30

142 15 0
                                    

"Penge pa ako, Ate." Narinig kong sabi ni Patrick habang nandito kami sa likod ng bahay at kasalukuyang kumakain ng mangga.

Inabot ko sa kanya ang manggang hinihingi niya. Ang sarap talaga ng mga bunga ng mangga na tanim nina Lolo. Tuwing umuuwi kami dito ay hindi maaring hindi kami pumunta doon sa taniman para kumuha ng mga makakain na mangga.

Nang matapos kami sa pagkain ay nagkwentuhan nalang kaming tatlo nina Patrick at Joyce. Buti nga at hindi nagbabangayan ang dalawang 'to ngayon kaya maayos kaming nakakapagkwentuhang tatlo dito.

Sa gitna ng pagku-kwentuhan namin ay bigla naming narinig ang boses ni Tita Josie na tinatawag ang pangalan naming dalawa ni Joyce. Maya maya pa ay nakita namin siyang may hawak na papel habang papalapit sa amin.

"Oh, Joyce, Pia.. Pwede bang makisuyo sa inyong dalawa sandali?" Sabi ni Tita.

Tumango naman ako at ganun din si Joyce.

"Naku, salamat! Marami pa kasi akong gagawin kaya kayo nalang muna ang bumili nitong mga kakailangan ko mamaya para sa pagluluto ng ulam natin mamayang gabi." Sabi ni Tita habang inaabot ang listahan ng mga kailangan naming bilhin.

Kinuha ko naman 'yon at agad binasa. Hindi naman masyadong marami ang mga ito kaya sa tingin ko ay makakabalik din naman kami agad ni Joyce pagkatapos.

"Nakalista na dyan lahat ng mga kailangan niyong bilhin." Dagdag niya at inabot naman ang isang libo.

"Ito lang ba, Tita?" Naninigurado kong tanong.

"Oo, Pia. Salamat. Mag ingat kayo." Bilin niya at pumasok na ulit sa bahay.

Pagkapasok ni Tita sa loob ay nagpasya na kami ni Joyce na pumunta na sa pamilihan para makabalik din kami kaagad.

"Ate, sama ako." Narinig kong tawag ni Patrick nang papaalis na kami. Tiningnan ko siya at tinanguan upang malaman niya na sumasang ayon ako. Nakuha naman niya agad ang gusto kong sabihin at nagsimula na kaming maglakad ng sabay sabay.

**********

Nakarating naman kami agad sa pamilihan. Parang palengke siya pero mas maliit ito. Pero kahit na hindi 'to kasing lawak ng palengke, sigurado namang kumpleto naman ang mga paninda dito.

Tiningnan ko ang listahan na ibinigay ni Tita sa amin kanina para basahin kung anu ano ang mga kailangan namin bilhin.

Binalingan ko ang dalawang kasama ko na ngayon ay nag aasaran na naman, parang mga bata talaga.

"Uy, kayong dalawa. Tumigil na kayo, okay? Wala kayo sa bahay. May mga ibang taong nakakakita sa inyo." Suway ko sa kanilang dalawa.

"Siya kasi, Ate eh!" Naiinis na sabi ni Patrick.

"Ako na naman?! Ikaw talaga! Ikaw kaya dyan ang may kasalanan." Ganti naman nitong si Joyce na kitang kita ang pagkaasar sa mukha niya.

Napailing nalang ako. Kahit kailan talaga.

"Ano ba kasing nangyari? Nagtuturuan pa kayo dyan." Mahinahong sabi ko.

"Wala." Sabay na sagot nila. Napasimangot naman ako. Urgh. Ano ba 'tong mga kasama ko?

"Alam niyo, para kayong sira. Nag aaway kayo dyan, kapag naman tinanong kung anong nangyari, ayaw naman sabihin." Sabi ko sabay ikot ng mga mata.

"Tara na nga. Mamili na tayo para makauwi na tayo pagkatapos." Yaya ko sa kanila. Naglakad na ako patungo sa nagtitinda ng mga gulay at naramdaman ko naman agad ang pagsunod nila sa likod ko.

Pagkatapos ng ilang minuto ay nabili na namin lahat kaya nagpasya na kaming umuwi. Ayan, ang dalawang kasama ko naman ngayon ay sobrang tahimik. Hindi sila nagsasalita, hindi nagkikibuan hanggang makarating kami sa bahay.

Hindi ko alam kung anong nangyari dun sa dalawa. Pagkarating namin sa bahay, dumiretso si Patrick sa likod ng bahay habang si Joyce naman ay pumunta agad sa kwarto. Hinayaan ko na nga lang sila at ako naman ay pinuntahan na si Tita Joyce sa kusina para ibigay ang mga pinamili namin at mga sobrang pera na ibinigay niya.

Para Sa AkinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon