Kabanata 4: Ang Pangamba sa Tinubuang Lupa
***
Nagtampisaw na si Macario sa shower. Lubos siyang naaliw sa makabagong plumbing system, kung kaya't nanatili siya roon kahit halos kalahating oras na ang lumipas.
Ipapagkaloob na sana ni Macario ang unang pagkataon sa banyo kay Andres, ngunit noong gumising si Macario'y tulog pa ang kaniyang tatlong kasamahan. Sumunod lang sa kaniya ng labinlimang minuto si Andres na puyat na puyat. Hindi siya nakatulog agad tulad ni Emilio; marahil ay namamahay pa, at tila mga inihawang barbecue sila'ng paikot-ikot sa katre. Sila'y nakaidlip na halos pasikat na ang araw.
High-spirited naman si Macario. Pasipol-sipol pa siya't noong namalayan na niya na gising na ang lahat at nagsiupuan na sa komedor, ay malugod itong bumati: "Buenos dias, Senyores!"
Basang-basa si Macario't hapit na hapit ang kasuotan niya sa kaniyang katawan. Siya'y animo isdang umahon sa tubig. Napansin ang isang pahikab-hikab na Emilio ang nakakadulas na sahig. "Ah," aniya. "May nakalimutan ata tayong bilhin kahapon."
"Siyanga," tugon ni Macario na nakangiti pa. "Sa ating pagtataranta ay hindi natin naiisipang bumili ng mga tuwalya't sabon."
"At ang mga sipilyo't pastang panlinis ng ngipin," "dagdag ni Aureliong mala-zombie ang pagsulong nito sa komedor.
Lumipas ang ilang mga segundong pawang sila'y nag-iisip. Sa biglang sabayang pagkamalay, humiyaw sina Macario, Aurelio, at Emilio'ng tila'y may dinanas na matinding dilema: "At wala tayo nabiling PAGKAIN!!!"
May narinig silang kaluskos, at bumaling sila sa direksyon ni Andres na nakaupo sa panguluhan ng mesa. Walang bakas ng ngiti sa kaniyang mukha, at may inangat siyang mga maliliit na pirasong papel: ang mga resibo ng kanilang ipinagbibili kahapon.
"Payo lang, mga kapatid," ang kalmadong wika ni Andres. "Ingatan sana natin ang ating mga gastusin! Isang araw lang ang nakalipas, ngunit tayo'y higit na nakasampung libong piso! Saklawin rin natin ang dalawampu't limang pisong pambayad sa upa ng apartment."
Lahat sila'y hindi makatingin ng diretso kay Andres: Si Macario'y kumurap. Lumilingon-lingon si Aurelio sa paligid na nagkukunwari'y walang alam sa kaniyang bago't marangyang sapatos. Si Emilio nama'y napangiwi.
Nag-ipon ng lakas ng loob si Emilio. "Paumanhin po, Senyor Andres, ngunit sa tingin ko po'y lahat ng ito'y mga mabubuting pamumuhunan."
"Pamumuhunan!" ang masiglang pag-uulit ni Macario. "Oo tama, iyon ay isang napakahusay na kataga! Pamumuhunan!"
"Gayunpaman," pangaral ni Andres, "tayo'y maging masinop at huwag hayaang maging malayaw."
"Maliban na lamang kung..." ang mahinang panimula ni Aurelio.
Bumaling ang tatlo kay Aurelio.
"...kung tayo'y maghanap ng trabaho?" dugtong ni Aureliong tumikhim lamang na may halong pangangamba.
"T-trabaho?" bulalas ni Macario'ng nag-aatubili. "Dito?"
Tumango lang si Andres na pabulay-bulay. "Pumasok din iyon sa aking isipan, noon ako'y nagsagap ng nga patalastas sa periyodiko kahapon. Subalit, mga kapatid, ay kasama sa mga kailanganin ang iba't ibang mga papeles na sa ngayo'y wala tayo."
"Hay," himutok ni Emilio. "Kailangan nga natin ng mga papeles na nagsasaad ng ating mga identidad!"
"Ay hala," bulong ni Aurelio. "Dala ba ninyo ang inyong mga cedula, mga katoto?"
Sila'y nagtiningan, at umiling na sabay-sabay.
"Balewala ang ating mga cedula, Senyor Aurelio," wika ni Emilio. "Tayo'y nasa taong 2014. Ibang panahon ang nakatala sa ating mga cedula. Sino'ng maniniwala sa atin...?"
BINABASA MO ANG
Heroes Gone Haywire! [HGH Book 1] [Completed]
Ficción histórica[[Wattpad Featured Story, "Fantasy"]] Mysterious forces send four young men into the future: sila'y sina Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, Macario Sakay, and Aurelio Tolentino. Sa taong 1894 ay mga ganap silang Katipunero, ngunit mag-iiba ba ang da...