Kabanata 2: Ang Taon Ay 2014!
***
"Saglit lang, mga ginoo," pahayag ni Andres sa kanyang mga kasamahang nagmamasid-masid sa mga "matuling karwaheng walang kabayo" na may lubos na pakundangan. Alam natin na ang tawag sa mga iyon ay "kotse" at sa kasalukuyang panahon, ang mundo'y walang tulugan. Alas tres man ng umaga o alas onse ng tanghali, halos pareho lamang ang daloy ng mga aktibidad ng sangkatauhang abala sa paghahanap-buhay.
Kalmang pilit ang tinig ni Andres. "Ang aking pagtataka lamang ay bakit tayong apat ang nahagilap sa kababalaghang ito? Hindi ba't si Karyo ang tanging nagmamay-ari sa anting-anting?"
Balisang napangiwi si Karyo at nagpatuloy si Andres. "Ang anting-anting mo ba'y inilapag mo sa iyong ulunan?"
"Ah... opo eh. Oo."
Nagmatigas si Aurelio. "Ito'y pawang panaginip lamang, Senyores, at sa paggising ko sa umaga ay tila walang nangyari at ako'y ginhawang nakahimlay sa aking kama!"
"Senyor Aurelio," wika ni Emilio na nakabalot pa ang kaniyang bisig sa katawan; wala mang bahid ng takot ang binata at higit na litaw ang kaniyang pagkakataranta. "Ako po'y namamangha, at napapaginipan natin nang sabay-sabay ang hinaharap." Nagkibit siya ng balikat. "Tila ang kaganapang ito'y tunay at hindi guniguni."
"Senyor Jacinto," wika ni Aurelio, "Huwag mong sabihin ay naniniwala ka sa pahamak na anting-anting na 'yan?"
"Hoy—!" bulalas ni Macario na wari sugatan ang damdamin. Itinaas niya ang anting-anting at kuminang ito sa aninag ng mga ilaw. "Ako man ay mapamahiin, Senyor Aurelio, ngunit mapatunayan mo sana na ito nga ay isang ganap na panaginip lamang." Iniwagayway ni Karyo ang kanyang kamay sa direksyon ng mala-giyerang lansangan sa harapan nila. "Lakbayin mo nga ang magkabilang dulo ng kalye na iyon. Maghahandog ako ng mga pananalangin."
"Nahihibang ka na ba, Karyo?" bulalas naman ni Aurelio. "Hindi pa ako nawawalan ng katinuan at magsasadya akong magpakamatay!" Minasdan niya ang daan na may halong pagkamuhi. Wala sa kaalaman niya na tila walang inobserbahan na speed limit ang mga kotse sa hinaharap. Napalunok siya.
"O, ano, Senyor?" hamon ni Macario. "Ikaw na ba'y naniniwalang lahat tayo'y gising at nakatapak sa realidad?"
"Senyores," ang tawag-pansin ni Andres. Hinatak niya nang bahagya ang kaniyang kwelyo. "Nababatid niyo ba na wala na tayo sa purok ng ating mga tahanan? Napansin niyo ba na tila nagbago ang buong paligid at wala na tayo sa Tondo?"
"O sa Tondo ng ating kaalaman," bunyag ni Emilio.
Napalingon si Macario sa kanyang paligid. Napahiyaw siya. "ABA! At naglaho lamang ang aking bahay na parang bula! Nasaan na nga ba tayo? Nasa Kamaynilaan pa ba?"
Dagdag ni Emilio na nakamulat ang kaniyang mapunang mata, "Senyores, tayo po ay tunay ngang napadpad sa hinaharap... at wari tayo'y walang palagay kung paano makabalik sa nakaraan." Nagkunot lamang siya ng noo; sadyang nakakalito ang kanilang kinalalagyan. Sila'y galing sa nakaraan na sa kasalukuyang nasa hinaharap. Teka wait.
Kinurot ni Macario ang kaniyang sarili. Dinagdagan pa nito ng kaunting puwersa at siya'y umaray.
"Hay," aniya," Gising na gising nga ako." Biglang lumungkot ang kanyang tinig; tinupi ang kaniyang palad sa agimat. "Totoo nga," ulit niya. "Wala na tayo sa ating nauukol na panahon. Tayo'y naliligaw na. At ito'y naganap nang dahil sa aking pagpapabaya." Marahang umupo si Macario sa tabi ng daanan at nawalan ng sigla.
Umiling lamang si Andres. "Iyan ay isang kakaibang agimat, Karyo. Sa kaalaman ko ay ang anting-anting ang siyang pangontra sa mga masasamang elemento." Ngumiti si Andres na mistulang may nakakatawang naalala. "Ah, at tayo'y pinag-isahan ng isang pamahiin. Ang Teatro Porvenir. Ang teatro ng kinabukasan. Ano mang puwersa ang nasa likod ng kababalaghang ito ay may ganap na katalusan din!"
BINABASA MO ANG
Heroes Gone Haywire! [HGH Book 1] [Completed]
Fiction Historique[[Wattpad Featured Story, "Fantasy"]] Mysterious forces send four young men into the future: sila'y sina Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, Macario Sakay, and Aurelio Tolentino. Sa taong 1894 ay mga ganap silang Katipunero, ngunit mag-iiba ba ang da...