[08]

1.2K 41 8
                                    




"Kurt, kanina pa nagri-ring 'yang cellphone mo. Sagutin mo nga!"


Bumuga ako ng hangin bago labag sa loob na tumayo para kuhanin ang cellphone ko. Ngayon na nga lang ulit ako nakapaglaro ng dota sa pc ko tapos may abala pa na tatawag. Hindi nakarehistro ang number sa cellphone. Iignorahin ko na sana pero mukhang balak patunayan ng caller na mayaman siya sa load. Ayaw tumigil, eh.


"Hello," sagot ko.


"Inaanak! Ang tagal mo namang sumagot ng tawag."


Hindi ko na kailangang mag-isip ng matagal kung sino ba itong kausap ko. Base sa boses, tono, at mga salita niya, paniguradong ang favorite kong ninong 'to. Syempre, siya lang naman ninong ko.


"Zup, ninong!"


"Wow! Angas naman! Namiss mo ba ako, inaanak?" Natawa ako sa tanong niya. Pa-cool talaga 'tong si ninong. Parang alam ko na agad kung saan ako nagmana ng kaangasan.


"Hindi, eh."


"Owshi! Sayang 'yung isang box ng Reese's," tunog nanunukso pa siya. Pero tunog totoo rin 'yung box ng Reese's. Ayokong pakawalan 'yun.


"Miss na miss lang, ninong! Sa sobrang pagkamiss ko sa 'yo, 'yung picture mo nga nakadisplay sa may taas ng drawer ko tapos araw-araw pa akong nagsisindi ng kandila."


Narinig ko ang malakas na pagtawa niya. "Baliw! Pinatay mo agad ako!"


Umiling naman ako. "Bakit po kayo tumawag?"


"Edi para kumustahin ka. . . 'tsaka imbitahan do'n sa welcome home party na inihanda ng Ate Marl mo."


Tumango ako. "Ah, 'yun pong sinabi ni mama?" Nabanggit niya nga 'yun. Paniguradong mga mayayaman niyang amiga ang nando'n. Pangmalakasan din naman kasi 'tong si ninong. Dito masarap umutang eh.


"Sige, inaanak. Kita-kits!"


Pagkababa ng tawag, nakaabang na agad si mama sa akin. Parang inaabangan niya kung ano 'yung pinag-usapan namin ni ninong. Tinaasan ko siya ng kilay. Tumango naman siya sa akin na parang sinisignalan ako na sabihin sa kanya ang latest na chismis.


"Grabe, ma. Marites ka ba?"


Hinampas niya ako kaya tinawanan ko lang siya. "Anong marites ka d'yan! Anong sabi ng ninong mo? May padalang sabon?"


Napakamot naman ako sa ulo. Syempre, fanatic talaga ng mga pasalubong si mama. Pakiramdam ko nga kapag binilhan ko siya ng isang bag na chocolates 'tsaka sabon hindi niya tatanggapin kasi hindi galing sa abroad.


"Nag-imbita lang po sa party nila."


Tumango siya na parang nanghinayang pa. "O, dapat mag-ayos ka do'n. Dapat gwapong-gwapo ka, ha. Gusto ko may mabingwit ka do'n na girlfriend." Nagngising aso pa siya kaya naman napabusangot ang mukha ko. Binubuyo ba ako ni mama? Akala ko ayaw niya akong magkagirlfriend? 'Tsaka parang may iba na akong gusto. . . ano nga lang- hindi lang ako gusto.


Wala nang naging continuation ang pagdodota ko. Sa halip na bumalik sa pc ko, pumasok na lang ako kwarto para kuhanin ang cellphone ko. Chineck ko 'yung notification ko sa Facebook, baka may milagro na magpop-up. 'Yung tipong ikasasaya ng puso ko.


Nanood na lang ako ng mga funny videos sa FB. Dito na lang ata nauubos ang oras ko. Nilibang ko na lang ang sarili ko dahil may babaeng nakapixie cut na mataray pa rin online. Ayaw niya talagang i-accept ang friend request ko. Walanjo. Ano bang masama sa friend request? Wala namang harm doon.


Pumunta tuloy ako sa wall niya at nag-i-stalk, baka biglang may post siya. Pero gano'n pa rin. . . wala pa ring laman ang timeline niya pwera na lang sa picture ng alaga niyang pusa- na gusto kong maka-vibes para maging close sa kanya.


Pagtingin ko sa status ng friend request ko, nagulat ako nang mapansin na biglang nawala 'yun. Napaawang ang labi ko. Napailing din dahil hindi makapaniwala. Natawa ako nang makitang dinecline niya ang request ko. Angas niya talaga. Walang lugar na pinipili sa pagsusuplada.


Natulog tuloy akong bugnutin. Parang request lang hindi pa ma-accept. Damot.


"O, anyare dyan sa mukha mo?"


Hindi ko pinansin ang walang kwentang tanong ni Albie. Wala ako sa mood kumausap ng iba. Pangit ang umaga ko dahil nadala ko 'yung sama ng loob ko pagkagising. Ang aga pati kaya ayokong sayangin ang laway ko.


Umiling lang ako tapos dumiretso na sa upuan ko. "Angas ni lods. Panget ng gising mo?" usisa pa niya. Wala nga ako sa mood kumausap pero mukhang pinaglihi sa pwet ng manok 'tong kaibigan ko.


"Panget mo," walang ganang sagot ko.


"Oo, pangit ako! Perfectly made, Ang gwapo, Natural kapogian, Gwapo talaga, Exotic na kagwapuhan, Tangina ang pogi ko! In short, PANGIT!"


Napailing ako sa sinabi niya. Saan niya kaya hinuhugot 'yung mga lumalabas sa bibig niya?


"Tangina," naiiling na mura ko. Malala na 'to.


Wala pa 'yung professor namin sa unang subject kaya naman sobrang ingay ng room. Hindi nakalampas sa akin ang pabalik-balik ng tingin ng ibang kaklase ko. Napakunot naman ang noo ko sa pagtataka. Medyo naconscious ako sa mga tingin nila.


Binalingan ko ng tingin si Albie. "Anong meron?" May nagparamdam na konting kaba sa dibdib ko. Walanjo. Kahit na wala naman ako masyadong pakialam sa paligid, malay ko pa rin kung ako na ba pulutan ngayon sa chismis.


"Di ko ala-"


"Kurt, tingnan mo 'yung sa twitter," sapaw pa ni Alrick.


"Wala akong twitter."


Lumapit naman siya sa akin at nagmamadaling ipinakita ang cellphone niya. Nakabukas na ang app na twitter. Bumungad sa amin ang isang tweet ng schoolmate namin. Hindi pamilyar ang username pero pamilyar naman ang mukha sa profile picture. Nang masiguro ko kung sino siya, parang alam ko na agad kung bakit ako pinagtitinginan ng mga kaklase ko.


"Parang shiniship ata kayo ni Yenna." Malakas ang pagkakasabi ni Alrick no'n. Alam kong gano'n nga base sa sinabi ni Tricia sa twitter- na nakita niya raw kami ni Yenna na magkasama tapos hawak ko pa ang bag niya. Gano'n ba si Yenna ka-distant sa iba para mamangha sila na malapit kaming dalawa? Natahimik tuloy ang iba kong kaklase. Lahat sila nakabaling tingin sa pwesto namin. Gusto kong katusan si gago dahil bakit hindi niya man lang hininaan 'yung boses niya. Parang tanga.


Tumawa ng malakas si Albie. "Ows? Tingin nga!" Nagkagulo 'yung dalawa habang nanatili akong nakatulala. Nanukso na naman si Albie na sinamahan ni Alrick kaya naman nahawa ang iba kong kaklase.


"Grabe, Kurt! Si Yenna pala mga tipo mo, ah!"


Napapikit ako sa hiya. Hindi ko sila masaway kasi bakit ko naman gagawin 'yun? Eh parang gusto ko rin naman. Lol. Ayoko lang na nasa akin ang atensyon nila.


"Angas mo lods!" Siniko pa ako ni Albie kaya naman sinamaan ko siya ng tingin.


Nagvibrate ang cellphone ko kaya naman agad kong kinuha. Nanlaki ang mata ko nang makita kung sino ang sender ng bagong chat message.


Yennefer Austria:

Kasalanan mo to!!


Sa halip na kabahan, parang mas na-excite pa ata ako. Siya ang unang nagmessage!

The Girl He Bumped IntoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon