Chapter 38: Who to Love?

591 7 0
                                    

“Mga hayop!” Sigaw ni Cassandra sabay bato ng hawak na plato sa pader. Pinanood niya kung paano mabiyak iyon sa maliliit na parte.

            Matapos niyang komprontahin si Roxanne kanina sa Opisina, dumiretso siya sa Restaurant na pinagdalhan sa kanya noon ni Charlie.

Kailangan niyang ilabas lahat ng galit at tensyon na kanyang nararamdaman kaya malaking tulong ang atraksyong ito ng Resto.

            Gabi na nang makarating siya doon. Sa haba ng trapik halos masaid na sa Kotse ang kanyang pag-iyak. Namumugto na ang kanyang mga mata at kay sakit na ng kanyang sinus.

            Bilang ayaw naman niya na may makakakita ng kanyang puot sa pamamato ng pinggan, nirentahan niya ang buong Resto. Agad itong sinara ng may-ari at hinayaan siyang solohin ang buong lugar.

            “Tama na iyan. Nakakarami ka na. Magpahinga ka muna.” Mahinahong saway sa kanya ni Charlie na nakaupo sa isang sulok.

            Tinawagan niya ito kanina bago pa siya makarating sa Resto. Tulad ng inaasahan, agad itong dumating para damayan siya.

            “Bakit ako titigil?! Ngayon pa lang nag-iinit ang kamay ko. Sisirain ko lahat ng plato’t baso dito hangga’t hindi naaalis ang galit sa akin.” Aniya sabay turo sa kanyang puso. Saglit rin  siyang tumigil para titigang mabuti ang mga uka sa pader. “Mga hayop sila. Lahat sila! Bakit ganun Charlie, bakit may mga taong sadyang nabubuhay para lang saktan ka?”

            Muling bumigat ang kanyang dibdib. Ang kanyang mga mata na kanina’y nasaid na ang luha’y heto muli’t mamasa-masa na naman.

            Suminghot siya. Tinitigan niya ang tangan niyang plato. Iniangat niya iyon ngunit wala na siyang lakas. Kanina pa siya bato nang bato kaya ang kanyang mga braso’t kamay ay nananakit na sa sobrang hapdi.

            “Kung.......kung naging mabait kaya ako sa lahat ng mga katrabaho ko sa Kumpanya, gagawin pa rin ba nila sa’kin ang lahat ng iyon? Sasaktan pa rin ba nila ako kapag nagpaka-Anghel ako?”

            Hindi siya nakarinig ng sagot mula sa kaibigan. Marahil pati ito’y hindi rin alam kung ano ang isasagot sa kanyang tanong.

            Bintawan niya sa katabing cart ang tangang plato. Wala na siyang lakas. Pakiramdam niya’y mamamatay na siya sa magkahalong pisikal at emosyunal na sakit.

            Hinawakan niya ang kanyang dibdib. Ang sikip-sikip na kasi ng kanyang paghinga’t feeling niya’y nagsasara na ang kanyang daluyan ng hangin.

            “Ang sakit-sakit. Ganito pala ang pakiramdam ng traydurin at isahan. Lahat ng taong minahal ko, ginago ako. Pinahalagahan ko sila pero wala silang pagpapahalaga sa’kin. Ano bang nagawa kong mali sa kanila?” Aniya habang humahagulgol.

            Sa sobrang sakit, bigla na lamang siyang bumagsak sa kanyang kinatatayuan. Napaupo siya sa tabi ng cart. Ang kanyang kamay ay latang-lata na’t walang buhay. Daig pa niya ngayon ang namatayan.

            “Cassy....” Ang tumatakbong sabi ni Charlie. Agad siya nitong hinawakan sa magkabilang pisngi. “Ayos ka lang ba? Halika’t iuuwi na kita sa inyo. Kanina pa ako kinokontak ng kapatid mo. Sabi ko kasama kita kaya huwag na siyang mag-alala. Kung hindi mo na kaya, iuuwi na kita. Tara na.”

            Umiling siya. “Hindi pwede. Ayokong makita ng Pamilya ko na ganito ang itsura ko. Ayokong madamay sila sa mga pagkakamali ko. Hangga’t maaari, sosolohin ko lang ang mga ito hangga’t sa matapos. Ayoko silang idamay. Mas masasaktan ako kapag nakikita ko silang naaapektuhan.”

Cassandra's Second ChanceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon