Kabanata 3
Changed
"Ayos na ba? Bagay ba, Jai?" tanong ko habang tinitignan ang sarili sa salamin.
"Mas naging matured ka, Kym. Isang taon mong inalagaan iyong buhok mo, sayang..." sambit ni Devon habang papalapit sa akin.
"Nagmomove on ata si Ma'm..." biro ng bading na gumupit sa buhok ko.
Sabay na napatawa si Jai at Devon. Napansin ko ang pagtayo ni Lou habang pinapagpag din kanyang balikat dahil sa mga buhok. Nagpagupit din siya kagaya ko ngunit hindi naman gaano kababa tulad ng binawasan sa akin. Inayos ko ang bangs na tinatakpan na ngayon ang aking noo. Napangiti ako dahil bagay din pala ang ganitong style sa akin.
"Ikaw, Dev... Pagupit ka na, nagmomove-on ka, 'di ba?" asar ni Lou sa kanya. Nagulat ako doon kaya napalingon ako sa kanya at naabutan siyang nakangisi sa pinsan namin.
Napangiwi siya kay Lou at umiling. "Tigilan mo ako, Lou. Huwag mo akong simulan." banta niya.
Marahan siyang napahalakhak at umiling lang kay Devon. Tatlong araw na ang lumipas simula noong pumunta ako sa hotel. Kagabi lang din nagtext si Mrs. Abella para sa unang araw ng pagpasok namin. Dalawang araw pa ang hihintayin ko kaya sinusulit ko na din ang mga araw na libre ako.
"So totoo? Doon ka sa company nila magtatrabaho? Ano? Nakita mo na ba siya? Kailan ang simula mo?" rinig kong mga tanong ni Jai habang papunta kami sa kakainan namin.
"Nagrequest ako na magpatransfer sa inyo, bukas ko pa malalaman kung papayagan ako-"
"Ano ba?! Destiny na kayo oh, aayaw ka pa?"
"Ano 'yan?" singit ko nang hindi na ako makapagpigil.
"Ahh, iyong papasukan kasi ni Devon... Nandoon iyong crush niya-"
"Anong crush pinagsasabi mo?! Hindi 'no!" napabaling si Devon sa akin at umiiling-iling. "Huwag ka maniwala dito-"
"Iyong crush niya ang may-ari ng kompanya-"
"Jai!" saway na ni Devon.
And then I remember... Iyong hotel na papasukan ko. Simula noong nalaman ko na may posibilidad na may ugnayan ang pamilya ni Mara kay Marcus ay hindi ko pa iyon nasasabi sa kanila. Maski kay Denver. Ayaw ko namang basta magsabi sa kanila na walang pruweba. As long as hindi ko pa nakakausap si Marcus o 'di kaya si Mara ay ililihim ko ang nalalaman ko.
"Sinong crush ba, Jai? Ang dami kaya n'yang crush." singit ni Lou, nanunuya ang kanyang tono.
"Sino pa ba, Lou? Iyong reason kung bakit dumami bigla ang crush-crush n'yang si Devon!"
"It's not funny, can you please stop it now? Hindi ako magdadalawang isip na iwan kayo dito." seryoso ng sabi ni Devon na siyang nagpatahimik sa dalawa.
May ideya na ako kung sino iyon. Halos nakalimutan ko na din ang itsura ng sinasabi ni Jai. Huling kita ko sa lalaking iyon ay noong highschool pa lang kami. Nagkibit ng balikat si Jai at inakbayan na lang si Devon. Ibang klase din talaga ang tatlong 'to.
" Ate Kyla?"
Napalingon ako sa tumawag sa akin at nanlaki ang mata ko nang makitang papalapit si Brenna sa amin. Iyong kapatid ni Bryle. Napahinto din ang mga pinsan ko, lalo na si Jai at hinarap ang babaeng alam kong pamilyar din sa kanya.
"Uyy, kamusta na?" inunahan na ako ni Jai.
"Ayos lang, Ate Jai. Ikaw?" binalingan niya ako, "Kamusta, Ate?"
"Sino 'yan?" rinig kong bulong ni Devon sa gilid ko.
"Ayos lang kami. Ikaw? Ang Kuya mo, kamusta?" tanong ko pabalik.