Chapter 51

59.1K 1.2K 270
                                    

Antonia's POV

Maaga akong nagising kahit medyo hindi maganda ang pakiramdam ko. Feeling ko nga ay hindi ako nakatulog sa dami ng gumugulo sa isipan ko kagabi. Gusto kong tawagan si Warren para humingi ng pasensiya sa ginawa ni Dr. Achilles. At itong si Dr. Achilles ay gusto ko ng ipabarang sa kapitbahay namin nang matigil na sa kakulitan at kaangasan!

Bumangon na ako't umihi sa arinola ko. Nagdala ako ng arinola dahil binabalisawsaw ako tuwing gabi. Medyo masakit pa kapag umiihi ako. Ang sabi ni Junior ay baka nagka-UTI daw ako dahil ilang linggo daw akong naka-catheter.

Nang matapos umihi ay binitbit ko na ang arinola palabas ng kuwarto ko. Muntik ko nang mabitiwan ang arinola sa gulat nang makita ang lalaking natutulog sa mahabang sofa sa sala. Si Dr. Achilles! Suot niya pa rin ang damit niya kagabi kaya malamang ay hindi siya umuwi at doon natulog sa sofa namin!

Agad namang lumapit si Poppsy sa akin nang makita ako.

"Anong pumasok sa utak ng lalaking 'yan at natulog dito sa bahay natin?" agad na tanong ko kay Poppsy.

"Hindi ko nga alam, Anak. Kagabi pa siya diyan at hinihintay kang lumabas. Hindi daw siya aalis hanggang hindi ka nakakausap nang matino. Nag-offer na nga si Junior ng kuwarto niya para doon matulog ang binatang 'yan ngunit nagmatigas siya't hihintayin ka na lang daw niya sa sala. Kaya 'yan, diyan na nakatulog."

Hindi ako makapaniwala sa narinig.
"Bakit n'yo hinayaang matulog 'yan na walang kumot at kulambo? Baka magdamag 'yang nilamok! Ma-dengue pa 'yan dahil sa atin."

"Eh, malay ba naming matutulog 'yan d'yan. Ang akala namin ay hindi mo matitiis at kakausapin mo rin. Pero matigas pa pala sa akin ang loob mo, Anak, dahil natiis mo."

Doon biglang bumukas ang pinto sa labas ng bahay at pumasok si Pippa.
"Te, nandiyan sina Raj at 'yong isang manliligaw mong mayaman sa labas. Nang malaman nilang nandito ka na ay gusto ka raw dalawin."

Napangiwi ako.
"Anong ginagawa ni Raj dito? Maniningil na ba siya ng mga utang ko?"

"Mukhang hindi naman siguro, may bitbit na bulaklak, eh. Wala namang maniningil na nagdadala ng bulaklak, diba?"

Napakamot na ako sa ulo. Bad timing naman at nandito pa si Dr. Achilles. Paano ko patutuluyin ang mga bisita ko kung nadoon siya't nakahilata? Tsaka nakakahiya kung maririnig niyang sinisingil ako ng utang ni Raj.
Nagpasiya akong gisingin siya. Nilapitan ko si Dr. Achilles at tinapik sa balikat.

"Hoy! Achilles, gumising ka! Gising, hoy!"

Agad naman siyang nagmulat ng mga mata. Saglit muna niyang tinitigan ang mukha ko bago nagtatakang iginala ang paningin sa paligid.

"Am I still alive?" kapagkuway tanong niya.

Kumunot ang noo ko sa tanong niya.
"Malamang! Ano ba sa tingin mo?"

"'Cause in front of me is the most beautiful angel I have ever seen in my entire existence."

Nag-init ang pisngi ko sa sinabi niya. Pinigilan ko ang kilig at tinampal siya uli sa balikat.

"Umagang-umaga pinapainit mo ulo ko. Makakakita ka talaga ng anghel kapag ibinuhos ko sa 'yo 'tong laman ng arinola ko!"

Biglang sumilay ang ngiti sa mga labi niya. Ngiting nakakakilig man, nakakainis rin. Napatingin siya sa arinola ko.

"I'm glad you have a decent amount of urine output. I wouldn't be worrying about your fluid overload anymore."

Ano raw? Pati ihi ko, big deal sa kanya?

Heart Arrest (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon