Kabanata 11: Drama Teacher's Dilemma

2.1K 92 6
                                    

Kabanata 11: Drama Teacher's Dilemma

***

Nakatigil na si Aurelio sa faculty consultation room bago man mag-alas kuwatro ng hapon. Ang taguktok ng pag-aambon sa labas at ang nakaheleng huni ng air-conditioner ang nagpa-relax sa kanya habang hinihintay niya ang kanyang estudyanteng magpapaconsult.

Pinapahiran ng mabuting ginoo ang kanyang mga salamin habang tahimik na binabasa ang isa sa mga hiniram niyang drama books nang may narinig siyang katok sa pinto.

"Come in," malugod na wika ni Aurelio (natutunan na niya kung ano ang dapat itugon kung may kumatok sa faculty room). Agad niyang sunuot ang kanyang salamin.

Dahan-dahang sumulong ang estudyanteng nangangalang Michelle Rae Lorenzo, ayon sa memorya ni Aurelio. Tila nahihiya itong lumapit; nakauklo itong maglakad na parang ambigat ang dala nitong backpack. Balingkinitan ito at may kataasan kumpara sa iba nitong kaklase. Bahagyang tinakpan ng mahaba at unat nitong buhok ang mukha nito. Makikitang marikit ang dalagitang ito, kung hindi lang mahiyain.

"Good afternoon, Sir Valenzuela," bati ni Michelle. Yumuko ito muli.

Kumurap si Aurelio. Magalang ang batang ito. Mailap nga lang. Inalok niyang umupo si Michelle sa silyang kaharap niya at siya'y ngumiti.

Maslalo pang yumuko si Michelle.

"Ngayo'y nandito na tayo, nais kong malaman kung ano ang iyong ikinababahala ukol sa mga aralin natin, Ms. Lorenzo," ang malumanay na panimula ni Aurelio. Namalayan niya na ibang-iba ang mala-guro niyang boses sa tinig-aktor niya kapag siya'y gumaganap sa Teatro Porvenir. Animo'y nakakasindak ang kanyang tinig-aktor.

Maingat na hiniwa ni Michelle ang buhok, at lumantad nga ang likas nitong kagandahan: mala-chinita na mata, makinis at kulay-kremang balat, at ang mumunting labi nito. Wala itong suot na kahit anong make-up. Bigla na lang hindi mapalagay si Aureli. Kakaiba ang kanyang nararamdaman. Nagpasya ang guro na dulot ito sa paghanga sa dalagita na kusang humihingi ng tulong kahit malayo pa ang midterms.

"Sir," simula ni Michelle sa malumanay nitong boses. Agad naman inilahad ng dalagita ang pakay nito. "Gusto ko pong... gumanap sa theatre."

Hmm, isip ni Aurelio. Medyo hindi niya ito inaasahan! Mukha ba siyang theatre-recruiting agent? Kagalang-galang naman siyang tingnan na para nga isang businessman na naka-suit and tie pa. Wala namang nakasaad sa hitsura niya na isa siyang bohemian spirit na nangingidnap ng mga dalagitang nais mag-artista!

Tumikhim si Aurelio. "Bakit ako ang sadya mo, Ms. Lorenzo? Nagtuturo ako ng drama class, at hindi acting class."

Namimilipit ang mga daliri ni Michelle, tila hindi makaimik tungkol sa mga dahilan nito. Pinakiramdaman na lang ito ni Aurelio, at siya'y marahang nag-udyok sa dalagita.

"Sige na, Ms. Lorenzo, at ihatid mo na ang iyong mga saloobin."

Sa wakas ay nagsalita si Michelle. "I've seen how you move, Sir Valenzuela. It's like how actors move on stage. Nahahalata ko po from how you read the books." Ibinaba muli ni Michelle ang kanyang tingin. "Alam ko po na isa po kayong theatre actor, kahit hindi niyo pa po ipinapaalam sa class."

Mas lalong humanga si Aurelio kay Michelle dahil sa keen observation skills ng dalagita. Siempre, sa pagbabasa niya sa drama books, gusto niyang bigyan ng kulay at buhay ang mga linya't salita. Subalit ang kanyang mga kilos at kumpas? Mapipino ang mga ito, at sa kabila ng lahat, napansin pa rin ang mga kumpas na ito ni Michelle. Mukhang may itinatagong hiyas ang St. Genevieve sa katauhan ni Michelle Lorenzo. Napangiti muli ang propesor.

"Ah, oo, ako'y gumanap sa mga dula noong araw. Ngunit matagal na iyon. Hmm, that was some time ago," pagbawi ni Aurelio sa kanyang makalumang pagsasalita. Hindi na niya muling idinugtong pa ang mga katagang iyan. Mananatiling isang matinding lihim ang kanyang nakaraan. "Ngunit ano ang ipaglilingkod ko sa 'yo, Ms. Lorenzo? I think... that the solution is to enroll in an acting guild. Wala ba kayong school club na ganoon?"

Heroes Gone Haywire! [HGH Book 1] [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon