Kabanata 9: Falling Debris
***
Sa apat na magkakaibigan, si Andres lang ang natatanging may bank account.
Nagbukas ng bank account ang kumpanya para sa kaniya, ngunit ito'y isang employer account lamang. Sa tuwing binabanggit ang kanyang di-tunay na pangalan, at sa tuwing paggamit nito sa mga legal na transaksyon ay hindi maiiwasang makonsensiya si Andres.
Tulad sa sandaling ito nang sinulyapan niya ang pangalang SIMON MIGUEL DE CASTRO sa subject sa nakuha niyang email na karugtong sa kanyang digital pay slip.
Naglaan ng panahon si Andres upang pag-aaralan ang mga necessities ng digital age na ito, tulad ng email. Pinagtiyagaan niya itong pag-aralan nang mabuti, kasabay ng mga iba't ibang computer program na kailangan sa kanyang linya ng trabaho. Kahit man sa kanyang panahon ay hindi niya palalampasin ang mga oportunidad na matuto ng mga bagong kasanayan. Noong gumagawa pa siya at ang kanyang nakababatang kapatid ng mga baston at papel na pamaypay ay sinisigurado niyang mataas na kalidad ang mga ito, kung kaya't hinahangaan siya ng mga napapasok niyang kumpanya, tulad ng Fressel and Co.
Ngunit hindi naman ata ito ang dahilan kung bakit nakatanggap siya ng labis na bonus na pandagdag pa sa kanyang malaking suweldo. Ito'y nabatid niya sa nukuha niyang email noong panghapon na coffee break.
May narinig siyang pagtatapik sa dingding ng kanyang cubicle.
Nagitla nang bahagya si Andres.
"Good afternoon, Mr. de Castro," ang malugod na bati ni Mr. Chua sa kanya.
"Good afternoon po, Mr. Chua," tugon naman ni Andres na may kapatagan ang ekpresyon.
"I gather that you have received your bonus?" usisa ng kanyang supervisor, ang singkit na mga mata nitong kumikislap na tila may inaasahan na reaksyon sa kanya. "I made sure that you got the bonus."
Nagbuntunghininga si Andres at sumandal siya sa kanyang silya. Tama lang na diretsuhin niya si Mr. Chua. Tumugon si Andres sa wikang Ingles. "That is very kind of you, sir. But I'm afraid that I would have to decline."
Mahusay na rin siyang mag-Ingles. Sanayan lang talaga sa corporate na mundo.
Nagkunot-noo si Mr. Chua na tila naguguluhan. Nang mawari nito ang mga binitawang salita ni Andres ay tuluyan nagpakita ito ng bahagyang pagkaligalig.
"One doesn't simply deny himself blessings, Mr. de Castro!" pangatwiran ni Mr. Chua, at muli nitong tinapik ang dingding ng cubicle. "You are a very hardworking man." Tumigil si Mr. Chua sa puntong ito na tila nag-iisip nang malalim at nililkom nito ang mga saloobin. "In fact, sa sampung taong paglilingkod at sa pagsu-supervise ko sa kumpanyang ito ay wala pa akong naka-encounter na emplayado as hardworking as you! You are very dedicated, Mr. de Castro! Walang nakakatakas sa iyong paningin. You are very detailed and organized..."
Ngumiti si Andres na may sinseridad; kailangan pa rin niyang ihatid ang punto niya. "Salamat po sa inyong mga puri, Mr. Chua, ngunit naniniwala po ako na ginagampanan ko lamang po ang mga nakatakdang tungkulin ng isang empleyado ng mabuting kumpanyang ito."
"But—"
"May iba pa pong mga katangi-tanging empleyado na sa tingin ko ay higit pang karapat-dapat na mabigyan ng bonus kaysa sa akin. Nagsisikap po ang karamihan at nagtatrabaho nang mabuti." Minsang tumango si Andres na hindi naglaho ang kanyang tapat at maamong ngiti.
BINABASA MO ANG
Heroes Gone Haywire! [HGH Book 1] [Completed]
Ficción histórica[[Wattpad Featured Story, "Fantasy"]] Mysterious forces send four young men into the future: sila'y sina Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, Macario Sakay, and Aurelio Tolentino. Sa taong 1894 ay mga ganap silang Katipunero, ngunit mag-iiba ba ang da...