kaibigan. "Paumanhin, Emi—EJ. Kung maari ay kausapin kita na tayu-tayo lamang." Bumaling siya sa dalagita. "Kung ipagkakaloob ninyo ang sandaling ito, Erin." Naalala pa niya ang pangalan ng dilah na iniibig ng kaibigan.
"Siempre po," payag ni Erin. Mapahayag ang mga bilugang mata nito. Nagpalit ito ng tingin kay JR; binitawan niya ang kamay ni Emilio, at bago pa man lumabas ang dalawa ay ginawaran ni Erin ng isang makahulugang tingin ang nakaratay na binata. Nasambot niya ang mga salitang nabuo sa mga labi ng dalaga: I love you.
Namayani ang katahimikan. Walang kibong tinitigan ni Andres si Emilio na unti-unting nababalisa sa ilalim ng kanyang masusing pagsusuri.
"Senyor," pagbasag ni Emilio sa katahimikan. "Kung naisin niyong maniwala sa akin—inaamin ko po na naging masyado akong pabaya." Naghabol ito ng hininga na tila nahihirapan nang kaunti sa pagsasalita. Marahil buhat ito sa hapdi ng natamong sugat?
BINABASA MO ANG
Heroes Gone Haywire! [HGH Book 1] [Completed]
Fiction Historique[[Wattpad Featured Story, "Fantasy"]] Mysterious forces send four young men into the future: sila'y sina Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, Macario Sakay, and Aurelio Tolentino. Sa taong 1894 ay mga ganap silang Katipunero, ngunit mag-iiba ba ang da...