Chapter Fifteen

499 19 6
                                    

Ano bang pumasok sa isip ng mga yon!? Inis na bumalik sa candy shop si Stephen para i-check ang kalagayan ni Paige. Hindi maiwasang mag-alala siya sa nangyari. Sigurado siyang may kinalaman ito sa trabaho niya. Pero bakit pati ang mga taong wala namang kinalaman sa kasong hinahawakan nya ay idadamay ng mga ito? Nasisiraan na ba sila? Hindi na ba nila alam kung sinong mga kabaro nila?  Tigim-baang niyang tinahak ang daan pabalik, nagmamadali. Bagaman hindi siya sigurado kung may kinalaman ang superintendent niya o yong mga tao sa Bureau na may lihim na galit lamang sa kanya ang nasa likod ng nangyari. Either way, hindi nya iyon mapapalampas.

Wala na ang mga nakakalat na basag na bubog ng bintana sa labas ng shop nang datnan niya . Mukhang nalinis na agad ang mga ito. Pumasok si Stephen sa nakabukas na pinto ng tindahan. Abalang-abala ang isang matandang lalaki habang inaayos ng pagkakapatas ang mga tindang candy na nakalagay sa maliliit na garapon. Makikita pa rin sa sahig ang mga nakakalat na basag na bahagi ng glass cases pati ang maraming piraso ng chewing gums. Para siyang nakakita ng bahaghari sa lupa sa dami ng mga iyon. Halos natapon lahat. Daig pa ang nagkalindol sa ayos ng mga paninda sa loob nito. Imbis na makatulong ang mga yon, nakaperwisyo lamang ng inosenteng sibilyan. Hindi na talaga niya nagugustuhan ang mga nangyayari. Even his own flock of sheep seemed to be against him.

Isang pamilyar na mukha ang lumitaw sa isip niya. Mabilis na nilapitan ni Stephen ang matanda. “Ano po ang nangyari dito?” Inosente niyang tanong na parang napadaan at nakiusyoso lamang sa nangyari.

Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan nito bago nagsalita. Kitang-kita rito ang panghihinayang. “Hindi ko rin alam ang eksaktong nangyari. Pagdating ko ganito na lamang ang nadatnan ko,” sagot nito na patuloy sa ginawang pag-aayos. “Ang sabi ng mga nakakita, bigla nalang daw pumasok ang isang lalaki at pinagbabasag na ang mga bintana ko.”

Hindi na niya ito ikinagulat dahil nasaksihan rin niya ang mga nangyari. Ipinakita nito sa kanya ang isang plastic ng candy. “Expired na raw ang tinitinda namin,” sabi pa nito saka umiling-iling, balik sa trabaho. Mukhang nadedepress pa rin ito at hindi makapaniwala.

Pasimple namang inilagay ni Stephen ang nasabing candy sa bulsa ng suot na coat saka nagtanong, “Wala po bang tao dito ng nangyari yon?”

Mukhang hindi naman napansin nito ang pagkawala ng pinakitang expired na candy kanya. Patuloy pa rin sa ginagawa habang nagkukwento. “May naiwan dito. Yong nagpapart-time na saleslady ko.” Bahagya itong natigilan. “Kilala mo ba siya?”

Agad naman siyang nakapag-isip ng alibi. Bagay na kung saan bihasa na siya. “Minsan ko na po syang nakita. Noong sinamahan ko ang kapatid ko na bumili dito nang nakaraang araw,” sabi pa niya dito at mukha namang naniwala. “Nasaan na po ba siya?”

“Pinauwi ko na,” maikli nitong tugon.

Sa tono palang ng pananalita nito mukhang si Paige ang sinisisi nito sa nangyari. Wala naman siya sa lugar para magkomento. Base sa nakikita niya, napasama lamang ang kalagayan ni Paige. Ano nga bang rason para gawin ng isang agent ng Intel ang ganoong bagay? Galit nga ba sa kanya ang motibo? Sa pagkakaalam niya, si Victoria lamang ang nakakaalam ng pagtira ni Paige sa unit niya. Bakit naman gagawin iyon ng superintendent niya? Minabuti nang magpaalam ni Stephen sa matandang lalaki. Sapat na ang mga nalaman niya.

Bumalik siya sa Hotel ngunit hindi sa unit niya ang diretso ni Stephen kundi sa parking area kung saan naka-park ang sasakyan niya. May kung anong nag-udyok sa kanya upang tawagan si Paige habang binubuhay ang makina ng sasakyan. Matagal bagi nito sinagot ang tawag niya.

Dating A GeekTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon