Chapter 9

46.4K 1K 53
                                    

Antonia's POV

"Ate Toni, huwag po kayong masyadong malikot. Hindi ko mailagay nang maayos ang make-up n'yo."

Napilitan akong manatiling nakaupo nang tuwid kahit kanina pa ako kinakati sa make-up na nilalagay sa akin ni Pippa. Mabuti na lang at walang gala si Pippa kaya siya ang pinilit kong mag-ayos sa akin. Wala kasi akong ibang kakilalang marunong mag-make up para sa kasal ni Den-den. Kung pupunta pa ako sa parlor, gagastos pa ako nang malaki.

Ngayon idadaos ang kasal ni Den-den. Dala nang bigat ng loob na hatid sa akin ng lintek na summon, nawalan ako kanina ng excitement na umattend ng kasal. Nagmukmok ako buong araw sa kwarto at dinibdib ang nangyari sa akin. Kaso ang makulit na si Poppsy, binulabog ang pag-e-emote ko sa kwarto at pilit na pinalalabas ng bahay para umattend ng kasal.

Nakakahiya daw kay Den-den, inimbitahan ako nang maayos tapos bigla kong i-indianin sa kasal. Ako pa naman ang Maid of Honor. Nakonsensya naman agad ako at nagmadaling magpaayos. Alam ko kasing hindi na ako aabot sa kasal kapag doon pa ako magpapaayos sa mismong make-up artist na binayaran ni Den-den para sa mga aattend ng kasal niya.

Kaya ito, pinagtiisan ko si Pippa at ang mumurahin niyang make-up. Pati ang pagkulot niya sa buhok ko gamit ang mumurahing plantsa ay pinagtiisan ko na rin. Ayos na rin 'yon kaysa wala. Medyo maselan nga lang ang balat ko sa mumurahing make-up pero keri na 'yon. Choosy pa ba ako?


"Ay, tingnan mo nga naman o! Ang ganda-ganda naman ng Ate ko!" eksaheradong komento ni Junior na biglang sumulpot sa pintuan. Walang pasok sa trabaho kaya tumambay sa labas ang kumag.

"Siyempre, mana sa akin!" sabat naman ni Poppsy sa likuran ko.

"Saan ang ganap, Te? Ang layo pa ng October, naka halloween na ang porma natin a!" nakakalokong dagdag ni Junior.

Napabusangot ako. "Tigil-tigilan mo ako, Junior, at baka tamaan ka sa akin. Mainit ang ulo ko. Umalis ka sa harapan ko!" bulyaw ko sa kanya.

Natawa pa siya nang malakas.
"Paano 'di iinit ang ulo mo, eh pinaplantsa ang buhok mo!"

"Itikom mo na lang kasi bibig mo para hindi lalong uminit ang ulo ko!"

Tumahimik nga siya ngunit nakangisi naman. Inirapan ko siya at ibinalik ang atensyon kay Pippa. Napangiwi ako nang simulan na niyang kulutin ang buhok ko. Napaso ang anit ko sa curler niya.

"Aray naman, Pippa! Anit ko 'yan, hindi barbeque. Huwag mong sunugin!" inis na saway ko sa kanya.

"Kasi naman ang likot n'yo, eh! Huwag kayong magalaw para hindi matamaan ang anit n'yo," pagalit niya pang sagot sa akin.

Kung hindi ko lang talaga kailangan ang batang 'to sa ganitong oras ay baka nakurot ko na siya sa singit. Pero siyempre, hindi na ako muling umatungal pa. Ang sabi nga, tiis ganda!
Humigit kumulang tatlumpong minuto ay natapos na rin ni Pippa ang pagpapaganda sa akin. Tiningnan ko ang sarili sa salamin at namangha sa aking nakita.

Ako ba 'to?


"Wow, anak! Ikaw ba 'yan o si Pia Horseback?" eksaheradong puri sa akin ni Poppsy.


"Wurtzbach, Pops, hindi Horseback," pagtatama ko kahit nag-init ang mukha ko sa papuri ng tatay ko.

"Taray, ang ganda ng ateng ko o! Akala ko ako lang ang may hitsura sa pamilyang 'to!" komento naman ni Pippa na nagpataas ng kilay ko. Feelingera talaga ang bruha, ang sarap sabunutan.

"Oo, nga. Nagmukha kang babae, te!" singit naman ni Junior.

Inis na inumang ko ang kamao kay Junior. Isa rin siyang panira ng moment. Napatingin uli ako sa salamin. Alam kong maganda ako pero hindi ko lubos akalain na mas gaganda pa ako nang ganito. Muntik ko nang hindi makilala ang sarili ko. May talent din pala 'tong si Pippa, akala ko puro pabebe lang alam.

Heart Arrest (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon