Kabanata 10: The Lion's Den
***
Alas-otso na ng umaga at hindi pa bumabangon si Emilio.
Kahit man sabihing ito'y araw ng Sabado ay kinaugalian na ng binata ang bumangon kahit wala pang alas-seis. Patapos na rin sina Andres, Macario, at Aurelio sa kanilang agahan. Ipinagtataka nila ang bakanteng lugar ni Emilio sa hapag-kainan.
"Maaring dinapuan siya ng sinat?" palagay ni Aurelio na may bahagyang pag-aalala.
Tinapatan ni Andres ang hinalang iyon ng sambit kasabay ng di-mabasang ekpresyon. "Siya'y nakauwi nang lampas ng alas-tres ng umaga. Hindi man niya ginambala ang aking paghimbing, ngunit gising pa ako sa mga oras na iyon na hindi niya namalayan."
"Buhat 'yan ng salu-salo niyang dinalo, walang duda!" dugtong pa ni Aurelio; idinikit nito ang mga daliri nito na tila nagmumuni-muni.
"Siya ba'y nakainom?" usisa ni Macario. May tono itong pag-aalinlangan.
Umiling si Andres. "Hindi naman siguro. Wala iyon sa asal ni Emilio."
"Ngayo'y araw ng Sabado. Walang pasukan. At isa pa'y malamang puyat lang 'yon," puna ni Macariong pinapapak ang huling piraso ng pan-de-sal. "Kung hindi pa siya gigising sa oras ng tanghalian, aba'y suriin natin kung buhay pa iyon!"
Umiling-iling si Aurelio. Sa maikling panahon ng kanyang pagtuturo sa kolehiyo ng St. Genevieve ay nakakasanayan na niya ang pag-uugali ng mga mag-aaral doon. Nakiramay ang nakasalaming ginoo sa maaring naging suliranin ng binata. Ito'y bumuntong-hininga.
"Siya'y kumustahin ko ngayon din." Nagkusang-loob si Aurelio, at nagsimula itong bumangon sa kinauupuan.
Ngunit bago man ipinatuloy ni Aurelio ang balak niya, napahinto siya sa pagdiretso sa silid-tulugan ng binata, sapagkat bumangon na rin si Emilio at nakasandal sa gilid ng pintuan ng kwartong pinaghatian nito ni Andres.
Mukha itong matamlay; walang kasigla-sigla ang tindig nito.
"Buenos dias," bati ng binata, ngunit malamlam ang boses nito na nagpapahayag na ang umaga ay lahat-lahat na maliban sa pagiging mabuti.
"Ah." Ang mala-sigok na tunog ay nanggaling kay Aurelio; karaka-raka itong bumalik sa silya at tahimik na humigop ng kape.
"Tara na't mag-almusal ka na," alok ni Macario, at iginiya ang tingin nito sa bakanteng upuan sa mesa.
Nakatalikod si Andres sa kanyang kinauupunan, at hindi man ito humarap sa binata.
"Hindi na po, Senyor Macario. Salamat na lang," tugon ng binata. "Hindi po ako nagugutom." Mistula itong isang nakauklong sako ng patatas na walang kabuhay-buhay. Patuloy ni Emilio, "Alam ko po na nag-aalala kayo sa akin. Huwag na po ninyo akong aalahanin. Magiging maayos din ako."
Kapagdaka'y walang-imik itong muling sumilid sa kwarto, at marahang sinarado ang pinto.
Nagpalit ng tingin sina Aurelio't Macario na tila hindi alam kung ano ang saktong ipupuna sa binata sa sandaling iyon. Di ganap na bago pa rin ang presensiya ni Emilio sa kanila, at kamaikailan lamang itong sumapi sa Katipunan. Mas namimihasa sila kay Andres na kasama nila sa halos gabi-gabing pag-eensayo ng Teatro Porvenir. Napuna naman nila na masigasig at matalino si Emilio; kay lakas ang kusa nitong gumawa ng makabuluhang ambag sa lihim na samahan ng mga anak ng bayan. Subalit tila nangangapa pa sila sa mga gawi't modo ng binata. Si Emilio ang pinakabata sa kanilang lahat, ang kanilang bunso. Naghahanap ba ito ng mas nakatatandang mamatnubay sa kanya?
Walang-imik na tumalis si Andres sa silya at marahang tumayo. Dagli itong nagbigay ng isang makahulugang tingin sa mga kasamahan, at tuluyang umalis sa kanyang puwesto sa hapag-kainan. Nagtungo ito sa silid niya ni Emilio at kumatok sa pinto. Isang mahinang "tuloy po," ang lumutang sa ere. Binuksan ni Andres ang pinto at pumasok sa silid.
BINABASA MO ANG
Heroes Gone Haywire! [HGH Book 1] [Completed]
Historical Fiction[[Wattpad Featured Story, "Fantasy"]] Mysterious forces send four young men into the future: sila'y sina Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, Macario Sakay, and Aurelio Tolentino. Sa taong 1894 ay mga ganap silang Katipunero, ngunit mag-iiba ba ang da...