KABANATA 11 - Broken promise?

2.1K 83 10
                                    

KABANATA 11

 

Broken promise?

 

---Annica Yuri Lee's Point of View---

"Annica!" Mabilis niyang hinablot sa kamay ko ang hawak kong papeles at isa-isang pinulot ang mga papel na nalaglag ko sa sahig. Hindi pa rin ako makagalaw mula sa kinatatayuan ko.

"Bakit mo naman pinakialaman 'to? Confidential files to ng company, lagot ako nito kay Sir." Nararamdaman ko ang unti-unting paninikip ng dibdib ko.

"Nagkita na ba sila ni Aliyah?" sandali siyang napatigil. Nagmadali siyang makatayo at bara-barang ipinasok lahat sa folder yung mga papeles.

 

"A-Aliyah? Sino naman yun?" Hindi siya makatingin sa mga mata ko. Nagdilim ang pangingin ko kaya marahas kong hinila ang braso niya.

"Lulu, please." Alam kong may tinatago siya sa akin dahil hindi niya magawang makatingin sakin. Pinipigilan kong mag-isip ng ibang bagay hangga't hindi ko pa naririnig ang totoo.

"Kayong dalawa nalang ang mag-usap." Nilahad niya sa harapan ko ang folder na hawak niya. Nanginginig kong kinuha iyon mula sa kanya.

"Hindi ko kilala si Aliyah pero sa kinikilos mo parang hindi lang basta-basta ang taong iyon." Tinapik niya ako sa balikat at naglakad na paalis.

Sinubukan kong tawagan si Kiefer pero hindi niya sinasagot. Kaya kahit sa kalagitnaan ng gabi ay sinugod ko siya sa opisina niya.

"Ma'am, hating gabi na po. Bakit pa po kayo nandito?" Hinarang ako ng guard sa main entrance ng building.

"Nandyan pa yung CEO niyo sa taas diba?" Tumango lang siya sa akin at nagdire-diretso na ako sa loob. Hahabulin niya pa sana ako pero nakita kong pinigilan siya nung isa pang guard.

Pumasok ako sa elevator at pinundot ang 14th floor. Bawat palapag na nalalagpasan ko ay nagbibigay ng isang libong kaba sa dibdib ko. Naging mabigat ang mga hakbang ko nang makalabas na ako sa elevator at naglalakad patungo sa pinto ng opisina niya.

Kumatok ako ng maraming beses pero hindi pa rin niya ako pinagbubuksan. Humigpit ang hawak ko sa folder na nasa kamay ko. Unti-unti na akong kinakain ng galit at hindi ko na alam ang pwedeng kong magawa. Binuksan ko ang pinto at naabutan ko siyang nakaupo sa swivel chair at may kausap sa telepono.

"I already signed it---" Alam kong nabigla siya nang makita niya ako. Hindi ko alam kung nag-iisip lang ako ng iba pero parang nataranta siya sa presensya ko. Lalong sumisikip ang dibdib ko dahil sa kinikilos niya.

 

"I'll call you later, bye." Binaba niya agad ang telepono at humarap sa laptop niya. Gusto ko sanang maawa sa kanya dahil halata namang kulang siya sa tulog at pagod na pagod siya. Pero kapag naaalala ko yung nakita ko kanina, naglalaho ang lahat.

 

"Marami akong dapat tapusin kaya sa susunod nalang tayo mag-usap. You can go now." Sinabi niya iyon na para bang isang empleyado niya lang ako. Naglakad ako papunta sa kanya at padabog kong nilapag sa lamesa niya ang folder na hawak ko.

"Ipaliwanag mo sakin yan." Tumigil siya sa pagta-type sa laptop niya. Nakakunot noo niyang kinuha ang folder at tiningnan ang laman. Mabilis niya rin iyong sinarado at itinabi sa drawer ng table niya.

"This is about business, Annica. Pati ba naman yung ganitong bagay pinapakialaman mo pa?" Gusto ko ng maiyak dahil alam kong alam niya kung anong tinutukoy ko pero hindi niya ako sinagot ng maayos.

"Nagkita na ba kayo ni Aliyah?" Napatigil siya sa kanyang ginagawa at umiwas ng tingin. Kinagat ko ang labi ko para maiwasan ang tuluyang pagtulo ng luha sa aking mata.

 

"This is non sense, Annica. Tumigil ka na." Padabog niyang sinarado ang laptop sa lamesa. Tumayo siya at humarap sa malaking bintana, nakatalikod siya mula sa akin. Alam kong ginawa niya iyon para maitago sakin ang bagay na gusto niyang itago.

"Alam mo ba kung gaano 'to kasakit para sa akin?" Hindi ko na napigilan ang damdamin ko at tuluyan na akong umiyak. Hindi siya sumagot pero alam kong narinig niya ang sinabi ko maging ang mga hikbi ko.

 

"Natatakot ako, Kiefer. Paano kung iwan mo na naman ako dahil sa kanya? Kung nabuhay pa ako dati baka sa pagkakataong ito hindi na." Narinig ko ang malalim na hiningang pinakawalan niya. Humarap siya sa akin pero hindi ko nagawang basahin ang isip niya.

 

"Wala ka bang tiwala sa akin? Sa tingin mo ba iiwan kita ng basta-basta? Hindi pa ba sapat yung pinapakita ko sayong pagmamahal? Kulang pa ba? Ano pa bang dapat kong gawin para masiguro sayo na ikaw na ang babaeng papakasalan ko?" Natahimik ako sa sinabi niya. Lumapit siya sa akin at pinunasan ang luha sa pisngi ko. Sinusubukan niya na naman akong amuhin pero hindi niya ako napaamo sa pagkakataong ito.

 

"Walang kulang noon, pero pakiramdam ko ngayon meron na." Mahina ko iyong sinabi pero sapat para marinig niya. Tumingin ako sa ibang direksyon, pero ramdam ko pa rin ang mata niyang nakatingin ng mataman sa akin.

"Ano bang gusto mong gawin ko?" Hinawakan niya ang kamay ko. Napansin niya ang panginginig ko kaya hinawakan niya iyon ng mas mahigpit.

"Tanggihan mo ang business deal mo with Aliyah. Wag kang makikipagkita sa kanya at lalo namang wag mo siyang ipapakita sa akin." Sa isang iglap ay bigla nalang lumuwag ang pagkakahawak niya sa kamay ko. Hindi rin nagtagal at binitawan na niya ito ng tuluyan.

"Naririnig mo ba yung sinasabi mo? Six years! Six years na kaming hindi nagkikita, sa tingin mo ba may dapat ka pang ikatakot doon?" Bumalik siya sa lamesa niya at naupong muli sa swivel chair. Pinanood ko lang siya habang inaayos ang gamit niya sa lamesa.

 

"At isa pa, hindi ko pwedeng tanggihan ang deal na iyon dahil malaki na ang nalabas na pera ng company para doon." Alam kong ito ang magiging sagot niya pero sinubukan ko pa rin dahil nagbaka sakali ako na hindi ako kayang tumbasan ng pera.

"Hindi na kita pipilitin," Napalingon siya sa akin at nagtama ang mga mata naming dalawa. Tinanggal ko ang kwintas sa aking leeg at nilapag sa lamesa niya. Tinitigan niya iyon bago muling nagsalita.

"Annica, please itigil mo na 'to. Pagod na pagod ako, gusto ko na magpahinga." Alam kong kanina pa siya naiinis sa akin pero pinipigilan niya lang ang sarili niya.

"Pagod na rin ako, Kiefer." Pagod na ako sa kakaisip ng paraan para manatili kang akin, akin lang. Hindi ko alam kung paano siya biglang nakarating sa likod ko. Naramdaman ko nalang na yakap na niya ako.

 

"Hindi mo 'to pwedeng tanggalin." Sinubukan niyang ilagay ulit sa leeg ko ang kwintas na binigay niya sa akin pero tinabig ko agad ang kamay niya. Humakbang ako palayo sa kanya.

"Ibalik mo nalang yan sakin kapag nabigay mo na ang gusto ko." Tinalikuran ko na agad siya bago niya pa makita ang muling pagtulo ng luha ko. Naglakad ako papunta sa pintuan habang pinipigilan ang paghikbi ng malakas.

Sobrang sikip ng dibdib ko, bakit ngayon pa? Bakit ngayon pa siya dumating? Hindi ba pwedeng sa mga susunod na taon nalang? Huwag muna ngayon, hayaan niya muna ako sa piling ng lalaking pinakamamahal ko.

Binuksan ko ang pintuan, umasa akong pipigilan niya ako pero hindi niya ginawa. Lalong kumirot ang dibdib ko, hindi na ako makahinga ng maayos pero pinilit kong magsalita ng hindi nauutal.

"Malaking bahagi si Aliyah ng nakaraang gusto nating kalimutan. Baka nakakalimutan mo nang nangako tayo sa isa't isa na sabay nating tatalikuran ang bangungot ng nakaraan?" Hindi ko hinintay ang sagot niya at marahan kong sinarado ang pinto.

Isang pangako na naman ba ang nanganganib na mapako?

 AUTHOR'S NOTE:

I THEREFORE ANNOUNCE THAT "ANG FIANCE KONG HUDAS (BOOK 1)" IS  PUBLISHED UNDER LIFEBOOKS. THATS ALL THANK YOU.

Totally A JudasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon