Chapter 35

44.1K 936 45
                                    

Antonia's POV

Napatitig ako sa dalawang taong nasa loob ng restaurant. Hindi tinted ang loob ng restaurant kaya kitang-kita ko kung gaano kasuyo si Dr. Achilles kay Tracy. Ingat na ingat siya sa babae na para bang babasaging kristal samantalang mukha namang kabaliktaran.

Ang babae naman ay parang tuod at masyadong seryoso. Dapat inaasikaso niya ang mangagamot sa pagkain ngunit sarili lang niya ang inaalala niya. Ngumingiti siya nang tipid at masyadong pormal sa harapan ni Dr. Achilles. Kung ganoon kaguwapong lalaki ang kaharap ko ay tiyak patatawanin ko siya ng patatawanin hanggang sa sumakit tiyan niya. Ang boring talaga ng Tracy na 'to. Hindi siya bagay sa amo ko.

At ikaw ang bagay, ganoon? singit ng kontrabida sa isipan ko.

Nanulis ang nguso ko. Bagay naman kami ng amo ko kung hindi lang siya ubod ng yaman. Maganda naman ako kahit papaano, sexy pa. Ang Tracy na 'yon masyadong straight ang katawan, parang kawayan. Kung tutuusin naman talaga ay yaman lang naman ang nilamang sa akin ng babaeng 'yan!


"Umiinit ulo ko sa babaeng 'to talaga! Naku... kapag may ginawa ka talagang masama sa amo kong babaita ka, humanda ka sa akin! Makikita mo talaga!"  kausap ko sa sarili.

Saka ko naman napansin ang dalawang lalaking nakasakay ng motor na bigla na lamang humimpil sa harapan ng sasakyan ng mangagamot. Naningkit ang mga mata ko nang mamukhaan sila. Sila 'yong nagtangkang pumatay kay Dr. Achilles dati!

Inobserbahan ko ang mga kilos nila. Bumaba sila ng motor at pasimpleng sumusulyap sa manggagamot sa loob ng restaurant. Naging mapagmasid ang dalawa habang gumagalaw. Panay lingon at tingin ng mga ito sa paligid. Galawang kadudaduda.

Kumunot ang noo ko nang makitang may hinugot na mga tools ang isang lalaki mula sa loob ng motor. Ang isa naman ay pasimpleng lumapit sa harapan ng sasakyan at pilit kinakalikot ang lock ng hood. Doon na ako napalabas ng sasakyan.

Mga tarantadong 'to, tatanggalan nila ng break ang sasakyan para maaksidente si Dr. Achilles mamaya!

Mabilis akong napatakbo sa kotse ni Dr. Achilles at agad na hinawakan ang balikat ng lalaking kumakalikot sa hood. Gulantang na napalingon siya sa akin. Pati ang kasama niya ay nabitawan ang mga tools na hawak at nanlaki ang mga mata nang makita ako.

"Mga Brad, anong ginagawa n'yo?" tanong ko sa mga lalaki, particularly sa lalaking hawak ko.

Lumikot ang mga mata niya, halatang nag-apuhap ng sasabihin.
"K-kuwan...t-titingnan lang namin ang makina ng sasakyan..."

Nagsalubong ang mga kilay ko.
"Kotse mo ba 'yan?"

"H-ha? O-oo! Oo, akin 'to!"

"O talaga? Buksan mo nga," panunubok ko sa kanya.

Nagtinginan ang dalawa. Ang isang lalaki ay biglang tumigas ang anyo.

"Sino ka ba? Bakit ka nakikialam?" maangas niyang tanong.

Kinuha ko ang pitaka ko sa bulsa at binuksan 'yon sa harapan ng dalawa. Nanlaki ang mga mata nila.

"P-parak!" bulalas ng lalaking hawak ko.

Mabilis siyang pumiksi sa pagkakahawak ko saka ako itinulak nang malakas. Sa gulat ay nawalan ako ng balanse at natumba sa lupa. Ang dalawa naman ay mabilis na sumakay sa motor at pumaharurot. Nagtangka akong habulin ang motor ngunit pinaulanan ako ng bala ng lalaking nakaangkas. Mabuti na lang at mabilis akong nakailag sa mga bala.

Heart Arrest (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon